Five Point Two

2K 60 3
                                    


HINDI pala nagsinungaling si Pierre. Ang bahay na dinatnan nila ay isang lumang bahay probinsiya—parang ancestral house, mga gaya ng bahay na pinuntahan nila para sa isang school project. Nag-research sila dati ng mga old houses na naging bahagi ng kasaysayan. Walo sila sa isang grupo. May kotse at driver ang isa sa mga kasama niya sa grupo kaya naging madali sa kanila ang puntahan ang mga ancestral houses na malapit sa Maynila. May nahanap sila sa Magalang, Pampanga at sa Bataan. Pinuntahan rin nila ang isang heritage resort kung saan niya nakita ang iba't ibang istilo ng mga bahay noon.

Halos dalawang oras yata ang naging biyahe nila mula sa city proper. At ang bahay na iyon ay nasa loob ng isang maluwang na property na nakabakod at may mataas na gate. Walang makakapasok sa bahay kundi mga bisitang pinatuloy ng binatilyong tinawag ni Pierre na Macoy. Agad na isinara ni Macoy ang gate pagkapasok ng kotse.

Sa bahay tumutok ang tingin ni Jane. Luma man iyon, halatang inalagaan. Maayos ang outside view ng bahay kahit halatang niluma na ng panahon. May mga bahaging pinalitan na ang dingding at pinto. Sa hula ni Jane ay dumaan na rin iyon sa minor renovation. Hindi nga lang ginalaw ang original na structure ng bahay. Inaayos lang ang mga nasisirang bahagi. Pero ang bakod na pader sa paligid at gate ay sigurado si Jane na bago lang at hindi bahagi ng bahay noon.

Pagpasok sa loob ay agad napansin ni Jane ang makintab na sahig. Preskong presko ang hangin dahil sa mga bukas na bintana. Pagtanaw niya sa isa sa mga bintana ay saka napansin ni Jane na napapaligiran pala ng bahay ng mga punong-kahoy at niyog sa bandang likod.

Kaya pala masarap ang hangin kahit mainit na...

Kung sa pinanggalingan nilang bahay ay hindi gumagamit ng kuryente at walang water system, sa bahay na iyon ay may kuryente at tubig. Malaki ang kabuuan ng bahay kaya nahulaan na ni Jane na maayos ang tutuluyan nilang kuwarto. Napansin rin niya na may van sa garahe.

Naupo muna siya sa sala habang nagpapasok ng gamit ang dalawang big guys na kasama nila. Pagkatapos maipasok ang mga gamit nila sa kuwarto ay kinausap ang mga ito ni Pierre. Paglabas ng dalawa ay tumuloy na ang mga ito sa ibaba. Tumayo si Jane at tumanaw sa bintana. Sa van sumakay ang dalawa sa halip na sa kotseng dala nila. Ang van ang ginamit ng mga ito sa pag-alis.

Bumalik si Jane sa pagkakaupo sa sofa na gawa sa matibay na kahoy. Unlike other ancestral houses, walang mga paintings at photos sa dingding ng bahay na iyon. Walang kahit anong pagkakakilanlan ang mga nakatira roon.

Mayamaya lang ay bumalik na sa sala si Pierre, kasunod na nito ang isang matanda na bagong dating yata dahil hindi niya napansin kanina.

Tumayo siya para salubungin ang mga ito. Napansin ni Jane ang matagal na pagtitig sa kanya ng matanda. "Siya ba ang babaeng kasama mo, hijo?" baling nito kay Pierre na marahan tumango. "Isang dalagita..." parang hindi siya ang inaasahang makita ng matanda. "Alam na ba niya ang mga dapat gawin?"

"Hindi pa, Inang," sabi ni Pierre na napansin ni Jane na umiiwas tumingin sa mga mata niya. Nag-umpisa namang kabahan si Jane. May hindi yata sinasabi sa kanya si Pierre. "Kayo na lang ho ang magpaliwanag kay Jane." at umawang na lang ang mga labi ng dalagita nang basta na lang tumalikod si Pierre at iniwan sila.

"Pierre—" pinigilan ng matanda ang sana ay paghabol niya kay Pierre. "Ano nga ang pangalan mo, hija?" ang matanda na mahigpit siyang hinawakan sa bisig habang titig na titig sa mga mata niya. Horror movie na naman ang naiisip ni Jane. Eksena na naman sa horror movie ang nabuhay sa isip niya kahit hindi naman mukhang bantay sa horror house o kaya ay aswang ang matanda. Luma man ang damit nito ay malinis at maayos iyon. Hanggang sakong ang damit na light brown at may mga prints na puting bulaklak. Kulay lupa naman ang shawl na nakabalot sa mga balikat. Ang puti nang buhok ng matanda ay nakapusod.

"J-Jane po..."

"Ako naman si Inang Malaya," sabi ng matanda. "Manggagamot ako rito. Tinawagan ko si Pierre at nagpahanap ako ng mag-aalaga sa isa kong pasyente."

Napalunok si Jane. Mag-aalaga sa isang pasyente? ulit ni Jane sa isip. Magiging caregiver ba siya? Nakita niya sa isip ang isang matandang lalaki na hindi na halos makakilos at nasa wheelchair na lang. Siya ang nagpapaligo at nagpapalit ng diaper sa matanda. May urge si Jane na hanapin sa paligid si Pierre at magtanong. Sana man lang ay binanggit nito ang tungkol doon. Wala man siyang pagpipilian, at least alam niya ang babagsakan niya sa lugar na iyon. Napa-hashtag na naman siya sa isip.

#NotReady

Hindi man handa sa kapalaran niya, handa si Jane na tanggapin iyon nang walang reklamo. Wala siyang karapatang magreklamo. Ano pa ba ang aasahan niya gayong hindi naman nila kaano ano si Pierre? Hindi nito sasaluhin ang responsibilidad sa kanya nang walang kapalit.

"Ano po'ng pangalan ng lugar n'yo, Inang Malaya?"

"Sitio Busay Dos, hija. May siyam na Sitio ang barangay Binitayan."

"Nasa region five pa rin po tayo, 'di ba po?"

Tumango ang matanda. "Albay, hija."

Nasa Albay pala sila...

"Magpahinga ka na muna sa silid, Jane. Bukas ng umaga, ipapakilala kita sa pasyente ko."

"Sige po, Inang," at naghiwalay na sila ng matanda. Sa halip na pumasok sa silid, nanatili si Jane sa sala. Ayaw niya munang makausap si Pierre. Hindi siya galit. Ano ba naman ang karapatan niyang magalit? Nasasaktan lang siyang pinaasa siya ng lalaki na bakasyon ang pupuntahan nila. Sana naging totoo na lang ito—na dadalhin siya sa lugar na iyon para gawing maid.


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now