Chapter 5: Ang Pagtatagpo

675 64 4
                                    


Mabilis ang takbo ng pares ng hubad na mga paa ng lalaki sa dalampasigan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Mabilis ang takbo ng pares ng hubad na mga paa ng lalaki sa dalampasigan. Ang laylayan ng kanyang pantalon ay nakatupi hanggang sa tuhod at siya'y gumagawa ng malalakas na tilamsik ng tubig habang ang iniiwan niyang bakas sa basang buhangin ay binubura ng alon.

Nakabibingi ang malakas na hangin lalo na kung malapit ka sa dagat. Malayo man ang mga puno'y dinig pa rin ang wasiwas ng mga dahon nito. Nguni't ang naririnig lamang ng lalaki'y ang bayo ng kanyang dibdib at ang paghabol niya sa kanyang hininga habang nagmamadali siya sa kanyang paroroonan. May kaba siya na hindi niya lubos pang maipapaliwanag hangga't hindi niya natutunton ang pakay.

Sa dagat natanaw niya ang kulay dilaw na bagay na lumulutang.

Sinugod ng lalaki ang dagat na walang pagaalinlangan. Ramdam niya ang bigat ng alon na sumalubong sa kanya. Malapit lamang ang bagay sa dalampasigan nguni't nangangamba siya na matangay iyon ng alon pabalik sa laot. O na iyo'y tuluyang lumubog. Ang dilaw na bagay ay isang life vest at ito'y suot ng isang ring lalaki. Nilangoy niya ito't naabot at sinimulang hatakin pabalik sa pampang. Hindi niya agad masabi ang lahi ng kanyang sinasagip pagka't natatakpan ng dugo ang mukha nito't tila balot ang katawan sa itim na grasa.

December 23, 1944. One Week After the Battle of Mindoro.

Hinatak ng lalaki ang walang malay na kanyang sinagip paakyat sa tuyong buhangin at nililim sa isang puno. Ngayo'y alam na niya na siya'y isa ring sundalo na tulad niya dahil nakasuot ng uniporme, nguni't nang hubarin niya ang lifevest ay nakita niyang siya'y hindi niya kapanig.

Isang kalaban.

At nang kanyang pahirin ang dugo sa mukha ng lalaki'y nakita niyang siya pala'y isang Pilipino.

Umatras ang lalaki at tumayo para pagmasdan ang sundalong Pilipino. Nagmistula siyang anino sa harap ng maliwanag na sinag ng araw. At ang sinag ay karamay ng suot niyang bandana sa ulo. Kulay puti na may naka-imprentang pulang araw na may matatalas na mga sinag. Ang marka ng rising sun ng Japanese Imperial Navy.

Ang lalaki'y isang sundalong Hapon, suot ang flight suit—uniporme ng isang piloto.

Pansamantalang hindi alam ng Hapon ang susunod na gagawin, bago lumuhod siya't maiging tinignan ang uniporme ng sundalo. Walang marka ng pagkakakilanlan ang kasuotan kung kaya't hinanap niya ang dogtag. Tantiya niya'y ka-edaran lamang niya ang sundalo. Sila na ilang taon lamang lampas ng bente anyos. Nahanap niya ang dogtag. Kakaiba sa gamit ng mga Amerikano, ang sa Pilipino ay hugis bilog at may dalawang butas na suotan ng kuwintas. Naka-ukit sa isang bahagi ang dalawang mga letra. PA. Philippine Army. Sa kabila nama'y nakaukit ang limang mga numero at pangalan na bahagya lamang niyang mabasa.

Banlat.

Saglit na naalarma ang Hapon nang marinig niya ang ungol. Tumakbo siya't nagtungo sa isang puno kung saan siya'y may kinuha. Pagbalik niya'y dala na niya ang samurai at baril—isang handgun. Habang hawak ang samurai ay kinapkapan niya ang Pilipino habang narinig muli ang ungol. Nang makita niyang walang armas ang Pilipino ay itinabi niya muna ang kanyang samurai. Hinubad niyang pang-taas na uniporme ng Pilipino, kanyang t-shirt, sapatos at medyas. Pagkatapos ay hinubad naman ng Hapon ang suot niyang bandana at ginamit iyon na benda para sa dumudugong ulo ng Pilipino. Pumuwesto ang Hapon ilang hakbang palayo at naupo na magkapatong ang mga binti't binantayan ang kanyang tinaguriang kaaway.

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon