Andress 45 | Natatanging Regalo

370 24 20
                                    

📖 ANDRESS 📖

|| Natatanging Regalo ||


Nakatayo ako sa tuktok ng mataas na bundok. Masarap sa pakiramdam ang banayad na hangin at pinasasayaw nito ang aking suot na mahabang puting roba. Hindi ko alam kung nasaan ako, basta ang pakiramdam ko lang ay napakagaan, para akong nakalutang habang pinagmamasdan ko ang mapayapa at napakagandang tanawin sa baba.

Sa ilang oras na pananatili ko ay naging kapansin-pansin ang biglang pagbago ng hangin, ang kaninang banayad ay naging mabagsik. Napasigaw ako at mabilis na kumapit sa malaking tipak ng bato na nasa aking tabi nang bumayo nang malakas ang hangin.

Habang pinipilit kong 'wag magpatangay sa malakas na hangin ay biglang dumilim ang kalangitan, kumulog at kumidlat. Bumagsak sa iba't-ibang ibang lugar ang mga itim na kidlat. Mula sa kinatatayuan ay kitang-kita ko kung paano mabahiran ng kadiliman ang mga lugar na binagsakan ng mga itim na kidlat- ang kadiliman na 'yun ay unti-unting kumakalat.

Ilang sandali pa ay mga nakakabinging tinig ang aking sabay-sabay na narinig, tila tinatangay ito ng malakas na bagwis ng hangin mula sa malayo patungo sa akin.

Nakakapangilabot ang mga sigawan, parang isa-isang binabawian ng buhay ang lahat. Nakakarinig rin ako ng mga pagtawa at mga tinig na may binubulong ngunit hindi ko lubos na maunawaan. Ang lahat ay pumupuno sa aking tenga.

Gustuhin ko mang takpan ang aking tenga para mapigil ang mga boses ay hindi ko naman magawa. Kung gagawin ko 'yun, kailangan kong bumitaw at tiyak naman na tatangayin ako nang malakas na hangin.

Ilang saglit pa ay may napansin akong kakaibang pwersa sa hindi kalayuan, palaki iyon ng palaki hanggang sa isang itim na liwanag ang pumaitas sa kalangitan at mas pinadilim ang buong paligid.

Muling dumagundong ang napakalakas na kulog na halos yanigin na ang kalupaan. Kasunod nga no'n ay ang muling pag-ulan ng malalakas na kidlat. Ang mga boses ng takot at paghihirap ay mas lumakas. Nararamdaman kong dumudugo na ang aking tenga at ilong.

Ang bagwis ng hangin ay may nais i-bulong sa akin. May mga kataga akong naririnig ngunit hindi ko maunawaan. Paulit-ulit ito ngunit hindi talaga makayanan ng aking isip na unawain dahil sa sitwasyon ko ngayon.

Muli kong pinagmasdan ang itim na liwanag na nanggagaling sa malayo, ito ang nagpapalala sa kung ano mang nangyayari sa paligid. Pinalalakas nito ang dagundong, ang mga itim na kidlat at ang paglamon ng kadiliman sa lahat. Sa maikling oras lamang, ang payapa at magagandang tanawin ay nabalot na sa bangungot at kadiliman.

Mas lalong lumakas ang bagwis ng hangin, unti-unti ko na ring nararamdaman ang paggalaw ng malaking bato na aking kinakapitan.

"W-wag... Hindi..." Umiiling akong nakatitig sa batong unti-unti nang nabubunot mula sa lupa dahil sa sobrang lakas ng hangin. Ilang sandali pa nga ay isang malakas na itim na kidlat ang tumama sa batong kinakapitan ko, sumabog ito at ako'y tumilapon.

Tinangay ako ng hangin. Parang matatanggal ang lahat ng buto ko sa katawan dahil sa lakas ng hangin na bumubugbog sa aking katawan. Nang ako ay tumingala, isang higanteng hulma ng mukha ang nabuo mula sa maiitim na ulap. Ang tila mata nito ay nagbabaga habang ito'y nakatitig sa akin.

ANDRESSWhere stories live. Discover now