Seven Point Two

1.8K 56 3
                                    

"PIERRE..." sambit ni Jane, hindi napigilan ang pagkapit sa braso ng lalaki nang matitigan niya ang duyan mga tatlong hakbang ang layo sa mesa. Hindi pala siya nagkamali ng calculation kaninang umaga. Doon sa mismong space na naalala niya ay naroon nga ang duyan!

Malinaw niyang nakikita ngayon ang duyan na nasa pagitan ng dalawang matandang puno.

"Nakikita mo naman, 'di ba?" si Jane kay Pierre kasunod ang paglunok. "May duyan talaga..." hindi niya napigilan ang mas pagkapit sa braso nito. "Pero bakit wala 'yan kaninang umaga? Ano'ng ibig sabihin no'n, Pierre? Sa midnight lang nagpapakita ang duyan at nawawala 'pag umaga na?" naramdaman ni Jane ang pananayo ng balahibo niya. Hindi normal ang sitwasyong iyon. Baka ang susunod niyang makita ay may white lady nang naroon at idinuduyan ang sarili—mabilis na inilayo ni Jane ang tingin sa duyan. Nagsimulang kumabog ang puso niya. Hindi pa man niya sigurado, may kutob si Jane na may kakaiba sa property na iyon. May misteryong bumabalot sa lugar. Kung wala ay ano'ng paliwanag ang posible sa duyan na nagpapakita sa hatinggabi at nawawala kinabukasan? Sa isang PJ na nakausap niya na hindi kilala ng mga kasama niya sa bahay? Hindi lang iyon, may isang pasyente sa bahay na may kakaibang sakit na hindi gumagaling pero hindi rin nakakahawa?

Ano pa ba ang mga malalaman niya sa mga susunod na araw?

Sa kung anong dahilan ay parang may humila kay Jane na ibalik sa duyan ang mga mata—upang mapasinghap lang nang malakas kasunod ang pagyakap kay Pierre nang makita niyang may matandang babaeng nakatayo sa tabi ng duyan na para bang naghahandang iugoy iyon—at sa kanila nakatingin ang matanda!

"Oh, God! Oh, my God...Oh, my God..." sambit ni Jane at sumubsob sa katawan ni Pierre. Mabilis at malakas na ang pintig ng kanyang puso. "Bumalik na tayo sa room, please. Pierre, bumalik na tayo...ayoko na rito. Ayoko na..." hindi naawat ni Jane ang paggapang ng kilabot sa buong sistema niya. Mas humigpit ang yakap niya kay Pierre na naramdaman yata ang takot niya kaya hinapit na lang nito ang baywang niya hanggang umangat sa ere ang mga paa niya. Nagsimulang maglakad si Pierre pabalik sa bahay na buhat buhat siya. At natiyak ni Jane na may isang uri ng puwersa sa lugar na iyon na may epekto sa kanya nang hindi niya napigilang ibalik ang mga mata sa duyan—naroon pa rin ang matandang babae, sinusundan sila ng tanaw ni Pierre.

"P-Pj..." halos hindi naglagos sa lalamunan ang pag-usal ni Jane sa pangalan nang makita niya ang marahang mga hakbang ng lalaking nakilala niya nang nagdaang hatinggabi patungo sa parehong silyang inupuan nito. Hindi niya mahulaan kung saan galing ang lalaki. "Pierre, sandali," sabi ni Jane na nagpahinto sa paghakbang ni Pierre. "Si Pj...Dumating si PJ. H-Hayun siya, lumingon ka..."

Pero sa halip na sundin siya ay itinuloy ni Pierre ang mga hakbang pabalik sa bahay. Hindi ito nagsalita nang kahit ano, tuloy-tuloy lang ang mga hakbang. Sa kitchen sila tumuloy. Hinayaan siya nitong maupo at kumuha ng tubig para sa kanya.

"What did you see?" tanong nito, hinila ang isang upuan at inilapit sa kanya. Doon ito umupo at deretso sa mga mata niya ang titig.

"Ang duyan..."

"Nakita ko rin ang duyan, Jane," sabi ni Pierre na bahagyang nagpagaan sa dibdib niya. Ibig sabihin, dalawa na silang nakakakita sa duyan na nawawala kapag maliwanag na. "Ano'ng nakita mo bago ka yumakap sa akin?"

Napalunok ang dalagita bago nakasagot. "Matanda," at napahagod siya sa dibdib. "May matandang babae sa tabi ng duyan at nakatingin sa atin..." hinawakan ni Pierre ang mga kamay niya para siguro ibsan ang takot niya. "'Tapos dumating si PJ nang paalis na tayo. Naupo siya sa parehong upuan na inupuan niya kagabi. Pierre, may something dito. May kakaiba sa property na ito na hindi ko maintindihan. Ayokong mas...mas isipin pa kasi ang creepy. Ayokong mas takutin ang sarili ko."

"Naiintindihan ko ang takot mo," sabi ni Pierre. "Pero hindi tayo aalis dito, Jane." At hinigpitan nito ang hawak sa kamay niya. "Hindi kita pababayaan. Lagi kitang sasamahan kaya wala kang dapat ipag-alala."

Napatitig siya sa mga mata ni Pierre. Nakapagtatakang hindi niya naisip ang pag-alis kung hindi pa binanggit ni Pierre. Binawi ni Jane ang isang kamay para abutin ang baso ng tubig. Inubos niya ang natitirang laman. Kailangan siguro niyang ihanda ang sarili sa mga susunod na gabi niya sa bahay na iyon. Naniniwala si Jane sa mga ghost stories pero hindi siya matatakutin.

Pero ghost nga ba ang mga nagpapakita sa kanya?

"Haunted ba ang bahay na 'to, Pierre?"

"Ang alam ko, hindi."

"Si PJ, hindi kilala at hindi nakikita ni Macoy. May matanda akong nakita sa duyan, kung hindi sila ghost, ano sila?"

"Aalamin natin."

"Aalamin?" susog ni Jane. "Tatanungin natin sila?"

Sa kabila ng sitwasyon ay napangiti si Pierre. "Matulog na muna tayo," sabi nito. "Saka na natin isipin ang gagawin." Hindi bumitaw si Jane sa kamay ni Pierre kaya magkahawak-kamay silang bumalik sa silid. "Aamin ba ang multo na multo nga sila?"

Si Jane naman ang natawa.

Wala nang pag-uusap na nangyari nang magkasunod silang humiga sa kama. Gustong makatulog ni Jane kaya pagkayakap niya sa unan ay sumiksik siya sa katawan ni Pierre. Si Pierre na umikot naman sa balikat niya ang isang braso at kinabig ang ulo niya palapit sa dibdib nito.

"Wala ba tayong music?" basag ni Pierre sa katahimikan. Saka lang naalala ni Jane ang smartphone niya. Lumayo siya sa katawan ni Pierre at inabot ang gadget sa bedside table. Hinanap niya ang paboritong playlist na pampatulog. Bumalik siya sa tabi ni Pierre at inabot rito ang isang earphone. Inilagay niya ang isa sa sariling tainga.

"Ako na'ng mag-o-off sa phone mo," sabi ni Pierre na inayos uli ang braso sa balikat niya. "Mas mauuna ka namang makatulog kaysa sa akin."

Ngumiti si Jane. "Sure ka?"

"Sure." Si Pierre na hinaplos pa ang buhok niya. At tama ito, ilang minuto lang, sa kabila ng sitwasyong pinanggalingan ay nakaramdam na si Jane ng antok.

Si Pierre talaga ang 'calming vitamin' niya.

At masayang isipin na parang may ganoon rin siyang epekto rito. Nagising si Jane nang magliliwanag na—na mahimbing ang tulog ni Pierre sa tabi niya.

Kung sana laging ganoon na lang. Kung sana wala na siyang ibang iisipin kundi happy moments.


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Onde histórias criam vida. Descubra agora