Bulong sa hangin

19 0 0
                                    

Isang tulang nabuo mula sa palitan ng konsepto, ng mapait na karanasan tungkol sa pag-ibig na hindi matagpuan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Isang tulang nabuo mula sa palitan ng konsepto, ng mapait na karanasan tungkol sa pag-ibig na hindi matagpuan.

🌙

"Sapagkat naniniwala ako, na sa oras na hindi ko na hanapin ang pag-ibig, kusa itong darating sa akin."

Matagal na rin pala akong bumubulong sa mga tala at tahimik na umaasa. Matagal ko na rin palang sinusulatan ng liham ang taong hindi ko pa nakikilala. Palihim akong sumusulyap sa pagitan ng paano kung at baka sakali; ng Posible kaya? at ng Hindi na bale na.

Ilang beses na rin akong nagtanong, nag-isip, nagmukmok, at nalugmok.

"May pag-asa pa kaya akong makatagpo ng taong handang tumanggap ng isang abstrak na likha na ipininta ng hindi mapalagay na pintor? Mula sa isip na patuloy sa pagtakbo, tulala, tuliro."

Minsan, nakakapagod pala. Kapag parati mong inaabangan ang isang bagay na malabong mapa-saiyo.

Umuurong ako at sumusulong sa pagitan ng Susubukan ko at ng Bahala na.   Muli kong natagpuan ang sariling nakatulala't nag-iisip nang malalim na tila nasa isang malayong paraiso ako ng sariling imahinasyon. Na kung saan ay abot tanaw na kita. Na kung saan ay malaya kitang napagmamasdan, nahahawakan, at nahahaplos nang marahan.

Gayunpaman, hindi ako titigil sa paghiling at pagbulong sa mga tala. Sapagkat naniniwala ako, na sa oras na hindi ko na hanapin ang pag-ibig, kusa itong darating sa akin. Pagtatagpuin kami ng mga tala, ng buwan, ng araw, ng karagatan o bundok.

Dahil matatagpuin ko rin ang pag-ibig na hindi pinipilit. Ang pag-ibig na tatanggap, at magmamahal kahit gaano kagulo ang mundo. Ang pag-ibig na magpapakalma sa tulirong isip na minsan ay walang masandalan.

Pagtatagpuin din kami, ng parehong tala sa langit. At ng parehong bulong sa hangin.

Sa ngayon ay titingin na lamang ako sa langit at ibubulong sa hangin, na sana ay makita at maramdaman ko ang init at ang mga haplos mo na ipininta lamang ng aking isip.

Umuurong, sumusulong sa pagitan ng susubok pa ba o hindi nalang. Mga katanungang bumubulong sa akin na tila ba anino na nakatali na sa akin, na ang tangi ko na lamang magagawa ay ang bumulong sa hangin, ibulong na sana lahat ng ipininta ng aking isipan ay maging totoo na lamang nang maramdaman ko naman ang tunay na pag-ibig na nais kong maramdaman at maranasan.

Tunay na pag-ibig na hindi pinipilit, tunay na pagibig na hindi hinihingi.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon