Bala ng hinagpis

56 2 0
                                    



Minsan, naiisip ko nang bumitaw. Iwanan na lang ang mundo. Sa gano'ng paraan ay makakalimutan din ako ng lahat. Pero sa kada hakbang ko paatras, nagbabago ang ihip ng hangin. Minsan ay gusto kong ituloy. Kung minsan naman ay hihinto na lang. May mga pagkakataon ding gusto ko nang kalimutan ako ng mga salita. Huwag na lang silang ipinta, isulat, o ipaliwanag sa madla. Tutal ay walang ni isang salita rin naman ang makapagbibigay kahulugan sa lalim ng nararamdaman ko.

Minsan, gusto ko nang bumitaw. Sumisisid sa lalim ng karagatan na akala ko'y mababaw.
Maglalakbay sa himpapawid at muling matatanaw ang hiwagang dulot ng haring araw. Minsan ... nanaiisin mo ring sumuko at hayaang saluhin ng katawan mo ang bala ng hinagpis, pagdurusa, pasakit, o lungkot. Gaano kabigat, kababaw, o ka-lalim ang mga salita, iyon at iyon pa rin ang magiging kahulugan-

na gusto ko nang bumitaw.

Ilibing ang sarili nang buhay. Kalimutan ang mundo. Humimlay nang payapa sa ginawa kong ataul, o ikulong ang sarili sa ginawa kong kahon. Minsan, gusto kong ihinto na lang ang pagsusulat ng mga kataga; ang paglalaro sa mga salita't pagtutugma ng mga talatang iisa lang din naman ang paksa-

trahedya.

Muli kong ililibing ang sarili habang kinakapos sa paghinga; hindi na ako kakapit sa mga sanga.
Hahayaang malagutan ng pag-asa at malunod sa sikip at dilim ng lungkot. At sa mga salitang itutugma at ilalathala ay wala nang makikita pang istorya ng pagbangon. Dahil ang may akda ay hindi na aahon. Minsan, gusto kong damhin ang tadhana ng mga karakter kong puno ng lungkot ang buhay. Gusto kong maging isa sa mga tauhan at sila'y kilalanin nang husto.
Maramdaman ang kanilang hinagpis at pagkamatay na kung saan ay walang gamot ang makapaghihilom sa mga sugat ng nakaraan.

Gustong-gusto ko ang sakit--- 
Dito ko nahahanap ang saya. Ngunit minsan, sa kagustuhan kong makulong sa dilim ay nakakalimutan ko nang mabuhay, huminga, at kumilala. May ilulungkot pa pala kapag ang sarili mo'y kinalimutan mo na.

Ilang beses ko nang tinakasan ang mundo. Ilang beses nagtangkang tumalon at mahulog sa kalsadang walang matibay na pundasyon kung mabubuhay ka pa ba, o mabubuhay na para bang patay. Ilang beses ko na ring iniwan at winaglit sa isipan ang mga salitang minsan ko nang naging tahanan. Ngunit sa kada-iwas at alis ko ay siya namang lapit ng mga kataga.

Hinahanap pa rin pala ako ng mga salita.
May silbi pa rin pala ang manunulat na nauubusan ng tinta.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon