Kabanata 45

251 22 3
                                    

Olivia,

Matapos ang aming pagtatanghal ay bumaba na kami ng entablado upang kami ay makisalo na sa mga nagkakasiyahan. Iba't-ibang ginoo at binibini ang aking nakahuntangan. Napapasayaw pa kami sa aliw ng magandang tugtog mula sa instrumento ng mga sumunod na nagtanghal. Masaya kaming natatawa ni Agnes habang kinakausap ang ilang parokyanong ikine-kwento ang kanilang paglalakbay. Malaki ang aming pasasalamat at hindi mga bastos ang aming mga nakasalamuha ngayong gabi. Kalimitan na rin kasing nangyayari sa amin na subukang hawakan ng kung sino subalit sa tuwing ganoon na ang nangyayari ay lagi namang nakasaklolo si Madame Racelita.

Nang matapos ang usapan namin sa parokyano ay nagtungo na kami sa lamesang kinauupuan ni Señor Carlos na abala sa pagsimsim ng alak at Ginoong Leonardo na abala naman sa pagsusulat. Tila walang pinanggalingang paglusob na talagang aking ikinamamangha. Wala man lamang silang sugat, ni daplis, samantalang ako ay magpasahanggang ngayo'y idinadaing ang sumasakit na balikat.

"Anastasia, Agnes hali kayo rito!" hiyaw pa ng Señor nang kami ay kaniya nang mapansin na papalapit sa kaniya. Nagkatinginan muna kami ni Agnes bago pinaunlakan ang kahilingan ng Señor.

Sa paglapit namin doon ay tumayo si Señor Carlos mula sa kaniyang pagkakaupo. May ngiti sa labi at halatang masayang-masaya. Marahil ay dahil na rin sa pagtatagumpay nang aming paglusob. Usap-usapan na rin ang tungkol doon kanina habang kausap pa namin ang mga parokyano. Gayunpaman ay isinasawalang bahala ng mga tao iyon sa loob ng aliwan upang hindi mamatay ang kasayahan.

"Maari ko bang isayaw ang mga naggagandahang binibini ngayong gabi?" Lantarang napataas ang aking kilay sa kaniyang tinuran. Hindi naman nakaligtas sa aking paningin ang bahagyang pagtataklob ni Agnes ng kaniyang abaniko. Napangiti na lamang ako sa isiping mukhang nagkamabutihan na nga sila.

Gayunpaman ay ako na ang unang tumanggap sa kamay ni Señor Carlos na nakalahad. Bahagya pang nagulantang ito, tila hindi yata ako ang kaniyang gustong unang makasayaw kung kaya naman pinagtaasan ko siya ng kilay. "Hindi mo ba ako nais makasayaw, Señor?" Sa loob ng aliwan ay walang nakikialam sa kahit ano mang kaganapan. Lugar ito ng kasayahan, at marapat lamang na aming pagbigyan ang aming mga sarili.

Doon na nawala ang pagkadismaya sa mukha ng Señor, napapakamot na ngumiti na lamang siya at iginiya ako sa gitna kung saan marami ang nagsasayawan.

Pumailanlang ang tugtog ng bandurya sa paligid, marahan ito at kaakit-akit. Marahang ipinatong ng Señor ang kaniyang kamay sa aking bewang, hindi rin naman nakaligtas sa aking paningin na tila may sinesenyasan siya sa aming likuran. Nang lingunin ko iyon ay lantaran nang inaya ni Ginoong Leonardo si Agnes na sumayaw rin. Ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon at mas piniling pagtuonan ng pansin ang aming pagsayaw ng Señor.

Malumanay iyon at talagang nakakapagpakalma ng saloobin. "Hindi mo ba gustong kasayaw si Leonardo, Anastasia?" Iyon ang tinawag niya sa akin sapagkat marami ang nakaririnig.

"Hindi mo ba ako gustong kasayaw, Señor?" Mapangbuska ko siyang nginitian na siyang ikinangiwi niya.

"Ako lamang ay iyong binubuska. Alam na alam mong si Agnes ang gusto kong kapareha ngayong gabi. Masyado yata kitang sinanay na ako ay iyong ganito-ganituhin." Tumikhim pa ito na tila nananakot. Natawa na lamang ako at bahagyang isinandal ang aking sarili sa Señor. Lubos ang aking pagkakomportable sa Señor, bata pa lamang ay siya na ang nagpalaki sa akin nang mawala ang aking mga magulang. Hindi ko alam kung bakit lubos akong kinakabahan kung kaya't bukod sa pambubuska ay gusto ko ring siya ay makapiling. Pamilya na ang turing ko sa Señor, lubos ko siyang hinahangaan.

"Binibini, sumandali lamang. Baka iba ang isipin ng mga nakapapanood sa atin." Natawa ako nang aking marinig ang kaniyang ilang beses na paglunok kung kaya't nag-angat ako sa kaniya ng tingin at ngumiti.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now