Andress 97 | Ang Babaylan ng Timog

88 10 36
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Ang Babaylan ng Timog ||


Limang sibat na balot ng nagliliyab na itim na apoy ang sunod-sunod na bumaon sa mga punong dinaanan ko. Patuloy lamang ako sa paglipad habang iniiwasan ang mga hindi mabilang na bola ng itim na enerhiyang umuulan sa akin. Ang mga halimaw na sumusunod sa akin at ang iba't-ibang mga kapangyarihan pa na ibinabato sa akin ng mga Haligi kasama na si Ahriman.

"Ano, Tagahawak!? Hanggang pagtakbo na lamang ba ang gagawin mo!? Bakit hindi ka lumaban!?" sigaw ni Enthon na punong-puno ng panghahamak.

Hindi ko pinagtuunan muna ng pansin ang mga pagsigaw ni Enthon dahil abala ako ngayon sa pagpapabagsak sa mga halimaw ng karimlan na kanina pa humahabol sa akin.

Lumipad ako paitaas upang makita ng mas malawak ang paligid, nang sapat na ang aking taas ay limang beses na sipa ang aking ginawa. Bawat sipa ay may katumbas na mahahabang linya ng puting liwanag, lahat ng mga halimaw na nakakalipad na dinaanan ng liwanag ay bigla na lamang naging abo. Ang ilan naman na nasa ibaba ay napahiyaw na lamang kasunod ng limang malalakas na pagsabog.

Habang ako'y nakamasid sa ibaba na balot na ng makapal na alikabok ay isang malakas na itim na kidlat ang muling bumagsak mula sa madilim na kalangitan at aktong tatama na sana sa akin.  Ngunit alerto ako at mabilis na umiwas dahilan upang ang tamaan ay ang mga naka-itim na manto sa ibaba.

"Kulang ang lakas at enerhiya mo para tapatan kaming lahat ng sabay-sabay, Tagahawak," wika ni Ahriman na nasa itaas ko. Kasalukuyan itong lumilipad ngayon na parang isang aparisyon. Nasa likuran din niya si Ashnev na katulad niyang parang aparisyon lang din.

"Ngayon na nag-iisa ka lang ay may pagkakataon na kami upang gumanti sa lahat ng ginawa mo sa amin," gigil na wika ni Ashnev. Mukhang tulad ng iba niyang kasamahan ay nakabawi na nga talaga siya sa ginawa ko sa kanila noon sa Hilaga.

Isang malalim na paghinga ang aking binitiwan kasabay ng pag-init ng aking mga mata. Ang liwanag na nakabalot sa akin at maging ang napakalaking Sirkulo na nananatili pa rin sa itaas ng madilim na kalangitan ay mas lalong tumindi at nag-alab.

'Hindi pa tapos. Hindi pa kompleto ang Sirkulo, kailangan ko pa ng oras.',

"Sa kalahating oras na pagsubok niyong ako'y galusan, wala man lang ni isa sa inyo ang nakagawang dapuan ako ng daliri," walang katakot-takot kong banat. Mas lalo lamang nanggigil si Ashnev na kinailangan pang pigilan ni Ahriman nang magtangka itong sumugod sa akin.

"Wala nga ba talaga kahit na isa?" nakangising tanong ni Ahriman sabay tingin sa ibaba. Nang sundan ko ang kanyang tingin ay ang nakatingala at nanggigil na si Enthon ang aking nakita.

"Hindi ba't ilang beses kang tumilapon at gumulong sa lupa sa tuwing malalapit siya sa iyo? 'Wag mong kakalimutan, Tagahawak na ang binatang iniibig mo ay isa na sa amin— isa ng Haligi."

Tila naputulan naman ako ng dila sa mga sinabi ni Ahriman. Tama naman kasi siya. Tanging si Enthon lang ang nakagawang galusan ako at saktan ngunit 'yun ay dahil sa hindi ko alam kung paano siya lalabanan. Sa totoo lang, malaki ang tyansa ko laban kay Enthon ngunit ang pumipigil lamang sa akin na saktan siya at lumaban pabalik ay itong aking puso.

Paano ko nga ba magagawang saktang ang taong nagparamdam sa akin na ako'y hindi isinumpa at ako'y kamahal-mahal? Paano ko sasaktan at lalabanan ang taong kabiyak na ng aking puso at buhay? Kung meron mang kasagutan, 'yun ang hindi ko alam.

Isa muling malalim na paghinga ang aking pinakawalan at sandaling pinutol ang pagtitig kay Enthon na matatalas naman ang mga tingin na ibinabalik sa akin. Muli ko na lamang na itinuon ang aking atensyon kanila Ahriman at Ashnev.

ANDRESSWhere stories live. Discover now