Twenty One

1.6K 51 1
                                    

TUNOG ng tawa ang gumising kay Jane. Tawa ng isang babae. Hindi alam ng dalagita kung bakit malakas ang pintig ng puso niya pagkagising. Kakaiba ang kaba niya. Sa kung anong dahilan, si Mariella ang bigla niyang naisip. Lalo na nang mapansin niyang tahimik na tahimik ang buong silid. Natiyak niyang hindi sa paligid nanggaling ang tawa.

Nakatulog ba ako?

Ang natatandaan ng dalagita ay pinanonood niya sa pagtulog si Pierre nang magising siyang mahimbing ang tulog nito kanina. Hindi niya namalayan na naidlip siya—kung naidlip nga siya. Wala naman kasing ibang tao sa silid na pagmumulan ng tawang iyon kaya baka sa panaginip niya?

Kung sa panaginip nga, napakaikling minuto lang iyon na naidlip siya. Posible ba ang panaginip sa maikling minutong iyon? At bakit malakas ang pintig ng puso niya?

"Pierre?" nasambit ni Jane matapos bumalik ang mga mata kay Pierre na mahimbing pa rin ang tulog. Mas kinabahan siya. Bakit sobrang himbing yata ng tulog nito? Hindi kaya...

"Pierre? Pierre!" tinapik niya ang pisngi nito pero walang reaksiyon ang lalaki. Tulog na tulog pa rin. "Pierre! Pierre! Gumising ka!" niyuyugyog na niya ang mga balikat nito kasabay ng papalakas na pagtawag sa pangalan. Naghahalo na ang takot at pag-aalala sa dibdib ni Jane nang lampas limang minuto na yata ang lumipas ay nanatiling mahimbing ang tulog ni Pierre. Nagsimula nang sakupin ng takot ang puso niya. Hindi na malaman ng dalagita kung saan hahawakan si Pierre para gisingin. Namumuo na sa sulok ng mga mata niya ang luha habang patuloy sa pagyugyog sa balikat ng lalaki.

Mayamaya pa ay umalpas na ang mga luha ni Jane. Halo-halo na ang emosyon sa dibdib ng dalagita. Hindi. Hindi maaring mang-iwan na lang basta si Pierre. Hindi siya makapapayag na wala man lang siyang nagawa. Hindi pa tapos ang mga plano nila. Hindi pa gumagaling si PJ. Marami pa silang dapat gawin...

"Pierre!" sunod-sunod pang pagyugyog ang ginawa ni Jane, na nang walang nangyari ay umiiyak na hinawakan na lang niya ang mukha nito, pinagdikit niya ang mga noo nila. "Gising, please..." pagsamo niya, hindi pinansin na pumapatak na sa pisngi nito ang mga luha niya. "Pierre..." at hinalikan niya ito sa mga labi, paulit-ulit at hindi niya balak itigil hangga't wala siyang nararamdamang reaksiyon mula rito. Hindi siya basta susuko na lang. Hindi siya makapapayag na maiwan nang ganoon na lang.

Pakiramdam ni Jane ay nakaahon siya mula sa pagkalunod sa iba't-ibang emosyon nang maramdaman niya ang bahagyang pagkilos ng mukha ni Pierre, at ang haplos ang hininga nito sa mga labi niya. Pero bago pa man nagawang titigan ng dalagita ang mukha ng lalaki ay naramdaman na niya ang braso nito sa kanyang baywang, kinabig palapit ang maliit niyang katawan kasabay ang pagbangon—kasama siya. Mariing halik sa ibabaw ng ulo niya ang kasunod noon; nakaupo na sila sa kama nang magkaharap. Sabay lang ang pag-angat niya ng tingin at pagyuko ni Pierre. Nagtama ang mga mata nila. Nang ngumiti ito ay napahikbi si Jane, mahigpit na yumapos sa leeg ni Pierre.

"Gising ka na," sambit niya, tinuyo ng isang kamay ang sariling mga luha. "Ang tagal mong magising," patuloy niya. "Mahigit ten minutes na yata, wala kang response. Akala ko—"

Naputol ang sinasabi niya dahil sa isa pang mariing halik ni Pierre sa gilid ng sentido niya. "Thank you," anas nito. "You just saved me."

Nakaawang ang bibig na dumistansiya si Jane, hinanap ang mga mata nito. "A-Ano'ng ibig sabihin ng sinabi mo?" hindi mapigilan ni Jane ang paggapang ng takot sa sistema niya. "B-Binabangungot ka nga kanina?"

Tumango ito. "Gubat, Jane—'yon lang ang natatandaan ko. Ang haba ng makitid na daang inaakyat ko, parang hindi natatapos. I was alone..."

"'Tapos?"

"Naging madilim na ang paligid naglalakad pa rin ako. Wala na akong makita. And then I fell...it was a fast fall. Bumagsak ako sa malamig na tubig. Sobrang lalim na hindi ko na nagawang iaahon ang sarili ko. Parang may pumipigil sa aking makaahon. Naubusan na ako ng hangin at halos nawawalan na ng malay nang maramdaman kong may nagliligtas sa akin. May nagbibigay ng hangin—"

"Kini-kiss lang kita," putol ni Jane. "Hindi mouth to mouth resuscitation 'yon—"

"Still, it was your kiss that—"

Nahinto si Pierre at sabay silang napatingin sa pinto dahil sa malakas na pagkatok.

"Sir Pio! Sir Pio! Gising po! Gising!" boses ni Macoy mula sa labas. Hindi na basta katok ang ginagawa nito, hinahampas na yata ng kamao ang pinto. Mabilis siyang binitawan ni Pierre. Nauna ito na bumaba ng kama, tinungo ang pinto at binuksan.

"Macoy—"

"Si Pierre, Sir Pio! Si Pierre! Kanina pa tulog! Ginigising namin ni Mamay, hindi nagigising! Pinapatawag ka ni Mamay, kayo ni Jane—" hindi na natapos ni Macoy ang pangungusap. Mabilis na nakalabas si Pierre ng silid, sumunod agad si Jane, hindi na nag-abalang ayusin ang sarili. Pabilisan sila ng mga hakbang patungo sa silid ni PJ.

At naabutan nilang niyuyugyog na ni Inang Malaya ang balikat ni PJ habang tinatawag ang pangalan nito. "Nananaginip siya ng masama, Pio!" sabi ni Inang Malaya pagkakita kay Pierre. "Natitiyak kong nananaginip siya ng masama!" nag-aalala ang anyo ng matanda. "Hindi nakakatulog nang ganyan kahimbing ang anak mo. Nagigising siya sa isang tapik ko lang!" Umatras ang matanda para bigyan ng space si Pierre sa tabi ng kama ni PJ.


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now