chapter ten | gilbert's cellmate

4.4K 349 110
                                    


Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


"Gilbert anak, anong pangarap mong maging paglaki?"

Umiling ako at lalong umiyak. Hindi sa wala akong maisagot, sadyang ubod nang hapdi lang talaga ng sugatan kong tuhod.

"Ma, ang hapdi!" Halos malagutan ako nang hininga sa lakas ng hikbi at hagulgol.

Bahagyang tumawa si mama na nakaluhod sa harapan ko. Hawak-hawak niya ang munti kong tuhod at marahan itong dinadampian ng gamot. "Gusto mo bang maging doktor?"

Umiling ako. "Ayokong makakita ng mga sugat, Ma."

"Gusto mo bang maging guro?"

Umiling ako at sa pagkakataong iyon ay may naisip na akong sagot. "Ma, sabi ni Papa maging isa raw akong magaling na pulis para magawa niya ang lahat ng gusto niya."

Nahinto si Mama sa ginagawa at napatitig sa akin. Nang mga sandaling iyon, ni hindi ko man lang napansin ang luhang namumuo sa kanyang mga mata. Ang nasa isip ko lang ay ang ngiti at marahan niyang haplos sa pisngi ko. "Anak, mangarap ka ayon sa gusto mo at hindi sa sinasabi ng papa mo. Naiintindihan mo ba ako?"

"Pero paano si Papa?" Napanguso ako.

Umiling si Mama at pinunasan ang mga pisngi kong basa ng luha. "Pag-alis natin ng islang 'to, wala kang ibang iisipin kundi ang pag-aaral at paglalaro. Matanda na si Papa mo kaya siya na ang bahala sa sarili niya."

Naguguluhan man, tumango ako ulit at ngumiti. Tumayo naman si Mama at niyakap ako nang mahigpit.

Kahit habang nasa bisig ni Mama, hindi ko mapigilang tumingin sa mga bagahe naming nakalatag na sa sala.

"Kailangan ba talaga nating umalis?" Muling rumagasa ang munti kong mga luha. "Pangako, mas gagalingan kong magtago mula sa masasamang mga bata. Tinutulungan na po ako ni Audrey. Hihingi na rin po ako ng tulong sa mama at papa niya para huwag na nila ulit nila akong masaktan."

Humigpit ang yakap sa akin ni Mama at naramdaman ko ang paghalik niya sa noo ko. "Aalis tayo sa islang 'to at wala nang ibang makakasakit sa 'yo. Hinding-hindi na tayo babalik ulit."

Napadilat ako at natagpuan ko ang sarili kong nakahiga sa isang banig. Naupo ako at nakita ang makapal na rehas sa harapan ko. Muntik ko nang makalimutang nakasadlak nga pala ako sa isang selda.

Sa isang iglap, narinig kong bumukas ang pinto kaya dali-dali akong lumingon. Parang sinabuyan ng tubig ang pag-asa ko nang makitang isa lang pala itong pulis. Bumuntonghininga ako at sumadal na lamang sa dingding.

"May hinihintay ka, bata?"

Imbes na sumagot, tumingala na lamang ako't tumitig sa kisame. Kung sana nasa akin lang ang airpods ko, mas mapapadali ang paghihintay ko sa kanya. 

The Sleepwalker SyndromeWhere stories live. Discover now