Lampara

13 0 0
                                    

Kung hahanapan mo man ako ng kawangis, itulad mo ako sa aandap-andap na lampara; pilit na pinaiilaw ang sarili para may liwanag ang iba; binubuksan ang liwanag para bumuhay ng pag-asa sa madilim at makipot na daan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Kung hahanapan mo man ako ng kawangis, itulad mo ako sa aandap-andap na lampara; pilit na pinaiilaw ang sarili para may liwanag ang iba; binubuksan ang liwanag para bumuhay ng pag-asa sa madilim at makipot na daan.

Itulad mo ako sa aandap-andap na lampara. Luma. Walang ni kahit anong bakas ng pinagbago. Nananatili sa kung paano ako namulat sa mundo, at sa kung paano ako nagkaroon ng saysay. Itulad mo ako sa paraan ng kung paano mo hawakan ang aandap-andap na ilaw – may pag-iingat. May pag-aalinlangan na baka sa gitna ng paglalakad mo sa madilim na kagubatan ay bigla na lang akong panawan ng liwanag.

Mapipilitan kang tumingala sa kalangitan kung saan naroon ang liwanag ng Buwan. Hahanap-hanapin mo pa rin ang liwanag ko, dahil hindi magiging sapat ang repleksyong ibinabahagi ng kalangitan sa'yo.

At titingin ka sa mga tala; hahanapin ang kapareha ng sinag ko. Pero hindi pa rin nito maliliwanagan ang madilim mong daan na gaya ng liwanag ng lampara ko. Itulad mo ako sa aandap-andap na lampara. Na kahit maraming naglipanang bago ay ako pa rin ang nauna. Itulad mo ako sa paraan ng kung paano mo hawakan ang aandap-andap na ilaw – may pag-iingat. May pag-aalinlangan na baka sa gitna ng paglalakad mo sa madilim na kagubatan ay bigla na lang akong panawan ng liwanag.

Tulad ng ilaw na aandap-andap na malapit nang mapundi, itulad mo ako sa kung paano mo ako hahawakan at hahaplusin sa takot na baka bigla na lang akong maglaho habang hinahalo ang simoy ng pagmamahal mo. Itulad mo ako sa aandap-andap na ilaw na pilit pinaliliwanag ang sarili para sa iba. Para sa hindi pagbitaw sa lampara sa takot na baka sa kaunting hakbang mo lang palayo ay bigla akong mabasag; magkapira-piraso. Hanggang sa hindi ko na mahanap ang sarili ko. Hanggang sa maligaw ako sa daan na minsan ko nang pinaliwanag. Hanggang sa manghina na rin ang katawan ko. Hanggang sa mapundi na rin ang nag-iisang liwanag na mayroon ako.

Kung hahanapan mo man ako ng kawangis, itulad mo ako sa aandap-andap na lampara. Sa naghihingalong liwanag na kahit paubos na ay ibibigay pa rin sa'yo ang natitira kong pag-asa. Na kahit papundi na ay aabutin pa rin ang mga kamay mo basta't ligtas ka. Na kahit malapit nang panawan ng buhay ay iaalay na lang sa'yo ang natitirang lakas, mapangiti ka lang.

Itulad mo ako sa liwanang na napupundi na, pero hindi kayang tumbasan ng kahit ilang milyong liwanag ng bituin, Buwan, o Araw sa sansinukob. Dahil kaya kong mag-isa.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon