CHAPTER 3

1.5K 33 0
                                    

IPINAGPASALAMAT ni Terry nang bukod sa driver na si Mang Ambo ay wala nang iba pang
kasama ang kanyang Lola Mercedes nang dumating sa Hacienda Rosalina.

Nang makausap ang abuela ay napag-alaman niyang hindi na sumama si Andrea sapagka't nag-alala itong baka hindi niya mapigilan ang emosyon at doon pa magpatuloy ang kanilang
pagtatalo.

Hindi pa humuhupa kahit kaunti ang galit niya sa ina kaya nakiusap siya sa abuela na kung
maaari ay doon na muna siya sa Hacienda Rosalina habang nasa Hacienda Guerrero pa si Andrea at ang lalaki nito.

Bago pa dumating ang abuela ay napakiusapan na niya si Rosalina at walang pag-aatubili namang sumang-ayon ang huli. Kung maaari nga lang daw na doon na siya nito patirahin nang permanente ay ginawa na nito.

Nag-usap ang dalawang matanda at nagkasundo.

"Pumayag na ang Lola Rosalina mo na manatili ka rito nang ilang araw. Aalis na ako, hija.
Ipadadala ko na lang kay Loleng ang mga gamit mo.

Humalik siya sa pisngi ng abuela. Hindi pa nagkasya at niyakap ito. "Salamat, Lola."

"Kahit ano ay gagawin ko para sa iyo, apo. Basta mangako ka lang na hindi mo ako iwan."

"Hindi kita iwan, Lola. Pangako iyan."

Kumalas si Terry mula sa pagka-kayakap sa abuela at pinahid ang luhang naglandas sa kanyang pisngi. Kahit kailan ay hindi pa siya binigoni Mercedes. Tulad ng kanyang papa, lahat ng maibigan niya ay ipinagkakaloob nito.

At dahil doo'y mahal na mahal niya ang matanda, at handa siyang gawin ang lahat alang-alang sa ikaliligaya nito.

"Ingatan mo ang iyong sarili rito, ha? At huwag na huwag kong mababalitaang binibigyan mo sila ng sakit ng ulo," bilin ni Mercedes bago tuluyang sumakay sa sasakyan.

"Ako ang magbabantay sa apo ninyo, Lola Mercedes," sabad ni Cain. "Hindi uubra sa akin ang kapilyahan niya."

"I don't need a bodyguard!" sikmat niya at sinibat ito ng matalim na tingin.

Natatawang napailing na lamang si Cain. Ang dalawang matanda nama'y makahulugan ang mga tinging ipinukol sa isa't isa.

"Ako na ang bahala sa apo mo, Mercedes," ani Rosalina. "Huwag mo siyang alalahanin."

"Salamat, Rosing. Alam ko namang hindi mo siya pababayaan."

Pagkaalis ng pulang Pajero na kinalululanan ni Mercedes ay niyaya na sila ni Rosalina na pumasok sa loob. Inakbayan pa siya ng matanda hanggang sa makapasok sa sala.

"Senyora, telepono po. Para sa inyo," anang kawaksi na sumalubong sa kanila.

"Sino raw?"

"Si Sir Doro po."

Pagkarinig sa pangalan ng lalaki ay agad na nagdilim ang anyo ni Cain.

"Let me talk to him, abuelita,' pormal na sabi nito.

Nabahiran ng pag-aalala ang anyo ng matandang babae. "Hayaan mo na munang ako ang kumausap sa kanya, hijo," anito.

"Huwag tayong padalus-dalos sa pagpapasya.

"Pero matagal ka na niyang niloloko," impatient na sabi pa nito. "Kailangan siyang turuan ng
leksyon!"

"At sa palagay mo ba'y may mangyayari kung kokomprontahin mo siya sa telepono? Hindi rin
kayo magkakaintindihan kaya mas mabuting ako na muna ang kumausap sa kanya. Papupuntahin ko na lamang siya rito."

Tila naisip ni Cain na may katwiran ang abuela kaya hinayaan na muna nito ito.

"Ihatid mo na lang sa magiging kuwarto niya si Terry, hijo," utos ni Rosalina. "Ang kuwarto ni
Roseanne ang gagamitin niya habang siya'y narito."

GEMS 8: My Husband's WeddingWhere stories live. Discover now