Kabanata 51

83 7 0
                                    

Olivia,

Umalis na ako ng balay bago pa man magbago ang aking isipan. Kay tagal ko nang pinlano ang aking mga hakbang. Hindi ko na maaari pa itong urungan.

Una akong nagtungo sa Bayan ng San Ignacio. Dumiretso sa kapitolyo upang puntahan ang Gwardya Sibil na aking pinangakuan. Kasalukuyan siyang naitalaga bilang Heneral ng bayan kung kaya naman nais ko siyang dalawin at batiin sa kaniyang bagong posisyon.

Dumaan ako sa likod ng kapitolyo upang walang makakita sa akin. Itinago ko rin ang aking pana at palaso sa aking kasuotan. Pormal na naglakad na tila may bibisitahin lamang. Sinasadya kong umiwas sa mga tao sapagkat hindi ko gugustuhing may makapansin sa akin. Mabilis ang aking galaw kung kaya't hindi rin nagtagal ay naabot ko na ang kaniyang silid. Hindi na ako nag-abalang kumatok at hantaran ko iyong binuksan.

Nakatalikod lamang ito at prenteng lumalaklak ng kaniyang alak habang nakaupo sa kaniyang upuan. Subalit nang maramdaman ang biglaang pagbukas ng pinto ay agad niyang itinago ang kaniyang nilalaklak na alak at tumayo upang ako ay harapin. Subalit nang masilayan niya ang aking hitsura ay pagtataka ang bumalatay sa kaniyang mukha.

"Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo, Punong Madre?" Inasahan ko nang iyon ang kaniyang sasabihin sapagkat hindi naman niya nakikita ang aking mukha. Kung kaya naman marahas kong inalis ang itim na telang nakasalukbong sa akin. Doon na bumalatay ang gulat sa kaniyang mukha.

"Narito ako Heneral Alamid upang tuparin ang aking pangako," direktang saad ko na talagang ikinaputla niya. Nginisian ko siya at bago pa man siya makakilos na hugutin ang kaniyang baril ay mabilis ko nang napaglaro ang aking palaso at pana sa aking mga kamay at daliri. Isang mabilis na pagsasaayos ang aking ginawa bago ko bitawan ang palasong mabilis na tumarak sa kaniyang dibdib. Ang aking palaso ay may kasamang lason na papatay sa kaniya sa pinakamabagal na paraan. Ngunit ano man ang gawin niya, walang gamot sa lasong papatay sa kaniya. Kagaya nang walang gamot sa kamangmangan at kaitiman ng budhi ng taong nasilaw na ang mata sa posisyon at karangyaan. Na ultimo pagiging makatao ay kaniya nang nakalikdaan. Ilang kababayan na ba natin ang ganiyan? Nagagawang ipagkanulo ang kaniyang bayan para sa karangyaan. "Sa ngalan ng Cagabong." Matapos kong sabihin iyon ay tinalikuran ko na ito. Bago ko lisanin ang Kapitolyo ay sinilaban ko ito. Ang mga demonyo ay nararapat masunog sa impyerno.

Natuloy ako sa aking lakad at nagdire-diretso ako patungong Hacienda Ignacio. Hindi binibigyang pansin ang mga taong nagkakagulo at pilit sinasalba ang Kapitolyong gawa lamang sa kahoy at ilang adobeng bato. Bagay na pinonduhan ng pamahalaan gamit ang mga salapi ng mamamayan. Tinipid para sa pansariling kasakiman.

Muli kong itinago ang aking palaso at pana. Sa pagkakataong ito ay akin nang tinanggal ang pang-ipit na nakatusok sa aking buhok upang iyon ay mapuyos. Lumadlad ang aking mahabang buhok at piniling takluban na lamang iyon ng itim na tela. Hawak ang aking pang-ipit na minana ay pumuslit ako sa Hacienda. Gabi na at nasisigurado kong tulog na ang mga tao rito kung kaya naman nagdiretso na ako sa kaniyang silid nang makapasok sa mansyon.

Hindi na ako nagulat nang madatnang hubot hubad ang Gobernadorcillo. Naroon ay may dalawang babae rin itong katabi. Kanina ay hindi nakaligtas sa aking paningin ang kaniyang asawa na umiiyak sa hagdan. Mabilis lamang talaga ang aking galaw at hinasa ko ang aking sarili sa ganoon. Kung kaya't hindi ako ninuman natunugan.

Sa pagkakataong iyon ay walang ano-ano kong pinalipad ang dalawa kong palaso patungo sa dibdib ng dalawang babaeng nakayakap sa Governadorcillo. Ang malakas na daing ng mga ito ang nagpamulat kay Don Miguel. "De puta! Sino ka?" Napabalikwas ito ng higa at iniwan ang dalawang babaeng bangkay na sa kaniyang kama.

"Magandang gabi Don Miguel," magalang kong wika. Doon na nanlaki ang kaniyang mata, nakita ko pa ang kaniyang mabilis na paglunok. "Narito lamang ako para tuparin ang ating napagkasunduan tatlong buwan ang nakalilipas." Doon na naalerto ang Don. Mabilis siyang sumigaw nang sumigaw at tila humihingi ng tulong sa kaniyang mga Gwardya Sibil na ang karamihan ay sumugod na sa Kapitolyo nang dahil sa sunog kung kaya't ako ay nadaliang makapasok. Hindi rin nakaligtas sa aking paningin ang dahan-dahan niyang pag-urong patungo sa kaniyang aparador. Binabalak pa nitong ako ay bunutan ng baril. Subalit kung may mauuna man sa aming susunugin ay titiyakin kong siya iyon.

Sa pagkakataong ito ay ginamit ko na ang pang-ipit ni Ina bilang palaso ng aking pana at walang pakundangan ko iyong pinatama sa kaniyang mata. Hindi pumipikit at hindi natitinag. Nagsisigaw ito at tuluyang napaupo sa sahig subalit hindi ako nakuntento. May kulang, hindi sapat.

Kaya naman humugot ako ng tatlong palaso at pinatama iyon sa kaniyang dibdib. Puno ng galit at poot. Tatlong palaso para sa tatlong taong pinakamamahal ko na winakasan niya ng buhay. Para sa aking Ina na kaniyang hinalay, sa aking marangal na Ama na kaniyang pinatay, at sa aking pinakamamahal na kaniyang ipinahiya, binaboy at inalipusta. Ito ang kabayaran, kamatayan.

"Naaayon sa unang artikulo ni Mariano Ilagan. Kabayaran sa pagpaslang sa buhay ng aming pinuno ay kamatayan. Sa ngalan ng Cagabong, kitil na ang buhay ng lapastangan." Hindi ko iniwang patay lang ang kaniyang katawan. Sinigurado kong masusunog din ang pisikal niyang katawan hindi pa man siya nakararating sa impyerno. Nagliliyab kong iniwan ang kaniyang mansyon kagaya nang kung paano niya sinunog ng buhay ang aking mga magulang.

Mata sa mata, ngipin sa ngipin. Buhay ang ninakaw, buhay rin ang kabayaran. Kung hindi madadala ng hustisya ng batas, ako ang gagawa ng paraan para sa hustisyang pinagkait sa mga namayapa.


I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon