Chapter 10: Liwanag Mula sa Dilim

572 58 6
                                    

Makulimlim ang langit

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Makulimlim ang langit. May malakas na hangin na nagmumula sa dagat patungo ng aplaya at dumadapo sa mukha at tenga ni Manolo habang siya'y nakaupo't nakasandal sa puno ng niyog.

January 6, 1945.

Umaga pa lamang ay hindi na mapakali si Manolo. Ito'y sapagka't nangangati ang kanyang mga mata. Marahil ay gawa na rin nang matagal na pagkakapulupot ng bandana ni Kenji sa kanyang ulo. Mahirap tiisin ang ganitong kati, lalo na't ang maaari lamang niyang kamutin ay ang mga bahagi sa palibot ng kanyang mga mata. Dahil dito'y walang magawa si Manolo kundi mairita.

Maya-maya'y dumating si Kenji at nagtanggal ng unipormeng pangitaas na kanyang isinabit sa sanga ng puno kasama ng kanyang samurai at gun belt.

"Manolo, I am going to gather clams," paalam ng Hapon.

"Okay, Joe," malumanay na sagot ni Manolo.

Naglakad palayo si Kenji pababa ng beach, sa gilid ng dagat tungo sa mabatong bahagi ng isla. Kumikislap sa sinag ng araw ang hubad niyang katawan sa pangitaas. Bagama't mainit ang panahon ay may kalamigan ang tubig ng dagat sa mga paa ng Hapon habang saglit siyang nagpatampisaw sa dagat para basain ang sarili at maginhawaan. Nilangoy niya ang kabilang bahagi ng malaking pormasyon ng bato na naghihiwalay sa dalampasigan nila ni Manolo sa isa pang dalampasigan kung saan ang buhangin ay mabato. Doon kung saan siya maghahanap ng mga halaan na makakain nila. Aabutin siya rito ng mahigit isang oras sa paghahagilap pagka't karamihan sa mga halaan ay baon sa putik. Sa pagkunsumo ng lamang dagat na ito, kanya iyon pinapakuluan sa tubig. Matabang man ay sariwa naman sa panlasa, pero kung nanaisin, ay sana'y may pampalasa sila sabi ni Kenji. Bawang o paminta.

Samantala sa kanilang aplaya, patuloy ang pagka-aburido ni Manolo. Gusto niyang kamutin ang kanyang mga mata. Napakakati talaga at para bang nanggagaling pa sa loob ang kati. Nagpalakad-lakad siya sa buhangin, lumublob sa dagat sa pagnanais na maibsan ang kanyang problema. Sa kanyang inis ay hindi na niya napigilan at kanyang inalis ang bandana sa kanyang ulo.

Nakapikit si Manolo. Makikita na wala na ang marka ng pagkasunog sa kanyang mga mata't sa paligid nito. Ito marahil ang tunay na dahilan ng matinding pangangati—na gumaling na pala ang kanyang mga mata.

Kinamot niyang mga talukap at napangiti, ito ang ginhawa para sa kanya. Dahan-dahan niyang sinubukang idilat ang mga mata. May pakiramdam ng lagkit na para bang dumikit na ang mga pilik-mata niya sa balat. At ang ginhawa'y napalitan ng takot—takot na kung siya ba'y makakakita pa o na siya ba'y isa ng bulag. Bumuka ang mga talukap at unti-unting pumasok ang liwanag. Liwanag na matagal na niyang hindi nakikita. Nasanay na siya sa dilim at ito'y tila isang milagro.

Sa umpisa'y malabo, nguni't unti-unting luminaw ang kanyang paningin at natunghayan ni Manolo ang matagal na niyang hindi nakikita—ang mundo.

At siya ay naluha.

Kung makakakita ang isang bulag sa unang pagkakataon at ang una niyang masisilayan ay isang napakagandang tanawin, siya'y tiyak na maluluha. At ito ang naramdaman ni Manolo. Tumulo ang kanyang mga luha sa tanawin ng beach, at ang kaalaman na siya'y buhay pa. Ang una niyang nakita ay ang asul na dagat at ang maliwanag na buhangin. At nang lumingon siya sa paligid, ang malagong luntiang mga puno. At nang tumingala siya, ang bughaw na langit at mga ulap.

Ako ba'y nasa langit? Tanong niya sa sarili. At naisip niya na kung siya ma'y namatay na at ito na ang kabilang buhay, ay wala na siyang nanaisin pang iba.

Napasigaw si Manolo sa kaligayahan. Ang boses niya'y sumabay sa ihip ng hangin at umangat sa kalangitan. Nakakakita na ako! Nakakakita na ako! ang hayag niya sa mundo.

Nguni't ang kaligayahang natamasa ay mabilis na nabalot ng pagdududa...

...nang kanyang makita na ang hawak pala niyang bandana ay may imprenta ng pulang araw na maraming sinag. 

Isang simbolo ng Hapon.

Nagtaka si Manolo. Kay Joe ba ito?

Tumingin siya sa paligid at lalo pang dinapuan ng hiwaga nang maaninag ang nakasampay na samurai at gun belt sa sanga ng puno. Nilapitan niya ito't hinawakan—nakasisiguro siyang ito'y mga sandata ng Hapon at hindi ng Amerikano.

Nasaan si Joe?

At nakaramdam ng ibang pangangati si Manolo, at ito'y ang malaman ang katotohanan.

At naisip niya.

Na tatlo pala sila sa isla.

At siya'y nag-alala na baka si Joe ay pinatay na ng Hapon na nagmamay-ari ng mga kagamitang tangan niya.

Joe!

#

Naglalakad pabalik si Kenji, hawak sa mga kamay ang mga nakuhang halaan na kanyang binalot sa unipormeng pang-itaas. Masaya siya't sapagkat marami siyang iuuwing pagkain para sa kanila ni Manolo. Nguni't nang pagdating niya sa itaas ng dalampasigan ay wala roon sa puwestong pinag-uupuan si Manolo. Lumingon siya sa paligid, naghahanap.

"Manolo!" sigaw niya.

Biglang may naramdaman siyang matalim na bagay na tumutok sa kanyang likod. Si Manolo, dilat na, at hawak ang samurai, ang pistol sa kabilang kamay.

"Anong ginawa mo kay Joe!? Nasaan si Joe?!" galit na tanong ni Manolo.

Hindi makasagot si Kenji.

"Turn around, you Japanese rat!" utos ng Pilipino.

Dahan-dahang humarap si Kenji. At nakitang ang dulo ng samurai ay nasa mukha na niya, at may pistol pang nakatutok sa kanyang dibdib. Si Manolo ay namumula sa galit.

"Where is Joe?! Where is Joe?!" sigaw ni Manolo, handa na niyang patayin ang Hapon.

Pinagpawisan si Kenji.

"Can you speak English?!" sigaw ni Manolo.

Takot na tumango si Kenji. Humigpit pang hawak ni Manolo sa mga armas.

"Answer me! Talk! Or I will kill you! TALK!"

Napalulon si Kenji, ang mga halaan ay nahulog sa buhangin.

"You can see now?" aniya.

Nagtaka si Manolo sa narinig. Nakakakita na nga siya, at lalo pang nanlaki ang kanyang mga mata. Kilala niya ang boses na narinig na nagmula sa bibig ng kaharap —at ito'y tinig ni Joe. Hindi siya makapaniwala. At tinignan na mabuti ang kaharap.

"Joe?" tanong ni Manolo.

"Yes. I am Joe!" ngiti ni Kenji.

Nang matanto ito ay nanlambot ang mga braso ni Manolo at dahan-dahang bumaba mula sa pagkakatutok ang samurai at pistol.

"Look! I have clams!" turo ni Kenji sa mga halaan sa buhangin.

Nguni't, imbes na matuwa, ay biglang itinaas muli ni Manolo ang mga armas at itinutok kay Kenji, at binigyan niya ang Hapon ng matalim na tingin.

"Enemy!" paglisik ng kanyang mga mata.

NEXT CHAPTER: "Ang Bayawak "

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon