Huling Bukas na Liham

17 4 0
                                    

Saan ko ba dapat simulan ang bukas na liham na ito?

sa Salamat?

O

sa Paalam?

Marahil ay dapat lamang na magpasalamat muna ako bago mamaalam.

Salamat dahil naranasan ko at ipinadama mo sa akin ang pinakamasaya at pinakamasakit na uri ng pagmamahal.

Wala mang pinatunguhan ang ating pag-ibig sa isat isa, masaya na akong muli tayong nagkatagpo.

Ikaw ay aking naging matalik na magkaibigan mula noon, hanggang ngayon.

Naalala ko lamang dati na pareho nating tinatanong kung bakit nga ba tayo pinagtagpong muli.

Ngayon ay nasagot ko na ang katanungan.

upang maging aral natin ang isat isa

Masakit at patuloy pa rin akong nasasaktan dahil hindi ko inaasahang magagawa mo ngunit kahit anong pilit kong magalit sayo at sa kanya ay hindi ko magawa.

Siguro nga ay sadyang puro at dalisay ang pagmamahal ko sayo na kahit akoy nasaktan mo na nang labis ay hindi ka pa rin matitiis.

Hindi na ikaw ang tahanan ko.

Hindi na ikaw ang kapayapaan ko.

Ang ating alaala ay mananatiling alaala na lamang.

Batid ko ang lahat kahit hindi mo sabihin.

Pagkatapos ng bukas na liham na ito, iiwan ko ang lahat.

Ang mga alaala at maging ang pag-ibig ko sa iyo.

Palalayain ko na ang sarili sa mundong makasarili.

Sa iyo, Binibining Salome. Tunay na napakaganda mong dilag.

Maganda ang iyong mga katangian at talaga namang kahuhumalingan.

Nais ko lamang sabihin na hindi ako galit o napopoot sa iyo.

Naiintindihan ko ang lahat kahit na para bang dehado ako sa sitwasyon.

Ipanatag mo ang iyong damdamin sapagkat ang lalaking iyong minamahal ay syang tunay na tapat na lingkod.

Huwag kang makakaramdam nang anumang pagkabahala at panghawakan na lamang ang siguridad na kanyang ibinigay sayo.

Malayo pa ang inyong lalakbayin, marami pa kayong mararanasan, at marami pa kayong kakaharapin.

Maging matiyaga sa paghihintay at matutong magtiwala.

At kung dumating na ang oras na inyong pinakahihintay, sana ay huwag mo syang pababayaan at bibitawan.

Mahalin mo sya ng buong katapatan, at ingatan maging ang kanyang karapatan na iniingatan.

Ikaw nawa ang kanyang maging sandalan sa mga panahong hirap na syang lumaban.

Ikaw nawa ang maging kapayaan nya sa tuwing syay may unos at suliranin.

Ikaw na ang kanyang magiging tahanan sapagkat siya ay akin nang ipinauubaya.

Mag-iingat palagi at manatiling nasa kasiglahan at kahalalan ka.

Para sayo naman Ginoong Samuel, naway basahin at unawain mo ang aking nais iparating.

Sa iyong paglalakbay nawa ikaw ay maging matiwasay at magtagumpay.

Ang mga karanasan mo nawa ay maging aral sa iyo.

Hindi lahat kayang unawain ka, hindi lahat kayang magpatawad.

Ang iyong mga pagkakamali ay hindi kahulugan na ikaw ay masama.

Katunayan lamang ito na ikaw ay taong marunong tumanggap ng kanyang pagkakamali.

Sa iyong paglalakbay sa banal na ministeryo, naway maging matatag ka.

Ngunit kahit kailan ay hindi ako nabahala sapagkat batid kong hindi basta ang iyong pananampalataya.

Maaaring nanghihina, nalulungkot, nasasaktan, nababagabag, ngunit patuloy na tumatatag.

Ano man ang nangyari sa ating nakaraan, lubos mo man akong nasaktan ngunit nananatili ang paghanga at pagsuporta ko sayo at sa iyong mga pangarap.

Palagi pa rin kitang ipinagmamalaki.

Kung dumating man ang oras na tayoy muling magkikita, sana ay sa lugar na kung saan tayo unang nagkita.

Hindi bilang magkasintahan kundi bilang magkaibigan.

Tulad ng iyong sinabi, mahabang panahon pa ang kailangan bago maghilom ang lahat.

Ngunit nais kong malaman mo na pinapatawad na kita.

Ang pag-ibig ko sayo ay hindi makasarili at maramot.

Kung kaya ipanatag mo ang iyong isip at puso.

Hahayaan ko na kayo.

Hindi ko na kayo babalikan.

Sana ay ingatan mo ang dilag na iyong napupusuan.

Hindi nawa maulit pa ang nasa nakaraan.

Hangad ko ang pinakamabuti para sa inyong pagmamahalan.

Gayundin, laging ingatan ang iyong sarili.

Alagaan at magpahinga kung ikaw ay may oras.

Saan mang lugar ikaw madestino, batid kong maraming mga kapatid ang tutulong sayo lalo na at napakabuti mong tao.

Nawa balang araw ay makita kitang nakatayo sa tribuna at nangangasiwa ng pagsamba.

Palagi mong tatandaan na hangad ko ang iyong pagtatagumpay.

Nawa ang bukas na liham na ito ay maging dahilan upang kayong dalawa ay maging panatag.

Nawa ay maging daan rin ito ng aking paglaya.

Paglaya sa inyo, paglaya sa sakit, paglaya sa makasariling mundo.

Ngayon akoy magpapaalam na.

Ito na siguro ang huling akda na aking iaalay sa iyo.

Paalam sa saya at sa pagmamahal.

Paalam sa lungkot at sakit.

Salamat sa lahat.

Paalam sa dilaw na bulaklak.

Paalam sa ating Bawat Daan.

Paalam sa iyo aking sinta, hiraya manawari!

Pahina't PiyesaWhere stories live. Discover now