Chapter 8: Simula ng Biyahe

641 66 7
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Sa lobby ng hotel ay naroon nang naghihintay at nakaupo sa sofa sina Paula, Robert at Beth. Nasa sahig sa tabi ang kanilang mga video equipment. Nag-taksi lamang sila papunta sa hotel at maaga sa itinakdang oras ng pag-alis kung kaya't pinalipas nila ang mga sandali sa pagbabasa ng diyaryo at chismis magasins. Pasado alas-sais at madalang pa ang mga tao sa paligid. Ang security guard sa labas ay kakatimpla pa lamang ng kanyang kape at kakuwentuhan ang mga Metro Aid na winawalis ang kanal sa bangketa.

"Malapit na palang buksan 'yung LRT," basa ni Beth sa diyaryo.

"LRT?" kunot-noo ni Robert na siya namang nagbabasa ng sports magazines.

"Light Rail Transit. Yung tren sa taas ng kalsada."

Ibinaba ni Paula ang binabasang showbiz magasin na si Lorna Tolentino ang cover.

"Saan uli biyahe n'on?"

"Baclaran hanggang Monumento daw," sagot ni Beth. "Klasing, 'di ba? Parang Amerika lang. Parang 'yung sa subway nila. Makasakay nga sa LRT na 'yan pagbalik natin. Yayain ko kapatid ko na mag-Avenida at makanood ng sine sa Odeon."

"Kumain kayo sa McDonald's!" masayang sabi ni Paula.

Napailing si Beth. "'Yung Mcdo na galing Tate...?"

"McDonald's!"

"Balang araw McDo na lang itatawag d'yan," sabi ni Beth pagkatapos ay umiling. "Yoko, mag-3M pizza na lang kami, mas mura pa."

"Gusto mo ba ng McDonald's? Libre kita," hirit ni Robert kay Paula.

Tinignan lang siya ni Paula at nagtakip ng magasin sa mukha. Napailing si Robert, tablado na naman siya. Maya-maya's dumating si Lt. Laxamana galing sa labas ng hotel.

"Ready na lahat? Let's go!" aniya.

"O, golets na pala," sabi ni Robert habang ibinaba ang kanyang sports magazine at nagsimulang tumayo mula sa kanyang upuan.

"Pero wala pa si Sir Manolo..." sabi ni Paula.

Pagkasabi'y saktong bumukas ang elevator at lumabas si Manolo kasama ang sundalong sumundo sa kanya. Binati nila ito at tinanong kung nakatulog ba ito nang mabuti, at biniro pa kung siya ba'y gininaw sa aircon. Ngumiti't tumango lamang si Manolo at ipinahiwatig na okay naman siya. Sa tapat ng hotel ay may dalawang '84 Mitsubishi L-300 na nagaantay. Nagsisakayan sina Manolo, Paula, Robert at Beth sa isang van at si Lt. Laxamana nama'y sa kabila na siyang nauuna. Kasama nila sa biyahe ang ilang mga sundalo. Umandar paalis ang mga sasakyan at nilisan ang hotel. Sa paligid, sa mga katabing beerhouse at nightclubs, makikitang naglilinis ang mga janitor nito sa loob. Ipinapatong nila'ng mga upuan sa itaas ng mga mesa, sinasalin sa basura ang mga upos sa mga porcelain na ashtrays at mino-mop ang mga natapong beer na iniwan ng mga customers.

"'Di tayo nakapag-goodtime man lang bago umalis," muni ni Robert, katabi niya si Manolo sa pinakalikuran ng van, sina Paula at Beth sa harapan nila. Medyo dismayado rin ang cameraman nang mapagalaman niyang ferry ang sasakyan nila papuntang Lubang. "Walastik, kala ko mag-eeroplano tayo..."

"Wala kasing available na chartered plane," ulat ni Beth.

"Ilang oras ba papunta doon?" tanong ni Paula.

"Tatlong oras papuntang Nasugbu, tapos mga dalawang oras sakay sa ferry papunta ng Lubang," sagot ni Robert.

"Aba, limang oras din ha," sabi ni Beth, at lumingon ito sa likuran kay Manolo. "Sir, buti pa tulog muna kayo. Baka mainip kayo sa biyahe."

Ngumiti lang si Manolo.

"Ako, maiinip?"

Napangiti si Beth. Sa lublob ng producer, nakapaghintay nga ang matanda ng ilang dekada sa isla, ito pang ilang oras na biyahe. Sa tabi ni Manolo, nilabas ni Robert ang kanyang Walkman at headphones, at may kinuhang cassette tape sa kanyang belt bag.

"Sounds?" alok ni Robert?

Nakangiting umiling si Manolo.

"S-sige, okay lang ako."

Pinatong ni Robert ang headphones sa kanyang ulo, sumandal at pumikit.

"Logtu muna ko, sir,"

#

May konting kabagalan ang biyahe nila sa South Expressway, dahil sa may ginagawang construction ang MPWH, at inukopahan nito ang halos kalahati ng lapad ng kalsada at nagka-bottle neck tuloy. May mga cones sa gilid na umabot hanggang dalawang kilometro, at mga construction workers na abala sa pagtratrabaho, nagja-jack-hammer sa ilalim ng mainit na araw.

"Hassle, naman," inis na sabi ni Paula.

"Natengga 'yan dahil katatapos lang ng Parliamentary Elections," sabi ni Beth.

Si Robert naman ay nakatulog na sa pakikinig sa kanyang walkman at minsa'y napapasandal pa sa balikat ng katabi niya, si Manolo, na tahimik lang na nagmamasid at may sariling iniisip.

#

Dahil sa trapik, ang tatlong oras nila na biyahe, ay nadagdagan pa ng isa, kaya't pasado alas-dose na ng tanghali nang makarating sila sa Nasugbu, Batangas kung saan sila sasakay ng ferry boat tungo sa Lubang Island sa Mindoro. Nakapagtanghalian naman sila habang inantay ang susunod na biyahe, maging ang mga bangkero ay nagsikain muna at inihanda ang ferry boat. Ito'y nakapagsasakay ng halos 100 na katao. Umi-start ang ferry boat as sa hudyat ng tagapangasiwa ng mga bangka'y nagsipilahan ang mga naghihintay na mga pasahero upang sumakay, paakyat sa mahabang planketa. Abala ang mga porter sa pagasikaso, lalo na't mga unipormadong mga sundalo ang mga bibiyahe. Nang mainit na ang makina ay dahan-dahang lumarga ang ferry boart tungo sa laot.

Maingay ang makina. Ito, ang lakas ng hangin at palo ng alon sa gilid ng bangka ang siya lamang maririnig. Kailangan mong lakasan ang iyong boses para marinig ng iyong kasama, o kaya'y itapat ang bibig mo sa kanyang tenga. Sa dalawang oras na biyahe nama'y bihira ang mga nagusap, tumakbo ang mga sandali nila sa pagmasid sa mga tanawin sa dagat at sa mga personal na pagmumuni-muni, lalo na sa mga bihirang maglakbay sa ganitong paraan tulad nina Paula, Robert at Beth. Ang ibang mga pasahero na sanay na pumaroon at pumarito via Lubang-Batangas ay pawang mga tulog.

Para naman kay Manolo, espesyal ang trip na ito kung kaya't gising na gising siya. Lumaki siya sa bukid nguni't ang naging experyensya niya sa dagat noong panahon ng digmaan ay hindi niya malilimutan. Iniisip niya si Kenji at ang napipinto nilang reunion.

Malapit nang lumubog ang araw nang dumaong ang ferry boat sa Lubang. Sa port, naghihintay na ang kanilang service: dalawang Toyota Tamaraw mula sa pamahalaan ng Lubang at may lokal na pulis na kanilang escort. Nagsisakayan sila at umandar ang mga Tamaraw tungo sa bayan, sa bahay ng Mayor kung saan sila mananatili bago pumunta sa isla ng Tubilan.

Nagsisimula nang magkulay ginto ang horizon at may magandang sinag na dumadampi sa kanilang mga mukha.

NEXT CHAPTER: "Lubang"

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon