Prologo: Ang Isla

177 9 0
                                    

Sa gitna ng laot biglang bumuhos ang malakas na ulan at gumawa ng malalaking mga alon

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Sa gitna ng laot biglang bumuhos ang malakas na ulan at gumawa ng malalaking mga alon. Kasama ng ulan ang kulog at kidlat at umaga pa lamang ay nagmistula ng gabi sa karagatan. At sa marahas na panahon na hindi nagbigay ng anumang babala, ay minalas na maipit ang maliit na bangkang pangisda.

Nagsusumikap na panatilihing nakalutang ng dalawang mangingisda ang kanilang bangkang di-katig. May usok na'ng nagmumula sa naghihingalong motor habang magkatulong nilang nililimas ang tubig palabas ng bangka gamit ang mga plastik na tabo, pero tila hindi sapat ang bilis nila. Ang bangka'y nanganganib na'ng malunod. Kailangan nila ng madadungan. Nguni't hindi rin nila alam kung nasasaan sila sa kadiliman ng karagatan at kung gaano na sila kalayo natangay ng alon palaot. Sa kawalan ng kompas, ay hindi nila wari kung saang direksyon itutuon ang bangka. Basang-basa na ang kanilang mga katawan sa ulan, pawis, at tubig alat.

Sa awa ng Diyos ay natanaw nila ang isang maliit na isla sa malayo. Sa pagpitik ng mga kidlat ay nakita nila'ng anino nito.

Occidental Mindoro, September 3, 1984.

Itinulak ng alon ang bangka tungo sa dalampasigan at siya'y hinatak ng dalawang mga mangingisda. Hirap sila pagka't nalulubog ang kanilang mga paa sa malambot na buhangin at nilalabanan pa sila ng pasalubong na hangin at ulan. Nang magawa nilang maisampa sa aplaya ay itinali nila ang bangka sa malaking puno ng niyog, tinakpan ng tarpaulin ang makina at naghanap ng masisilungan. Sa ilalim ng malagong puno ng bakawan, nagsipagbaluktot sila ng upo at niyukong mga ulo sa pagitan ng kanilang mga binti para labanan ang ginaw.

Isa't kalahating oras pa bago tumila ang ulan. Unti-unti nang nagliliwanag ang kalangitan, humupa na ang alon, at nagsipaglabasan na sa kanilang mga butas sa buhangin ang mga munting talangka.

Tinapik ng mangingisda ang kanyang kasama na kahit sa bagyo'y tila nakatulog sa pagod. Tumayo sila't nakita ang maduming aplaya sa nagkalat na mga dahon, sanga, at halamang dagat. Sabay silang nagunat at hinubad kanilang mga t-shirt na kanilang piniga at sinampay sa katig ng bangka. Basang-basa rin ang kanilang mga pang-ibaba, mga ginupit na maong kung saan pagdukot nila sa bulsa'y nakitang nabasa rin ang mga kaha nila ng sigarilyo. Dismayado nilang itinapon ang mga ito habang inikutan ng tingin ang kanilang kinaroroonan.

Hindi sila ganoon kapamilyar sa lugar. Maliit lamang ang isla na hindi napupuntahan ng mga mangingisda sapagka't malayo ito sa ibang grupo ng mga isla na bahagi ng Lubang. Dito raw ay mapanganib, na kung ikaw raw ay masisiraan ng bangka'y malaki ang tiyansa na madala ka ng hanging habagat tuloy-tuloy papunta ng South China Sea. Bukod sa pugaran ng mga pating ang dagat nito'y may mga nagsasabing ang isla na kanilang kinaroroonan ay tirahan ng isang engkanto o aswang. Kuwento ng isang matanda na napadaong na sa isla noo'y naka-engkuwentro daw niya ang isang nilalang na may mahabang mga balbas at nagsasalita sa kakaibang wika.

Alam iyon ng dalawang mangingisda kung kaya't inatupag nila agad ang paghahanda ng kanilang bangka nang sa gayon ay makaalis na roon agad. Naprotektahan naman ng tarpaulin na mapasok ang makina ng tubig nguni't kailangan pa rin nilang patuyuin ito. Nilimas nilang naipong tubig sa loob at tinanggal ang mga dahong naipit sa elisi. Mataas na ang araw nang matapos sila't malapit na nga ring matuyo ang sinampay nilang mga t-shirt nang kanilang makita ang usok.

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon