impyerno

11 0 0
                                    

I have just stumbled across a song by Juan Karlos called Demonyo. His other song na I think has gotten into a global Spotify chart is called Ere. Can't get it off my head simula noong napakinggan ko 'tong songs na 'to and so I thought of writing my version of poem. 



Ako iyong nakikita mo sa tuwing mananaginip ka sa gabi. Hawak hawak ang iyong mga kamay at nakatitig sa'yo nang malalim.

Oo. Ako nga itong demonyong nakabantay sa'yo at nakatago sa loob o sa ilalim ng kama mo. Binabantayan ang bawat paghinga na lumalabas sa manipis mong labi at kapag tulog ka na, dahan-dahan akong lalapit palapit sa iyo.

Hahawakan ko ang mga braso mo. Sabay padaraanin ko ang mga kamay ko sa labi mo, sa mata mo, sa mga pisngi mo. Ako iyong demonyong minsan mo nang nakausap. 'yong may ngiti na malawak kasi gusto kong matakot ka.

Gusto kong matakot ka.

Pero bakit noong nahawakaan na kita. Noong naramdaman ko na ang init ng mga palad mo, noong dumampi na ang kamay ko sa noo mo, hindi ka lumayo?

Oo nga pala. Anghel ka.

Naparito lang pala ako para ipadala ka sa kung saan ka nararapat. Sa kung saan ka sasaya. Isa akong hamak na demonyong pilit kang hinahalina pero ako itong napaibig mo sa paraan na alam kong kahit kailan ay hindi magiging posible.

Demonyo ako. Anghel ka.

Ngayong nakikita mo na ako nang malapitan. Tanaw ko na ang mga pakpak mong pumapagaspas sa likod. Alam kong handa na silang liparin ka patungo sa langit na kung saan hindi na kita pwedeng makita pa.

Mas pipiliin ko pang bantayan ka sa pagtulog kasi doon lang kita kayang hagkan nang hindi mo alam.

Demonyo ako. Anghel ka.

Nasa lupa ako. Nasa langit ka.

Natuto akong mahalin ka sa tahimik na paraan kahit alam kong ang kapalit nito ay habambuhay kong pagkasunog sa impyerno — pero hindi na 'yon mahalaga pa. Ano pa ba kasi ang silbi no'n kung araw araw naman kitang masisilayan.

Kaya kong manatili sa lupa kung anong kapalit naman nito ay mahawakan ka.

Pero hindi na nito mababago na demonyo ako at anghel ka.

Nakatakda kang lumipad nang mataas at matayog palayo sa akin.

Oo. ako 'yong demonyong laging lumalapit sa'yo.

Ako ang tinadhanang maging pansamantalang pag-ibig mo.

At ngayon, sa huling pagkakataon, sasamahan na kita sa kung saan ka nararapat. Sa mga anghel na tulad mo. Sa kung saan ka sasaya.

Demonyo ako. Anghel ka. 

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon