Mga bantas ng pag-ibig

23 0 0
                                    

Ibang klase rin pala ang kayang gawin ng pag-ibig: natututo na akong gamitin ang sariling mga kamay bilang pamunas sa mga natuyong luha. Unti-unti ko nang nakakayanang pakalmahin ang sarili sa mga gabing mahimbing na ang pagtulog mo; katumbas ay impit kong paghagulhol na pinipigilag pumalahaw ang tinig.

May ganito rin palang parte sa pag-ibig: nagagawa ko nang huminga nang malalim, sabay dahan-dahang ibubuga palabas sa labi ang buntong-hininga. Nagagawa ko nang ikulong ang sarili sa bisig na malayo sa ligamgam mong mga palad; malayo sa yakap na hinahanap-hanap ko. Ito pala ang kayang gawin ng pag-ibig: ang humulma ng kapareho mong anyo sa paraang alam ko. Kung minsan, titingin ako sa kalaliman ng papawirin. Doon ko iguguhit sa isip ang kariktan ng mga mata mo, at ang ngiti na 'sin tamis ng tsokolateng paborito ko.

Kasabay nito, unti-unti na naman akong yuyuko sabay tutulo ang mga luhang nag-uunahan sa karerang maabot ang dulo ng pisngi ko; dadaan sa labi. Na kahit hindi pa man dumadampi ang mga labi ay nakatabi na sa'yo ang espasyo nito: hindi sa mga luhang nais humalik dito. Hindi sa nanginginig kong paghikbi sabay tatalukhong ng kumot habang mahimbing ka nang natutulog.

Ganito pala ang kayang gawin ng pag-ibig: nagagawa ko nang magtiis sa bawat gabing nakakalimutan mong mayro'n kang Ako. Nagagawa ko nang ngumiti nang wala sa loob sa bawat minutong palayo ka nang palayo. Nagagawa ko nang pasukin ang mundo ng pagtanggap nang may pagkalito. Nakalimutan ko yatang kunin ang mapa dahil kahit ilang ulit nang nauulit ang pagkaligaw ko, hindi ko pa rin nahahanap ang daan pabalik sa'yo.

Pero ganito pala ang kayang gawin ng pag-ibig: nagagawa ko nang magpatawad sa bawat hingi mo ng Patawad, Mahal. Nakalimutan kong nandito ka pa: nagagawa ko na ring pahabain ang pasensiya sa bawat Pasensya na, Mahal. Sadyang marami lang talagang ginagawa. Pero mahal kita. Ganito pala ang kayang gawin ng totoong pag-ibig: nagagawa ko nang ngumiti nang dahan-dahan sabay lasap sa tamis ng salitang Mahal pa rin kita.

Nakakabaliw pala ang pag-ibig: ilang beses na akong pinapaluha nito sa mga gabing malayo ka sa piling ko. Maka-ilang beses na rin tayong sinusubok ng mga pagsubok ng karagatan at himpapawid ng mundong pilit tayong pinaglalayo palayo –  sa akala nating Ito na.

Ganito pala ang lasa ng pag-ibig: masarap sa umpisa. Pero kapag inumpisahan mo nang haluin ang mga sangkap at budburan ng mga panlasa, nagiging mapait; mapakla; matabang din pala.

Pero dahil narito na rin lang naman ang pagkain, susubukan natin itong ibalik sa dating lasa. Sa pamilyar na tamis at katamtamang timpla. Ganito pala ang pag-ibig. Huhubugin ang kakayahan mo kung hanggang saan ang kayang itagal.

Na kung saan ang iba ay umuurong na lang.

Nakakapagod din pala ang umibig. Pero sa bawat ala-alang babalikan ay kusa naman itong babalik: hahalik: dadampi sabay hahaplos ang presensiyang kay tagal mong hinihintay. Sabay hihimlay ka katabi ng pag-ibig na pakakalmahin ang bawat duda. Hahalikan ang bawat pangamba.

Ihahain na natin sa lamesa ang tanghalian. Sabay kukunin ang mga kubyertos at sabay na titikman ang mainit na sabaw. Ibabaling ang mga mata sa mga pahimagas na minsan nating pinagsaluhan.

Ito pala ang mukha ng pag-ibig: sabay nating ibabahagi na may iba't-iba ring bantas ang pag-ibig; akala mo'y magtatapos na pero may karugtong pa pala. Hindi nagtatapos sa tuldok o sa tandang pananong. Ang pag-ibig ay nagpapatuloy.

Ngingiti tayo sa kulubot nating mga labi sabay lundag sa tuwa ng mga apo nating nag-aabang ng kwento.

Ganito pala ang totoong pag-ibig: magkasama pa rin tayo sa bawat unos ng bagyo.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon