kopiko

16 0 0
                                    


Umaga na naman. Ramdam ko na ang sinag ng araw na unti-unting dumadampi sa balat ko. 'Yung pagsilip nito sa bintana na para bang nakikisilip din sa kung anong gagawin ko ngayong umaga. Pipindutin ko lang naman ang power button ng radyo sabay dahan-dahang palalakasin ang volume habang pinakikinggan ang morning news.

May bagyo na pala.

Uupo lang naman ako sa silya at kukunin ang Kopiko Brown Coffee na kung matiyaga kang mangolekta ng sachet, may tiyansa kang manalo ng unli cash araw-araw. Bumabati na sa ilong ko ang aroma ng kape habang humahalo sa mainit na tubig.

From morning news, nilipat ko na lang sa FM. Hindi ko tuloy mapigilan ang mapangiti habang dinadama ang pagdaloy ng kape sa lalamunan ko. Kasi naman, si TJ Monterde, kumakanta ng Palagi.

Sabi nila, kapag nasa healthy relationship ka na, parang lahat ay magaan. Lahat maganda. Hindi naman literal na k-drama plot pero parang sa lyrics nga ni TJ na kahit marami nang tampuhan ay ikaw pa rin ang pipiliin at iibigin.

Napatingin na naman ako sa lady's choice mayonnaise na paubos na.

Pero Lady's choice pa rin ba kapag mahigpit na mahigpit ang kapit mo pero lumuluwag na yung kapit ng isa. Magagamot ba ng bawat liriko ng musika kung ang bawat pasensiya ay paubos na?

Dinadama ko ang pagsuntok ng bawat liriko sa kantang Palagi. Ikaw at ikaw pa rin. Hindi ba't ang sarap pakinggan?

Heto na naman tayo sa mga pasenti-senting pakikinig sa mga kantang hindi naman talaga kabisado pero kapag inere na sa radyo ay para bang matagal ko nang kilala 'yung lyrics nito. Kinuha ko ulit ang Lady's Choice sabay palaman sa tinapay na pinatungan ng isa pang tinapay para maging sandwich. Ayan na naman ako sa pagsisid sa mga palaisipan.

O baka naman kasi dahil Lady's Choice naman talaga ang magpaka-senti at hopeless romantic, hoping na darating si Lee Min Ho sabay papayungan ako sa gitna ng ulan at ngingiti na parang pwede na akong mamatay —- o pwede na 'kong matangay ng hangin sa malakas na ulan.

Ay ... may bagyo nga naman pala.

Pero wala akong Lee Min Ho na kakatok sa pinto sabay dadalhan ako ng meal na may burger, fries, chicken, o milk tea.

Ang mero'n lang. Si TJ.

Ay mali — ang musika lang ni TJ.

Ay mali —- papatayin ko na lang ang radyo at mag-fo-focus na lang sa pangongolekta ng Kopiko Brown Coffee, na kung matiyaga kang mangolekta ng sachet, may tiyansa kang manalo ng unli cash araw-araw.

Baka sakaling sa pagbabakasakali ko ay manalo rin. Baka mapili rin.

Pero hindi naman kasi ito iyong episodes ng K-drama series na inaabangan ng lahat. Hindi rin ito iyong blockbuster hit na movie na kahit sino ay mag-aabang. Hindi rin ito isang kwento sa nobelang predictable ang dulo na may sure-win happy ending ang bida at ang lahat ng karakter ay may sulit na eksena.

Para itong hangin — na malakas. Na bigla na lang dumating. At parang daloy ng tubig na kalmado na dumadaloy pataas sa bawat sistema ko papunta sa isip. Parang kuryente na hindi nakakamatay bagkus ay nakakabuhay ng buhay na akala ko ay patay. Sa kalmado nitong bilis ay pinapasok na kita. Hinayaan kong makuryente ako sa pagdausdos ng pag-ibig mo na sa akin ang punta.

Gumising na lang akong mahal na kita. Sa kung sino ka. Hindi sa kung ano ang batayan ko ng pag-ibig na may organized ending. Hindi ko alam at hindi mo alam ang kahihinatnan pero sigurado tayo sa kung ano tayo ngayon.

Pero tatanungin ko ulit. Magagamot ba ng kanta sa radyo, ang pagdulas ng pagkapit mo sa mga kamay ko? Hindi na sin' tamis ang bawat Mahal Kita. Hindi na sing init ang bawat titig sa mata.

Nasanay ako sa bawat paglapit. Sa bawat kapit. Sa bawat yapos at sa bawat halik. Pero ayokong masanay sa bawat hakbang mo palayo.

Siguro nga hindi lahat ng love songs ay totoo. Hindi lahat ng Palagi ay palagi ka ring mamahalin. Hindi lahat ng Mahal kita ay magiging Mahal pa rin kita. O baka mas mainam ngang makinig na lang ako ng balita sa radyo.

Pinapaalalahan ang taumbayan na unti-unti nang nawawala ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility. Hindi na ito babalik pa. 

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon