B1C18

1.7K 130 3
                                    

  Book 1 Chapter 18 – Ang Espiritu ng Coiling Dragon  

Sa silangang bahagi ng kalawakan ay nakatayo sa ibabaw ng ulo ng itim na dragon ang lalaking nakasuot ng kulay abung damit. Nasa mukha niya ang isang kampanteng ngiti habang pinapanood ang nakaberdeng-robang lalaki na nakikipaglaban sa earthen giant.

"Ssshhhwwiiiing!"

Ang hangin ay hinati ng isang malakas na tunog matapos salaksakin ng espada ng lalaking nakaberde ang ulo ng earthen giant. "Rumble!" Nagkahati-hati ang ulo niyon pero hindi bumagsak. Tumama pa rin sa nakaberdeng lalaki ang mala-tipak ng batong kamao ng higante.

"Ah!" Napasuka ng dugo ang lalaking nakaberdeng kasuotan. Ang mukha niya ay namumutla at naging halos kasingputi ng abo.

Ang ulo naman ng earthen giant na nahati kanina ay nagsimulang mabuo ulit na para bang wala itong natamong kahit anong pinsala.

"Dillon, mas makakabuti sa iyong ibigay na sa akin iyan. Hinding-hindi mo matatalo ang tinawag kong World Protector." Kalmadong sabi ng lalaking nakasakay sa Black Dragon.

Malamig ang mga matang tiningnan lang ito ng isa pang lalaki. Bigla siyang nagsalita sa malakas na boses. "Rudi, kung hindi ito mapapasakin, hindi mo rin ito mapapakinabangan!" Mula sa kamay niya ay lumitaw ang malinaw na berdeng liwanag. Nang makita iyon ng kaniyang kalaban, mula sa pagiging kalmado habang nakatayo sa ulo ng dragon, ay bigla na lamang itong nagulat at nataranta. "Itigil mo iyan!"

"Splatter!"

Nagliwanag na parang araw ang braso ng nakaberdeng lalaki. Narinig ang isang ingay ng pagsabog pero agad din naman iyong nawala.

"Dillon, ikaw----!" Galit na galit na itinuro ng nakaabuhing-roba ang lalaki, pero sa huli ay wala siyang nasabi.

Putlang-putla ang mandirigma na noon ay nakatitig din sa magus na kagaya niyang parang tinakasan ng dugo ang mukha. "Ngayon, walang makakapagmay-ari niyon. Rudi, malaki ang natamo kong sugat, pero kung gusto mo akong patayin, sinasabi ko sa iyong mahihirapan ka pa ring gawin iyon!" Kasabay ng isang malamig na tawa ay naging guhit ng berdeng liwanag ang nakaberdeng-roba na mabilis na lumipad palayo papunta sa hilagang-silangan.

Minasdan ng magus ang pag-alis nito. Napasibangot siya, pero hindi na sumunod pa.

Dahang-dahan namang nawala sa tabi niya ang earthen giant.

"'Stellar Sword Saint' Dillon? Sayang. Hindi ko pa siya pwedeng patayin." Ang sabi ng magus sa mababang boses. Pagkatapos niyon, para bang nahulaan ng itim na dragon kung anong gustong mangyari ng amo nito kaya lumipad palayo doon papunta sa timog-silangan.

Sa isang kisapmata ay nawala na doon ang dalawang Saint-level combatants.

Gayunpaman, ang buong bayan ng Wushan ay puno pa rin ng mga sira-sira at nadelubyong tagpo. Halos isang libong kabahayan ang gumuho at puno ang hangin ng mga sigaw ng sakit, galit na pagmumura at mga nananaghoy na iyakan. Sa loob lamang ng ilang sandali, ang kaninang mapayapang bayan ay naging isang disaster area.

.....

Sa bakuran ng manor ng angkan ng Baruch, ang naroroon lang ay si Hogg.

Nakaupo ang lalaki sa mesa at nakakunot-noo. Bilang pinuno ng buong Wushan ay kailangan niyang pag-isipang mabuti kung paano tutugunan ang pangangailangan ng kaniyang nasasakupan.

Mga yabag. Lumitaw si Hiri mula sa sala. "Lord."

"Kamusta si Linley?" agad na tanong ni Hogg pagkalingon dito.

Bumungisngis si Hiri. "Lord, huwag kang mag-alala. Nahugasan at nalinis ko na ang sugat ni Young Master Linley, saka nabendahan na rin. Pinakain ko rin siya ng marami saka binihisan ng damit bago pinapunta sa higaan niya. Tiyak na aayos na ang pakiramdam niya pagkagising niya."

Coiling Dragon Book 1जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें