CHAPTER 11

1.4K 34 0
                                    

BAGAMAN pagod ay magdamag na hindi nakatulog si Terry dala ng samut-saring isiping
bumabagabag sa kanya. Alam niyang simula sa araw na iyon ay hindi na magiging tulad ng dati ang kanyang buhay. Mula sa pagiging estudyante ay gagampanan niya ang tungkulin ng isang maybahay.

Kahit pa nga ang lahat ay para lamang sa kasiyahan ng kanilang mga abuela, hindi pa rin niya maitatatwang asawa na niya si Cain. Kung gugustuhin nito ay maaari nitong igiit ang mga
karapatan sa kanya at wala na siyang magagawa pa.

Pero may pinanghahawakan siyang salita nito, hinding-hindi siya nito gigipitin sa mga sandaling kailangan nito ng kalinga ng isang babae. Besides, nilinaw nitong hindi ang katulad niyang may gatas pa sa labi ang pag-aaksayahan nito ng panahon.

Ngunit nang tinutulungan siya nitong hubarin ang trahe ay ramdam niya ang panginginig ng mga daliri nito. At hindi siya ganoon kainosente para hindi malaman kung ano ang kahulugan niyon.

At totoong natakot siya rito at sa maaaring gawin nito. Ngunit higit ang takot na naramdaman niya para sa sarili. Hindi niya alam kung hanggang saan ang hangganan ng kanyang pagpipigil.

At ito ay isang guwapo at kaibig-ibig na lalaki. Ang mga katangian nito'y napakahirap tanggihan.

Kasalanan mong lahat ito, Lola Mercedes, himutok niya at isinubsob ang mukha sa unan.

Umaga na. At tiyak, pagbaba niya mamaya'y kakailanganin niya ang dark glasses upang itago ang puyat niyang mga mata. Ayaw niyang isipin ni Cain na hindi siya pinatulog ng presensiya nito.

"GOOD morning," bati sa kanya ng lalaki pagbaba niya ng hagdan.

"Good morning," aniyang ibig matawa habang pinagmamasdan ito. Bakit hindi ay nakasuot din ito ng dark glasses tulad niya? Obvious na may itinatago sa likod ng itim na salamin.

"Breakfast is ready. Puwede na tayong kumain kung gusto mo," anito at kinuha ang kanyang
kamay.

Hindi siya tumutol nang igiya siya nito patungo sa dining hall.

Sa mabilis na kilos ay naihain nito ang kanilang almusal. Itlog, bacon at tinapay. Ito na rin ang
nagtimpla ng kape para sa kanya.

Hindi niya maiwasan ang hindi mapangiti nang magkaharap na sila sa breakfast table.
"Hindi ka ba nakatulog kagabi?" hindi nakatiis na tanong niya.

"And did you?" tugon nito.

Maluwang ang ngiting sumilay sa mga labi niya. Nagpasya siyang alisin ang suot na salamin.

"This is ridiculous, don't you think?" aniya at inilapag ang dark glasses sa isang tabi.

"Yes, it is," sang-ayon nito at tinanggal na rin ang suot na salamin.

Nagkatawanan sila nang magtama ang kanilang mga mata. Parehong namamaga ang mga iyon, palatandaang kapwa sila napuyat kagabi.

"Hurry up. Marami tayong regalong bubuksan," mayamaya'y sabi nito.

Tumango siya bago ipinagpatuloy ang pagkain. Pagkatapos mag-almusal ay hinarap nila ang santambak na mga regalo, at isa-isang binuksan.

Inako ni Cain ang pagbubukas ng mga kahon habang siya nama'y natoka sa paglilista ng mga pangalan ng nagbigay ng regalo. Kailangan nila iyon para sa pagpapadala ng thank you card sa kahilingan na rin ng kanilang mga abuela.

Hindi niya inasahang mag-e-enjoy siya sa pagbubukas ng mga regalo to think na labag sa kalooban niya ang pagpapakasal sa lalaki. At nakita niyang ganoon din ito.

Halos ilang kahon na lamang ang hindi nila nabubuksan nang bigla itong matigilan matapos buksan ang isang maliit na kahon.

"What is it?" curious na tanong niya. Base sa card na kalakip ay napag-alaman niyang nanggaling iyon kay Will.

GEMS 8: My Husband's WeddingWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu