i'll always look out for you

33 1 0
                                    

Dumating man ang panahon at maubos ka -
pakiusap, piliin mo ang sarili mo
kagaya ng parati kong sinasabi,
ano mang mangyayari ay mangyayari
Hindi man madali,
ngunit para ito sa ikabubuti

Gugustuhin ko nang tanggapin
dahil alam ko namang sinubukan natin
Ang pagmamahal na kaya mong ibigay ay hindi na para sa akin
Ibigay man sa iba ay ikatutuwa
Marahil hindi sa paraang tatawa,
ngunit sa pakiramdam na ikagiginhawa

Bitbitin ko ang ipinaranas na pagtanggap sa buong pagkatao
hanggang sa magawa ko ito mismo
Parati akong magagalak na minsan kitang nakilala
Parati akong magpapasalamat na nagkaroon tayo ng panahon na iginugol sa isa't isa

Dumating man ang oras na tupok na tupok ka na,
alalahanin mo sanang hindi kita pinipigilan magpahinga
Tandaan mo bilang araw ko,
binigyan mo ako ng liwanag
At kung buwan ang pag-uusapan,
nariyan ka no'ng mga panahong ako ay nawawala sa kalagitnaan ng kadiliman

Masaya ako kung pipiliin mo ang sarili mo
Suportado ako sa desisyon na ito
Dahil sa wakas,
alam mo na ang halaga mo
Panghahawakan ko ang lahat ng mayroon tayo
Ingatan mo ang sarili mo,
para mo na rin akong iningatan sa paggawa nito

Huwag kang magdadalawang-isip na umalis,
Tahakin mo ang daan palihis
Hindi mo kailangang tumingin uli
Alam mo namang babantayan kita,
parati

03:53 12/24/21

To Fill or Burst, To Break or BuryWhere stories live. Discover now