Chapter 3: Sa Maynila

806 70 5
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Isa ng biyudo si Manolo. Nakapagasawa ng isang dalagang kanyang kababayan at malayong pinsan. Hindi niya napigilang mahulog ang loob kay Elenora na isang nurse sapagka't siyang nagaruga sa kanya nang siya'y makabalik sa sibilisasyon matapos ang giyera. Legal naman sa batas ang pagpapakasal at wala rin namang tumutol. Mabait at maalagain si Elenora at sa kanya nakahanap si Manolo ng kanlungan, ng mapagbabahaginan ng kanyang mga karanasan mabuti man o masama, handa ang maybahay niyang siya ay pakinggan ng walang paghuhusga.

Mapayapa ang kanilang naging buhay sa bukid. Nagbunga ng isang anak na siyang ama ng apat na kinagigiliwan niyang mga apo. At sa kanila nama'y ibinabahagi ni Manolo ang ala-ala ng kanilang lola, sila na mga sanggol pa lamang nang si Elenora ay pumanaw sa sakit na kanser. Walang araw na lumipas na hindi laman ng isip ni Manolo si Elenora at dinamdam ang pagkaulila niya rito. May mga pagkakataon na ninais na rin niyang magpatiwakal kundi lamang sa pangako niya sa asawa na magpapatuloy siyang mabuhay. "Kung kinaya mong mabuhay noong mga taon na iyon, sa pinakamarahas na pamumuhay, ay kakayanin mo kapag nawala na ako," ang sabi ni Elenora sa kanya. "Alam mong hindi ako nag-iisa noon," ang naging sagot ni Manolo. At alam din naman niyang hindi siya nag-iisa mawalay man sa asawa, na ang pangakong mabuhay ay isang pangako na arugain ang kanilang mga apo.

"Nakita mo ba ang sumbrero ko?"

"'Eto po, 'tay."

Inabot ng anak ni Manolo ang fedora. Saglit na natigilan ang matanda habang hawak ang sumbrerong buntal. Binili iyon ni Elenora noong magpunta sila sa Baliwag at sa lahat ng kanilang paglalakbay ay suot niya iyon, sa jeep, sa bus, sa mga pagliliwaliw kung saan gamit lamang nila'y kanilang mga paa.

Sinuot ni Manolo ang sumbrero at sinara ang zipper ng kanyang bag, katam-tamang laki na maleta na nilamnan niya ng ilang piraso ng pang-itaas na may collar at isang ekstrang pantalon. Ang pinili niyang isuot sa biyahe ay iyong may bulsa sa dibdib kung saan sinilid niyang litrato ng asawa. May dala siyang wallet laman ang kanyang mga pagkakakilanlan, piraso ng papel na nagsasabing nagsilbi siya sa digmaan, at mga liham ng asawa. Nakapulupot sa plastik ay kanyang toothbrush at mga gamot. May plastik na kaha laman ang kanyang antipara. Nguni't ang importanteng laman ng maleta'y walang iba kundi ang dati niyang unipormeng pansundalo.

Saglit nilang pinagmasdan iyon ng kanyang anak. Ang uniporme ay sinuot niya noong siya'y binigyan ng parangal. Sa ibabaw noon ay pinatong ni Manolo ang pocket book na kanyang kasalukuyang binabasa pagkatapos ay sinara niyang zipper ng malete. Sinabi naman ni Laxamana hindi niya kailangang problemahin ang pera pagka't siya'y bibigyan ng tinatawag nilang allowance. Pangunahing ibinigay sa kanya ang isanlibong pisong perang papel at iyon daw ay may mga kasunod pa.

"Kunin mo na ito." Inabot niyanang pera sa anak.

"Baka kailangan mo ito, 'tay." Ibinabalik ng anak ang pera nguni't tumanggi si Manolo.

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon