Liham palaam

8 0 0
                                    

Pagsuko sa gitna ng paalam.
Pagbitaw sa gitna ng patawad.



Hindi ba nakakatawa, na sa tuwing darating ang araw na masasaktan ako, kukunin ko lang iyong pluma at muli akong makakabuo ng mga salita at piyesa.

Marikit sa paningin ng iba. Nakahahalina. Pero sa bawat salitang iyon ay gumuguhit ang pait sa lalamunan ko na para bang gustong lumabas sa pormang mga luha. Sa likod ng mga salitang inukit ay ang pusong durog na durog sa kakaasang baka puwede pa; baka ilalaban din niya; na baka susugal din siya sa kung paano ako muling susugal dahil mahal ko pa.

Hindi ba nakakatawang isipin na sa tuwing masasaktan ako, nagigising ang diwa ng pagiging manunulat ko. Nakakabuo ako ng mga tugma, sukat, at taludtod. Nakakalikha ako ng mga hanay at pariralang sakto sa mga liham na hindi ko kayang ibigay sa paglalaanan nito. Nakakatawang kaya ko palang lumikha ng mga berso at magpantig ng mga salitang may angkop na katinig at patinig mula sa mga iniyak ko sa unan at tinalukbong ko sa kumot.

Siguro ito talaga ang katotohanan; na ang manunulat ay makakalikha lamang ng magandang piyesa kapag nasaktan ang pusong parang basong babasagin na dapat ingatan. Nakakatawa nga naman talaga na hindi ito iningatan sa mahabang panahon ng pagsusugal ng puso.

Hindi ba nakakalungkot isipin na kahit pagod na pagod nang lumaban ay ikaw pa rin ang gusto kong ipanalo. na sa bawat bigay sa akin ng uniberso ng mga palatandaan na bumitaw na ay hindi ko ginawa. kasi kapag nakikita kita ay nawawala lahat ng pangamba ko.

Hindi ba nakakainis isipin na kahit lugmok at nanghihina na ay hinahanap pa rin ako ng tinta para muli kang sulatan ng salita. Kasi alam kong kapag kasama kita, napapayapa ang isip ko sa bawat sigaw nila ng pagsuko.

Pero noong lalaban na muli ako, saka ka naman bumitaw at nilisan ang tagpuan natin. Sana, sa bawat gising mo sa umaga, masanay na rin ang puso mo na hindi na maibabalik ng panahon ang tayo.

Aalalahanin ko na lang ang lahat mula sa kung paano tayo nagsimula rito sa daan na ako na lang natitira. Lalaban akong muli hindi na para sa iyo, kun'di para na sa sarili ko.

Gayunpaman, hindi ko maipapangakong hindi na kita susulatan pa. Dahil habang dinarama ko pa ang pait ng paglisan mo, hindi mapapagod ang tinta't mga pluma ko sa pagsulat at pagbuo ng mga talata na hindi ko nasabi sa'yo; sa paglikha ng mga salitang sana'y narinig ko noong nakikiusap akong ilaban ulit natin 'to. Isusuko na lang ang laban dahil ano pang silbi nito

...  kung wala ka na.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon