CHAPTER 4

1.4K 35 1
                                    

"Hija.."

Umunat mula sa pagkakauklo sa tabi ng swimming pool si Terry at nilingon ang matanda. Agad niyang pinahid ang luha sa mga mata.

"Hindi ko sinabi sa iyong ang mama mo ang nasa kabilang linya dahil alam kong hindi mo siya kakausapin. Nakiusap sa akin si Andrea at hindi ko siya mapahindian. Isa pa, gusto ko rin namang magkausap kayong mag-ina para maging malinaw sa iyo ang lahat."

Hindi siya umimik. Itinuon niya ang paningin sa tubig, na para bang doo'y mahahanap niya ang
sagot sa mga katanungang gumugulo sa isipan niya.

"Halika rito sa tabi ko, hija..

Mapanghikayat ang tinig ni Rosalina kaya napatayo siya upang lumapit sa kinauupuan nitong lounging chair. Hinawakan siya nito sa braso at hinila paupo sa tabi nito. Nang makaupo'y marahang humaplos ang kamay nito sa mahaba at alon-alon niyang buhok.

"Alam kong wala akong karapatang makialam sa buhay ninyong mag-ina... pero siguro nama'y pakikinggan mo ang sasabihin ko sa iyo."

Sandaling namagitan ang katahimikan. Patuloy sa ginagawang pag-haplos sa buhok niya si
Rosalina.

"Walang inang hindi nagmahal sa kanyang anak, Terry. Kung mayroon man, siguro'y mabibilang mo lamang sa daliri. Ang iyong mama, magkaroon man ng bagong pamilya, ay hindi nangangahulugang hindi ka na niya mahal."

"Kahit kailan, mula nang magkaisip ako, ay hindi ko pa naramdamang minahal ako ni Andrea. I'm sorry kung tumutol ako sa sinabi n'yong iyan, Lola Rosalina."

"Bawat tao ay may kanya-kanyang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal. May mga taong likas na nahihirapan kung papaano ilalantad ang kanilang mga emosyon, pero hindi nangangahulugan iyon na hindi sila nagmamahal."

Buntong-hininga ang naging sagot ni Terry sa sinabi ng butihang matanda. Gusto niyang
maniwala sa mga sinabi nito tungkol sa mga taong hirap magpakita ng pagmamahal pero hindi niya makumbinsi ang sarili sapagka't kung totoo iyon ay hindi sana niya nakita kung paano minahal ni Andrea ang kanyang papa.

"All right, kung hindi ka naniniwala, isipin mo na lang na kahit ano ang mangyari, ina mo pa rin si Andrea. Karugtong ng iyong buhay. At kung kamumuhian mo siya ay para mo na ring kinamuhian ang babaeng nagbigay sa iyo ng buhay."

Hindi alam ni Terry kung dahil sa paghaplos ni Rosalina sa kanyang buhok kaya nakadama siya ng kapanatagan ng kalooban. Pero kataka-takang nang mga sandaling iyon ay tila pinalis ng mapagpalang mga kamay ang hinanakit na nararamdaman niya para kay Andrea.

Biglang-bigla ay nabuksan ang kanyang isipan sa katotohanan. Nakaunawa. At bagaman naroon pa rin ang hinanakit ay hindi na sintindi tulad noong una.

"Bigyan mo ng pagkakataong maka-pagpaliwanag ang iyong mama, Terry. Mahalaga ang komunikasyon upang mapanatili ang mabuting samahan."

Tumungo siya at nakangiting niyakap ang matanda. "Maraming salamat, Lola Rosalina. Hayaan n'yo, kakausapin ko na ang mama. Tatawagan ko ang Lola Mercedes at sasabihin ko sa kanyang ipasundo ako kay Mang Ambo."

"Kung gusto mo ay ipapahatid na lang kita sa inyo. Ah, ang mabuti pa nga siguro'y ipahatid na lang kita sa inyo."

"Hindi po ba nakakahiya naman sa inyo?"

"Hindi naman, hija. At wala kang dapat alalahanin. Alam mo namang malakas ka sa akin, e."

Maluwang ang ngiting itinugon niya sa sinabi ng matanda. Pagkaraa'y nagpaalam na upang
ihanda ang kanyang mga gamit. Si Rosalina namay nagtungo sa garahe.

Kulang sampung minuto ang ginugol ni Terry sa paghahanda ng mga gamit bago nagbalik sa sala. Napakunot ang noo niya nang makita si Cain na sa porma'y tila siya ang hinihintay.

GEMS 8: My Husband's WeddingOnde histórias criam vida. Descubra agora