Chapter 13: Mementos

558 59 1
                                    

Sa malayong karagatan, nakalayag na ang mga bangkang pangisda at ang ilaw ng kanilang mga gasera ay nagmistulang mga gamu-gamo sa dilim ng gabi

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Sa malayong karagatan, nakalayag na ang mga bangkang pangisda at ang ilaw ng kanilang mga gasera ay nagmistulang mga gamu-gamo sa dilim ng gabi. Tanaw ang mga ito ni Manolo sa kanyang kinatatayuan sa aplaya malapit na sa dagat. Hinubad niyang kanyang sapatos para maramdaman ang lamig ng basang buhangin. Sa kanyang likuran, maliwanag ang ilaw sa tahanan ni Mayor, kung saan matapos ang mahabang hapunan ay dito siya nagtungo upang magpahangin at pagpahingahin ang isipan. Sa pagsasalaysay sa kanyang karanasan sa isla partikular ang insidente nang siya'y muling nakakita at napagtanto na ang kasama palang si Joe ay isang Hapon, at ang dramang kasunod nito, kasabay ng maraming mga katanungan nina Mayor, Lt. Laxamana at ang iba pa, ay lubos niya iyong ikinapagod.

Masarap ang simoy ng hanging dagat. Matagal na rin niyang hindi ito nalalanghap, ang pamilyar na amoy na kanyang nakagisnan. Ayaw muna niyang alalahanin, ay hindi niya napigilan. Dala ng simoy ay mga gunita ng isla at ni ni Kenji. Maraming mga gabi na sila'y naupo sa buhangin at pinagmasdan ang madilim na karagatan, ang libo-libong mga bituin, ang buwan, at ang hiwaga ng kalikasan.

Maraming mga gabing nagdaan.

Maya-maya'y kanyang naramdaman na hindi siya nag-iisa.

"Tinyente..." paglingon ni Manolo sa kanyang likuran.

May hawak na dalawang bote ng beer, nilapitan ni Lieutenant Laxamana si Manolo kanya itong inalok.

"S-salamat. Pero, tumigil na ko..." ani ni Manolo.

"Sayang ito, malamig pa naman," pilit ng tinyente at hindi nakatanggi si Manolo.

Sabay silang lumagok ng beer habang tanaw sa laot ang nagniningning na ilaw ng mga bangka at ng mga bituin sa langit.

"37 years," muni ni Lt. Laxamana. "Marami nang pagbabago ang dumaan."

Tumango si Manolo. "Madami-dami."

"Mamukaan ka kaya niya? Ang hitsura mo at saka boses?"

Huminga nang malalim si Manolo.

"O-oo. Palagay ko."

May biglang boses na nagmula sa likuran nila.

"Nandito lang pala kayo."

Paglingon nila'y nariyan na si Mayor at may hawak na tabako at binigyan sila ng tig-isa.

"Sabi nila'y tigilan ko na ito," ani ni Mayor habang sinindihan ang tabako. "Pero, ipagkakaila mo ba sa matanda ang nagiisa na lang niyang bisyo?"

Makapal ang usok na kanilang ibinuga. Di-kalidad. Tatak Tabacalera. Tinuro ni Mayor ang mga bangka sa malayo.

"Tignan n'yo ang mga bangkero, pumalaot na. Sana maganda ang huli nila, para bukas, masarap ang ating kakainin," aniya.

"Baka naman nagda-dynamite fishing ang mga 'yan, Mayor," usal ng tinyente. "Usong-uso ang pagdidinamita."

Ang Huling PagsukoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon