Hindi para sa iyo, liham para sa sarili

11 0 0
                                    

At sa tuwing manlalamig ang mga braso niya, yakapin mo sana siya nang mahigpit - iyong higpit na may pag-iingat at malasakit

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

At sa tuwing manlalamig ang mga braso niya, yakapin mo sana siya nang mahigpit - iyong higpit na may pag-iingat at malasakit.

At sa tuwing hindi na niya kaya pang bigkasin ang mga salita para magpaliwanag, tabihan mo lang siya at pasandalin ang ulo sa'yong balikat. Alam ko kasing kusa siyang magsasabi kapag naramdaman niyang ligtas siya sa mga bisig mo.

At sa tuwing manginginig ang kaniyang mga labi, ihanda mo sana ang mga kamay mo bilang pamunas sa mga luhang papatak sa mga mata niyang nasanay nang umiyak. Sa tuwing hihilahin niya ang laylayan ng damit mo, lingunin mo sana siya sabay haplos sa maamo niyang mukha at ipaalalang nandito ka lang sa tabi niya.

Sa tuwing makakalimot muli siya kung gaano siya kahalaga, 'wag ka sanang mapagod ibulong sa kaniya na mahal mo siya- sa lungkot o sa saya- sa dilim o liwanag- palagi mo siyang piliin. Sa tuwing manghihina na naman siya, 'wag mo sanang ipagkait ang presensiya mo para pagkuhanan niya ng lakas para lumaban at hindi sumuko. Dahil hinihintay ka lang niya. Palagi niyang hinihintay ang mga yakap mo pagkatapos ng nakakapagod na araw.

Hinihintay niya ang haplos ng mga kamay mo dahil iyon lang ang sandalan niya sa panahong hirap siyang bumigkas ng mga salita. Buong puso mo sanang ibigay ang oras na saglit mo lang siyang makakasama dahil alam niyang baka hindi na ito masusundan pa. 'Wag mo sana siyang iwan sa mga panahong ikaw lang ang gusto niyang maging pahinga.

At sa tuwing naliligaw na naman siya, hintayin mo sana siya sa tagpuan na alam niyang mahahanap niya rin pabalik. 'Wag mo sana siyang susukuan dahil kahit nakakapagod ay hindi rin siya sumusuko. Kahit nakakalungkot ang mga gabing wala ka kapag kailangan ka niya, hindi siya umalis at lalo ka pa niyang inibig.

'Wag mo na sana siyang iwan.

'Wag mo na siyang paiyakin ulit. Alam ko kasing hindi ka niya kayang kalimutan.

Palagi ka niyang inaalala.

Palagi ka niyang hinahanap.

Palagi ka niyang minamahal.

'Wag mo na siyang sasaktan ulit.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon