Andress 29 | Pasilip

393 23 30
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Pasilip ||


Malakas ang ulan sa labas, ganap pa lang na tanghali ngunit madilim na ang paligid dahil sa makakapal at maiitim na ulap na nasa kalangitan.

Nasa loob lamang ako ng kubo, naka-upo sa harapan ng bintana habang pinapanood ang mga puno na pinasasayaw ng malalakas na bagwis ng hangin. Halos wala na akong makita sa paligid, napakalakas kasi talaga ng ulan.

Hindi ko alam kung gaano na ba ako katagal na nakamasid lang sa labas ng bintana. Kung kaya ko nga lang bilangin ang bawat patak ng ulan baka ginawa ko na dala ng pagkabagot. Ngunit nasa tamang wisyo pa naman ako upang gawin iyon.

Nagising lang ang aking kaibuturan sa labis na kabagutan nang bumugso ang malakas na ihip ng hangin na may kasamang tubig-ulan. Buong itaas na bahagi ng aking katawan ay nabasa. Sobrang lamig pero masarap naman sa pakiramdam.

Nakatitig lang ako sa suot kong damit na basa na. Napa-iling na lang ako at hinubad ito. "Maliligo rin naman ako mamaya, sa ulan na lang siguro."

Pagka-alis ng aking mga saplot ay tumakbo kaagad ako sa labas ng kubo. Sinalubong ako ng mabibigat na patak ng ulan at ng malakas na hangin.

"ANG LAMIG!!"

Para akong binuhusan ng nagyeyelong tubig. Halos mangatog ako sa lamig at parang nagsisi sa akin desisyon. Wala kasi akong ibang suot maliban sa maiksi at manipis na pambaba kaya't ramdam na ramdam ko ang kagat ng lamig.

Para akong poste ng ilang oras, nakatayo lang ako at yakap ang sarili dahil sa sobrang lamig. Ilang beses din akong sumigaw para maibsan ang lamig hanggang sa unti-unti ay umangkop na rin ang aking katawan sa lamig.

Naupo na ako sa damuhan, hinahayaan ang mabigat at malalaking patak ng ulan na tumama sa aking balat. Ang tagal na rin noong huling beses akong nakaligo sa ulan kaya naman kakaibang pakiramdam ang inihahatid nito sa akin ngayon.

Bukod sa ang paglalagi sa loob ng gubat kapag ako ay may problema, naging ugali ko na rin ang pagsuong sa ulan noong ako'y maliit pa. Iniisip ko na sa gano'ng paraan ay mahuhugasan pansamantala ng mga butil ng tubig na pumapatak sa aking katawan ang mga problema na aking pinagdadaanan.

Kaya nga ngayon, hindi ko na muna iniisip ang mga bagay na gumugulo sa akin bagkus ay ibinigay ko na muna sa aking sarili ang sandaling ito para maging normal at simpleng binata muna kahit ilang oras lamang.

Kung ano-ano ang aking pinaggagagawa habang ako'y naliligo. Nand'yan ang paikot-ikot akong tatakbo habang sumisigaw, gumugulong sa putikan at pilit na iniilagan ang mga patak ng ulan kahit na imposible naman. Walang ibang nasa isip kundi ang magpakasaya lamang sa gitna ng malakas na ulan. Wala namang ibang tao sa paligid at wala rin namang makakakita o makakarinig sa akin.

Nang ako'y mapagod ay muli akong naupo at itinaas ang aking kanang palad. Sinasalo nito ang mga butil ng tubig na bumabagsak mula sa madilim na kalangitan.

Sa kalagitnaan ng aking ginagawa ay bigla akong nakaramdam ng presensya sa paligid. Dali-dali kong ibinaba ang aking kamay at nagmasid sa paligid. Mahirap makakita dahil sa sobrang kapal at lakas ng ulan kaya't kinailangan ko pang gamitin ang aking kapangyarihan para hanapin ito sa paligid.

ANDRESSWhere stories live. Discover now