B1C20

1.7K 125 1
                                    

  Parang isang papasabog na bulkan si Linley dahil sa kaniyang sobrang pananabik.
"Lolo Doehring, kaya mo ba talaga akong turuan para maging isang magus?" Nagniningning ang mga matang tiningala ni Linley ang matanda.
Hinimas-himas ni Doehring Cowart ang sariling balbas pagkakita sa hitsurang iyon ni Linley. "Linley, ang Lolo Doehring mo ay isang Saint-level Grand Magus. Kahit pa wala kang natural na talento, kayang-kaya pa rin kitang turuan ng mahika. Pero syempre... kung mababa ang talento mo, hindi rin ganoon kalayo ang mararating mo."
Kung may iba pa sigurong mga magus ang naroroon ay tiyak na magugulat sila.
Sa loob kasi ng sociedad ng mga magi, ang pinakaimportante sa lahat ay talento. Kapag walang talento, wala ring posibilidad na maging magus ang taong iyon. At marami ang naniniwala sa bagay na ito!
Pero gayon pa man, tahasang sinabi ni Doehring Cowart na kahit pa mababa ang talento ng magiging estudyante niya ay magagawa pa rin niyang gawing magus ang estudyanteng iyon. Kung iba siguro ang nagsabi nito ay baka sabihan ng iba ang taong iyon na nagmamayabang lamang.... pero ang nagsabi ay isang limang-libong-taong gulang na Saint-level Grand Magus!
"Kapag mababa ang talento, ganoon din ang mararating?" Pakiramdam ni Linley ay nayanig ang puso niya.
Ang dahilan kung bakit niya gustong maging isang magus ay dahil gusto niyang ibalik ang karangalan ng angkan ng Baruch. Kung hindi man niya magagawa ito, kahit man lang siguro ay matupad niya ang bagay na ninanais matupad ng lahat ng matatanda sa angkan niya sa mga nakalipas na dantaon – ang mabawi ang kanilang ancestral heirloom. Sapat na kung magagawa niya iyon.
Pero para matupad iyon, mahalagang magkaroon muna siya ng kapangyarihan.
"Linley, huwag kang mag-alala. Hindi pa naman nasusukat ang magic aptitude mo. Sinong makakapagsabi kung mababa ba iyan o mataas? Malay mo may napakalaking talento ka pala sa mahika." Hinawakan ni Doehring Cowart ang balbas saka ngumiti.
Nahawa naman sa pagkakalmado ng Lolo Doehring niya si Linley.
"Lolo Doehring, paano sinusukat ang magical aptitude ng isang tao?" Hindi mapigilan ni Linley ang magtanong.
"Sa totoo lang, madali lang sukatin ang magical aptitude." At aktong magpapaliwanag pa dapat si Doehring Cowart.
Pero nakarinig sila ng yabag mula sa kabilang panig ng pinto. Nang marinig iyon ni Linley ay kinabahan siya. Agad niyang sinabi sa matanda, "Lolo Doehring, dali, magtago ka. May paparating." Iniisip niya na kapag nadiskubre ang limang-libong taong gulang na Saint-level Grand Magus mula sa sinaunang Pouant Empire ay tiyak na hindi maganda ang mangyayari.
Ngumiti lamang ang matanda at hindi man lang tuminag.
"Lolo Doehring!" Si Linley naman ay ninenerbyos.
"Creaaak." Bumukas ang pinto ng kuwarto at lumitaw doon ang ulo ni Housekeeper Hiri. Pagkakitang gising na si Linley, hindi napigilang mapangiti ng katiwala. "Young master Linley, hindi ko inasahan na magigising ka kaagad. Anong nararamdama mo, young master?"
Napangiti ng pilit si Linley. Tumatango niyang sinabi, "Salamat sa pag-aalala sa akin, Uncle Hiri. Mabuti na ang pakiramdam ko."
Hindi pa rin nawawala ang nerbyos ni Linley. Hindi niya mapigilan ang sarili na lingunin si Doehring Cowart. Pero ang matandang lalaki ay naroon pa rin, nakatayo at nakangisi. "Ano bang ginagwa ni Lolo Doehring? Ugh. Mukhang mahuhuli kami nito. Siguradong magiging nakakainis ang paliwanagang magaganap kapag nagkataon."
"Young master Linley, oras na para sa hapunan. Dahil gising ka naman na, sumama ka na sa akin at kumain kasama kami." Nakangiting sabi ni Uncle Hiri.
"Oh. Sige." Muling sumulyap ng palihim si Linley kay Doehring Cowart, nasa puso ang pagtataka. "Anong nangyayari? Base sa hitsura ni Uncle Hiri, parang hindi niya nakikita si Lolo Doehring."
Pagkakitang panay ang tingin ni Linley sa isang sulok ng kaniyang higaan ay napatanong si Uncle Hiri, "Young master, bakit ka tingin ng tingin sa gilid ng kama mo? May nahulog ka bang kahit na ano? Tutulungan kitang maghanap."
"Wa-wala naman." Agad na gumapang paalis sa higaan ang bata. "Uncle Hiri, tara na't kumain."
Bagamat medyo naguluhan ang katiwala sa inaakto ng bata ay hindi naman ito nag-isip pa ng kung ano-ano. Tumango lamang si Hiri saka ngumiti. Nagbihis naman ng maayos si Linley pero minsana'y tinitingnan pa rin niya si Doehring Cowart na nakangisi pa rin hanggang ngayon. Maya-maya'y bigla itong nawala sa panginin ng bata.
"Bumalik siya sa loob ng Coiling Dragon Ring." Dama niya ngayon na may espiritu nang nasa singsing.
Hindi gaya noon, ngayon ay naka-soulbound na sa dugo niya ang singsing kaya naman mas malalim na ang kaalaman niya patungkol dito.
"Linley, hindi mo na kailangan pang magsalita ng malakas. Kausapin mo na lang ako sa isipan mo. Bilang master ng Coiling Dragon Ring ay kaya mong direktahang makipag-usap sa akin dahil ako naman ay espiritung naninirahan sa loob ng singsing." Umalingawngaw sa utak ni Linley ang boses ng matanda.
At talagang siya'y nasorpresa niyon.
"Lolo Doehring?" Sinubukan niya ang mental link.
"Naririnig kita." Muling nagsalita ang matandang magus sa utak niya.
Tuwang-tuwa naman si Linley. Pero dahil hindi na siya tumitingin sa dinadaanan niya habang kinakausap ang matanda kaya naman nadapa siya sa pintuan. Napalingon at napatawa tuloy sa kaniya si Uncle Hiri na naglalakad sa unahan niya. "Young master, mag-ingat ka sa nilalakaran mo."
"Nakuha ko, Uncle." Tumawa naman si Linley bilang tugon.
Habang nakikipaghuntahan kay Doehring Cowart sa isip, siya ay pumasok na sa silid-kainan at naupo. Ang nakahain ngayon bilang hapunan ay medyo madami at mayroon pa talagang kasamang inihaw na tupa na naglalabas ng masarap na amoy. Nilingon ni Hogg si Linley. Nakangiti nitong sinabi sa kaniya, "Linley, kain na." Habang sinasabi iyon ay personal pa nitong ikinuha ng parte ng karne mula sa isang hita ng tupa si Linley.
"Salamat, Papa."
Medyo nasorpresa si Linley. Hindi maganda ang lagay ng kanilang pamilya kung usaping pera ang pag-uusapan kaya naman normal na matipid sila sa pagkain. Pero ngayon ay mayroon silang inihaw na tupa?
Ang hindi alam ng bata.... noong nagsipagbagsakan ang mga bato sa kanilang bayan, maliban sa mga kababaihan at kalalakihan ay marami ring nagsipagkamatayan na mga hayop. Maliban sa Baruch clan, maging ang ilang mahihirap na pamilya na minsanan lang makatikim ng karne ay numanamnam ngayon ng masaganang kainan.
"Lolo Doehring, bakit hindi ka nakita ni Uncle Hiri kanina?" tanong sa isipan ni Linley.
"Linley, kailangan mong malaman na maliban sa iyo ay wala nang ibang makakakita sa akin dahil sa ngayon ay isa lang akong spiritual projection. Hindi ako nakikita ng mata. Ikaw lamang bilang master ng singsing ang makakakita sa akin." ang detalyadong paliwanag ni Doehring Cowart.
Naintindihan na ngayon ni Linley.
Kanina ay nabanggit na ng matanda na ito ay matagal ng pumanaw at tanging ang naiwan na lang ay ang espiritu nito.
"Lolo Doehring, ibig bang sabihin, sa hinaharap ay lagi kitang makakasama?" Damang-dama ni Linley ang labis na kasiyahan.
Pagkasabing-pagkasabi niyon ay lumitaw mula sa kung saan ang isang matandang lalaking may maputing buhok. Ito ay si Doehring Cowart. Gayunpaman, sina Hogg, Housekeeper Hiri at ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Wharton ay patuloy pa rin sa pag-uusap at pagkain. Halatang hindi nila napapansin ang eksistensiya ng matandang magus.
"Wow..."
Magkaiba ang makarinig sa makakita. Pagkakita ng personal na wala isa man sa mga kasama niya sa hapag kainan ang nakakaalam na kasama nila si Doehring Cowart ay lubhang namangha si Linley.
"Mayroon pa rin namang ilang taong pwedeng makadama sa presensiya ko. Sila ay ang mga taong may kasinglakas na spiritual presense. Pero siyempre, kapag nagtago na ako sa loob ng Coiling Dragon Ring ay wala na kahit na sinong makakahanap sa presensiya ko." Narinig ang boses ng matanda sa isipan ni Linley.
"Mga taong nasa kaparehong spiritual level ni Lolo?" Napakagat-labi si Linley at naisip si Doehring Cowart.
"Ang mga taong may kapareho kong spiritual level ay karaniwang mga Saint-level combatants din. Ibig sabihin tanging silang mga Saint-level combatants lang ang makakadama sa presensiya ko. Pero siyempre, kailangang nasa labas muna ako ng singsing para magawa nila iyon kung sakali." Ngumiti si Doehring pagkasabi niyon.
Tumango naman si Linley sa isipan niya habang hawak-hawak at kumakagat sa hita ng inihaw na karne ng tupa.
"Linley, dahan-dahan lang sa pagkain." Nakita ni Hogg kung gaano kabilis ang anak kaya naman hindi napigilan ng lalaki ang mapatawa.
Ngumisi lang si Linley sa ama pero patuloy pa rin siya sa mabilis na pagnguya at paglunok ng kinakain niya. Sa isang iglap lamang ay naubos niya ang laman ng isang hita. Napadighay ang bata pagkatapos ay pinunasan ang mga labi gamit ang serbiliyeta. Tumayo siya at sinabi, "Papa, Uncle Hiri, tapos na po akong kumain. Medyo nahihilo pa po ako kaya naman babalik na ako sa kuwarto ko para magpahinga. Wharton, see ya." (TL: new term of the day, just kidding. XD serbiliyeta – table napkin or serviette)
"Nahihilo ka pa rin? Kung gayon ay sige at magpahinga ka na." agad na sabi ni Hogg.
Ang mga naganap kaninang umaga ay nag-iwan ng malalim na impresyon kay Hogg. May pagkakataon pa nga na inakala niyang ang anak na si Linley ay nadaganan hanggang sa mamatay. Matapos maranasan ang ganoong pangyayari, ang pakikitungo ni Hogg kay Linley ay halatang mas naging mapag-ingat.
"Kuya, kita na lang tayo bukas." Kinawayan ng matabang batang si Wharton ang kapatid gamit ang masebong kamay.  

Coiling Dragon Book 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon