Sigurado ako sa'yo

39 1 0
                                    


Alam kong walang kasiguraduhan ang lahat. Batid kong ang lahat ay maaaring magbago.
Pero sa iyo, nararamdaman ko ang ginhawa sa kabila ng takot. Nararamdaman ko ang lahat ng emosyon sa maligamgam mong paghagod. Siguro dahil ikaw ang tahanan ko; sa mga braso mo ako nagpapahinga; sa mga bisig mo ako lumiligaya. Napapayapa ang mga boses sa isip na sinasabing sumuko ka na.

Sa iyo, ramdam na ramdam ko ang huminahon; ang huminga; ang humiga sa tabi mo na nagtatanggal ng mga busangot at kunot sa noo ko. Nararamdaman ko ang bawat haplos mong dumadampi sa balat ko.

Walang takot sa piling mo.

Sa iyo, ramdam ko ang haplos ng isang tahanan; ang yapos ng uuwian.
Ang hagod at ang yakap na hindi ko iiwan. Pinaramdam mo sa akin ang libo-libong emosyon sa isang titig lamang. Sa mga mata mong mapungay na kahit hindi ako mahawakan o mahagkan,
nararamdaman ko pa rin sa kaibuturan ko ang pamilyar na ligamgam na hatid mo.

Batid kong walang kasiguraduhan ang lahat. Pero sigurado akong mahal kita.
Sigurado akong ikaw ang gusto kong makasama sa hirap at ginhawa, sa lungkot at sa saya. Kakapit ako nang mahigpit at maghihintay. At kung oras na para bumitaw, pipiliin ko pa ring sa'yo humimlay. Sabay nating lalakbayin ang tulay. Bagama't walang katapusang baybay ay ikaw pa rin ang sasamahan ko sa lahat ng lumbay. Ikaw lang ang gusto kong tanawin; ang tahanan na lagi kong hahanapin.

Kasi sa'yo, ramdam ko ang pag-ibig na kalmado; ang pag-ibig na buo at totoo; ang pag-ibig na hindi magulo. Sa iyo, ramdam ko ang totoong pahinga. Alam ko na kung paano mabuhay, huminga, lasapin ang hangin, at sumaya.

At kung panahon na upang magwakas,sigurado akong hindi ko ito matatanggap.
Sigurado akong milyon-milyong butil ng luha ang ibubuhos ng mga mata kong ikaw lang ang nagpapa-ngiti. Sigurado akong mahihirapan muli akong tanawin ang pag-asa na puno ng pighati. Batid kong magiging madilim at malungkot na naman ang daan. Wala nang magiging lagusan palabas dahil minu-minuto muli akong mangangapa; mahihirapan.

Ikaw ang sigurado akong tauhan sa kwentong walang wakas. Sa piling mo, sigurado akong ang tinta ng manunulat ay hindi kailanman mauubos. Bagkus ay susulatan pa kita ng hindi mabilang na nobela --- na kung saan sa bawat pahina ay ang kwento ng walang hanggan nating pag-ibig na walang pagbitaw at pagsuko sa isa't isa.

Ganito ang istorya na nais kong mabuo. Kaya salamat dahil dumating ka sa buhay ko.
Pagkat sa iyo ko naramdaman ang salitang kontento.
Ramdam ko ang pag-ibig na kalmado.

Basta't kasama kita, alam kong payapa ako.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon