Chapter 26: Pikit-Bulag

648 85 304
                                    

Hindi na kami nakapaglaro o nakapag-usap man lang kinagabihan dahil sa sobrang topak ng phone ko, tipong gusto ko na lang ihagis papuntang kabilang universe kasi hindi ko mapindot nang maayos. Buti sana kung pahihiramin ako ni Papa ng laptop niya, kaso pang-work 'yon. Tipong kada magta-type ako, kailangan ko muna paluin 'yung screen ko tapos may one minute ako bago mag-act up 'yung phone. Wala rin naman akong karapatang humingi ng bagong cell phone dahil di naman kami sobrang yayamaning nagtatae ng pera. Pinaglumaan lang din 'to ni Mama.

Dapat e hindi ko na dadalhin papasok ng school, pero sabi ni Mama, dalhin ko pa rin for emergency purposes. Ayun, fully charged ang phone ko pero alam kong magiging display lang sa bag kasi nga hindi ko magagamit. Ang huling status ko pa nga sa Facebook:


Cielo Laurel

Yesterday at 9:30 PM • 👥

sorry sa mga bigla kong nasesendan ng random pics! nagloloko phone ko ty


Imagine, 'yung kaklase ko no'ng Grade 8 na wala namang ambag sa buhay ko e bigla kong nasendan ko ng selfie. Paanong di ako maiinis?

Kasabay ko si Ry na pumasok sa gate ng school. Natatawa siya kasi, kagabi, napipindot ko 'yung video call sa group kahit hindi ko naman talaga gustong mag-video call.

"Ano ba kasing nangyari?" tanong niya habang natatawa.

"Lumagapak phone ko kahapon no'ng tumakbo tayo. Maliit na crack lang pero grabe 'yung epek!"

Habang pinapakita ko sa kanya 'yung crack, biglang may nanggulat sa 'min sa likod—sina Gitz at Harper. Pero si Gitz lang talaga 'yung nanggulat. Halos sipain na nga ni Ry si Gitz sa bayag dahil ayaw na ayaw ni Ry ang ginugulat. Siya pinakamahinhin sa 'ming apat, pero kapag ginugulat siya, makakabuhat siya ng building para maibato.

"Gusto mo pa bang magkaanak? Ha? Ha?!" threat ni Ry sa kanya.

"Bakit ba laging mga kawawa kong itlog target n'yo?" pagmamakaawa ni Gitz sa likod ni Harper. Natatawa lang kaming dalawa.

"Itlog na puro hangin," sagot ni Ry sabay akbay sa braso ko. "Kaya basted ka ka'gad kay Cleo, e."

"Tanggap ko naman. 'Tong guwapong 'to, di bagay sa Earth."

"Oo, pang-asteroid."

Habang nag-aasaran sina Ry at Gitz, siniko ako ni Harper. May kinukuha siya sa bag niya habang sinasabi, "Sira phone mo?"

"Oo, nahulog—"

Di ko pa tapos 'yung sinasabi ko, bigla siyang nag-abot ng phone sa 'kin. "Hiramin mo muna."

Tinulak ni Gitz si Harper, tinutukso sa move niya. "Pre, grabe naman! Nasira din phone ko! May extra ka pa? Putik 'yan, mas maganda pa 'yung ipapahiram mong phone kaysa sa phone ko!"

"H-hindi," sabi ko. Gusto ko naman kunin, to be honest, pero ayoko lang lakihan 'yung issue na di ko maresolba. "Next time na lang."

"Huwag mo na lang sabihin kay Ardi na pinahiram kita, kung 'yon ang inaalala mo."

Napatingin ako sa phone. Puwede ko nga naman gawin 'yon pero . . . "Ayoko lang na . . . magtago ulit ng kahit ano kay Ardi."

"Teka nga, shota mo na ba talaga 'yon?" sabat ni Gitz. "Akala ko ba—"

"Pangit ng term mo, shokoy," sagot ni Ry. "Ayusin mo. Di deserve ni Ardi ang term na 'yon."

"Aba, team Ardi ka?"

Laro TayoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon