Litrato

9 0 0
                                    

Para sa mga naging kupas na litrato,
na paulit-ulit nating binabalikan.
Panahon na siguro para sunugin sila
at gawing abo;
gaya ng ala-alang naging bula na lang
sa hangin.



Minsan,
naaamoy ko pa rin
ang amoy mo sa mga unan.
'Yung pabangong kapag naamoy ko,
alam kong ikaw 'yon.

minsan kapag naglalakad ako,
nakikita ko pa rin
'yung pwestong nilakaran natin.
Kaya kahit hindi ako tumingin,
alam kong ikaw 'yon.

Kaya noong umalis ka,
alam kong hindi na ikaw 'yon.

noong lumalayo ka,
alam kong hindi na ikaw 'yon.

Hindi mo na 'ko hinahanap.
Malayo na rin ang tingin mo.
Hinihila kita pabalik,
ang hirap mong pabalikin.
ang hirap mong mahalin.

noong naririnig mo 'ko,
pero hindi ka nakinig,
alam kong hindi ikaw 'yon.

Noong ang bawat luha
ay naging unan ko,
noong ang bawat tinig mo
ay naging kumot ko,
hindi na ikaw 'yon.

Kaya sinubukan kong kilalanin
ang bagong ikaw.
kung saan ang bawat sigaw
ay hindi mo na naririnig,
kung saan ang bawat gabi
ay nagiging umaga na lang.
at ang bawat pasensiya
ay kibit-balikat na lang.

Kinilala ko ang bagong ikaw.
kung saan sa bawat hila ko sa'yo pabalik ay impit na luha ang kapalit.
kung saan sa bawat bulong ko ng pangalan mo ay bingi ang pumalit.

at bumalik ako sa umpisa.
noong hindi mo na ako hinahawakan.
noong hindi mo na ako tinitingnan,
hindi na ikaw 'yon.

Malayong malayo sa pinagbuhusan ko ng pag-ibig.

Siguro, ikaw nga talaga 'yan.
Tapos lahat ng pinakita mo
ay pakita lang.

MarahuyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon