Tahanan

23 0 0
                                    

Para sa taong higit pa sa higit na pagmamahal ang kayang ibigay

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Para sa taong higit pa sa higit na pagmamahal ang kayang ibigay.

/ Aly.

At kapag hindi mo na maintindihan ang sarili mo, alalahanin mong nandito ako. Sasaluhin ko nang buong palad ang lahat ng luhang bubuhos sa mga mata mo. Sabay nating iiyakan ang mundo.

At kapag hindi mo na maintindihan ang sarili mo, alalahanin mong nandito ako. Buong bisig kitang ikukulong sa mga yakap ko hanggang sa tanging himbing na lang ng pagtulog ang maririnig ko. Hahaplusin ko ang lahat ng pighating sumisigaw sa puso mo't hahalikan ko ang lahat ng bagyong nililikha ng pagsamo.

At kapag hindi mo na maintindihan ang sarili mo, alalahanin mong nandito ako. Ngayon ang patunay na tunay kitang minamahal at patuloy kitang mamahalin kahit hindi mo na mahanap ang sagot sa mga tanong, at tanging iyak na lang ang nagiging maingay na sagot sa tahimik na gabi.

Mahal kita dahil mahal kita. Higit pa sa tuktok ng bulkan o tugatok ng mga ulap sa kalangitan ang sukat ng kung hanggang saan kita kayang mahalin. Kaya kitang mahalin. Higit pa sa inaakala nila. Higit pa sa kung hanggang saan ang kayang arukin ng mga akala mo. Higit pa sa kayang abutin ng mga paano kung. Mahal kita. Sa unang pagdampi ng labi ko sa noo mo. Sa unang pagdulas ng mga yapos at ang mga daliri sa balat mo. Mahal kita sa bawat haplos, yakap, at pagiging isa ng mga puso nating hindi kailangang magsalita at magpatunay sa mundo.

At kung hindi mo na mahanapan ng tanong ang mga pangungusap sa nangungusap mong mga mata, ayos lang. Tumabi ka na lang sa akin at magsumiksik dito. Dahil hindi ko rin naman mahanapan ng sagot sa kung bakit nga ba kita mahal. Bakit nga ba kita mahal?

Siguro dahil hindi ko alam. O walang sagot. Siguro dahil sa hatid mong pamilyar na presensya na kahit wala tayong pag-usapan, ramdam kong nasa tamang tahanan ako tatahan. O siguro dahil kapag nagmahal ka, wala talagang sagot. Pero ramdam mo sa kaibuturan at kasuluk-sulukan mo ang nag-uumapaw na emosyon ng pag-ibig.

At kapag hindi mo na maintindihan ang sarili mo,
nandito ako. Palagi. Sabay tayong maguguluhan. Sabay tayong tataas ang kilay at bubuntong hininga. Sabay tayong malulungkot.

At kapag pagsuko na lang ang tanging naiisip mo, nandito pa rin ako; magiging pahinga mo ako sa nakakapagod na mundo. Hayaan mong mga bisig ko ang magsilbing tahanan mo.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon