Kabanata 33

264 30 0
                                    

Olivia,

Isang sampal sa mukha ang nakuha ko mula kay Madame Racelita nang puntahan ko siya sa Bahay Aliwan. Nanginig ang aking mga kamay at puno ng luha ang aking mukha. Sa puntong iyon ay tila nanigas ako sa kinatatayuan at hindi na malaman ang sunod na gagawin.

"Sumagot ka! Ano ang nangyari?" Hindi ko malaman kung paano siya sasagutin ng hindi umiiyak. Hindi ko malaman ang gagawin ko at dito ko unang napagdesisyonang pumunta.

"S-Sina M-Maria... S-Sina M-Maria..." Muli akong nakatanggap ng sampal dahil doon.

"Sumagot ka nang maayos! Nasaan sila? Nasaan ang mga pamangkin ko!" Tuluyan nang naghumiyaw ang ginang na mas nagbigay dahilan sa aking pag-iyak. Nang hindi ko na iyon kayanin ay napasalampak na lamang ako sa harapan ng pinto ng aliwan. Agad namang hinawakan ni Madame Racelita ang aking braso upang ako ay alalayan.

"Ano ba ang nangyari, Mira! Sumagot ka! Nasaan ang aking mga pamangkin!" Nagsimula na ring manginig at maluha ang ginang. Hindi ko naman malaman kung paano bubuo nang salita.

"P-Pinatay.. P-Patay..." Iyon lang ang aking nabubuo subalit abot langit na ang pagkagimbal ng ginang.

"A-Anong pinatay? Umayos ka! Ano iyon!" Subalit hindi ko na siya nasagot nang tuluyan nang agawin nang kadiliman ang aking kamalayan.

Nang ako ay muling magising ay ang aking silid na ang aking nabungaran. Tahimik at tila nagdadalamhati rin iyon. Hindi ko akalain na maging sa aking pagmulat ay bumabalik lamang sa aking balintataw ang nasaksihan. Muli ay nag-unahang pumatak ang mga luha sa aking mga mata. Nanlamig at nagsimulang manginig. Tuluyan na akong umupo at mabilis na pinagsalikop ang aking mga tuhod. Niyakap iyon at doon nag-i-iyak.

"Kagigising mo pa lamang ay umiiyak kana naman, Binibini." Boses pa lamang ni Agnes ay nakikilala ko na siya. Tiyak kong may dala siyang pagkain dahil naamoy ko ang aroma niyon. Subalit hindi pa rin ako nag-angat ng tingin sa kaniya. Sa puntong ito ay hindi ko maiwasang sisihin ang aking sarili sa mga nangyari. Kung hindi ko sana sila iniwan o hindi ko sana nabitawan si Laura ay makaliligtas sana kami. Maging ang simpleng pagsasabi kay Madame Racelita ay hindi ko nagawa ng ayos. Kasalanan ko ang lahat, pinatay ko sila. "Tahan na Olivia." Naramdaman ko ang pagbaba nang isang parte ng aking kama. Marahil ay umupo roon si Agnes. 'Di nagtagal ay naramdaman ko ang marahang paghaplos ng kaniyang kamay sa aking likuran. Nang-aalo. "Huwag mong sisihin ang iyong sarili, Olivia. Hindi mo kasalanan." Gayunpaman ay hindi ko siya binigyan ng pansin. Sa loob ng ilang araw ay ganon lamang ang nangyari. Hindi na rin ako tumikim ng pagkain at tubig. Wala akong kagana-gana sa lahat ng bagay. Hindi ko maatim tumikim ng kahit ano gayong nasa akin ang kaalamang patay na ang aking mga kaibigan. Hindi ko kayaning makibalita sa kahit na sinong bumisita sa aking silid patungkol kay Laura. Kung kamusta na ba ito o kung ayos lamang ba ito.

Subalit ang ika-29 ng Disyembre ay naging kakaiba. Si Carlos na ang dumalaw sa akin nang araw na iyon. Bitbit ang maraming pagkain at prutas na inilapag niya sa aking kama. Inaasahan ko na kagaya ng ibang mga katulong at ni Agnes ay pipilitin niya akong kumain subalit ikanagulat ko ang bigla na lamang niyang sinabi.

"Kalat sa buong San Fernando at San Ignacio ang pagbibigti ng tatlong mang-a-aliw ng aking Aliwan sa gitna ng kagubatan." Natigilan na ako roon. Pagbibigti? Sino? Nanlalaki ang aking matang binalingan si Carlos.

"A-Ano ang iyong pinagsasasabi?"

"Hindi mo ba alam na nagbigti ang iyong mga kaibigan?" Tuluyang nanginig ang aking kamay sa tinuran niya. Hindi ko na halos nabigyan ng pansin ang mukha niya dahil sa panlalabo nang aking mga mata. Napuno muli iyon ng luha. Kung gayon ay ipinalabas na nagbigti ang aking mga kaibigan? Mga hayop sila! Sa puntong iyon ay napuno nang galit ang aking kalooban. Anong karapatan nilang manipulahin ang pagkamatay ng aking mga kaibigan? Matapos nilang lapastanganin ang mga bangkay nila ay ganito?

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now