Nine Point One

1.8K 65 1
                                    


"JANE?" si Pierre ang bumungad kay Jane matapos bumukas ang pinto na ilang segundo nang tinititigan ng dalagita. Mula sa mga binti nito ay uni-unting umangat ang tingin ni Jane hanggang sa mukha ng lalaki. Huminto ang titig niya sa mga mata ni Pierre. Si Pierre na mas hinila na pabukas ang pinto. Nakatayo na sila nang magkaharap sa isa't isa.

Matagal na napatitig lang si Jane sa mga mata ni Pierre. Ramdam niya ang papataas na emosyon sa kanyang dibdib. Isang emosyon na parang nakakasakal—hindi niya alam kung anong itatawag sa pakiramdam na iyon.

"A-Alam mo ba ang...ang tungkol sa sumpa?" halos wala nang tunog na tanong ng dalagita. "Ang daming revelations..." Napahagod na siya sa sariling dibdib na parang nagsisikip na. "Kanina ko lang nalaman na anak mo si Jay," patuloy ni Jane. "Hinanap ko si Inang Malaya para magtanong tungkol mga hindi ko maintindihan sa bahay na 'to...sa property na 'to...pero iba ang nalaman ko—ang tungkol sa pamilya n'yo. Totoo ba 'yon? Na lahat ng ama sa pamilya n'yo ay namatay sa bangungot?"

"Jane—"

"Totoo ba lahat nang sinabi ni Inang Malaya?" mas malakas na agaw niya. Walang ideya si Pierre na ang paglakas ng boses ay paraan niya para pagtakpan ang nararamdaman niyang panghihina ng mga tuhod. "Totoo ba, Pierre? Na...na isa sa inyo ni Jay o baka kayong dalawa ay...ay mamamatay on or before his birthday?"

Hindi umimik si Pierre. Lumunok lang habang hindi inaalis sa mga mata niya ang titig. Lalong nilukob ng takot ang puso ni Jane. Base sa reaksiyon nito ay alam nga ni Pierre ang mga sinabi sa kanya ni Inang Malaya.

"Anong...ano'ng kinalaman ko sa lahat ng ito? Bakit ako ang nakakakita sa matanda sa duyan? Sino 'yon? Alam ba niya ang sagot na kailangan natin kaya inutusan ako ni Inang Malaya na kausapin siya? Hindi ko maintindihan, eh. Lalong wala akong maiintindihan ngayong naiisip kong isa sa mga susunod na araw...isa sa mga susunod na araw, mawawala ka na..." hindi napaghandaan ni Jane ang pagtaas ng emosyon. Nagsunod-sunod ang mga patak ng luha niya. Mabilis niyang tinutuyo ang mga luha na parami naman nang parami.

Tinawid ni Pierre ang isang hakbang nilang pagitan at kinabig siya. Napaloob si Jane sa mahigpit na mahigpit nitong yakap. Lalong kumawala ang emosyon niya. Nagkaroon na ng tunog ang pag-iyak niya. "Please, gusto kong maintindihan, Pierre. Ito ba ang dahilan mo kaya...kaya dinala mo ako rito? Ano ba talaga? Si Mommy...alam ba 'to ni Mommy kaya hinayaan ka niyang kunin ako? Please. Please, gusto kong maintindihan..."

"Sshhh," si Pierre na naramdaman niya nang sabay ang hagod sa likod niya at ang mariing halik sa ibabaw ng ulo niya. "Macoy!" malakas na pagtawag nito sa binatilyo na narinig niyang sumagot sa ibaba. "Tubig! Magdala ka ng tubig!" saka lang na-realize ni Jane nahihirapan na pala siyang huminga sa kaiiyak.

Mayamaya lang ay dumistansiya na sa kanya si Pierre para alalayan siyang uminom ng tubig. Pagbaling niya sa kanan ay naroon si Macoy, nakanganga habang nakatitig sa kanya. Inabot uli ni Pierre kay Macoy ang baso ng tubig na halos naubos niya ang laman. "I-check mo si Jay sa room niya." si Pierre kay Macoy. "Ikaw na rin ang magdala ng lunch."

"Opo, Sir," si Macoy na agad tumalima. Naramdaman ni Jane na kinabig nito ang baywang niya saka umatras papasok sa silid nila. Isinara nito ang pinto gamit ang isang kamay. Sumandal si Pierre sa nakalapat nang pinto at naramdaman niyang huminga nang malalim.

"I'm sorry," narinig niyang anas ni Pierre. "Kung sana may ibang paraan, hindi na kita idadamay sa lahat nang ito, Jane—"

"Hindi ka puwedeng mamatay," agap ni Jane. Lalong nagugulo ang isip niya sa pabalik-balik na boses ni Inang Malaya na nagsasabing mamamatay ang isa sa mag-ama o baka ang dalawa. "Ayoko..."

Ilang segundong hindi umimik si Pierre, humigpit lang ang yakap sa kanya kasunod ang paghinga nang malalim.

"Alam ng mommy mo ang lahat," ang sumunod na sinabi ni Pierre na hindi na ikinagulat pa ni Jane. Tama nga ang kutob niya na may hindi siya alam. Na may itinatago sa kanya ang ina, at si Pierre mismo. "Hindi ka iniwan ni Pauleen para sumama sa boyfriend niya sa Australia. Umalis lang siya para pagbigyan ang hiling ko na maisama ka—sa bahay at dito. Ang mga properties ng mommy mo, sa inyo pa rin. Ngayong wala tayo sa Manila, bumalik na siya sa bahay n'yo at sa Lababest."

Sa kabila ng halo-halong pakiramdam ay napangiti si Jane. Ang maraming tinik parang nakabaon sa dibdib niya tuwing naiisip ng dalagita na basta na lang siyang iniwan ng ina ay nabunot lahat. Naghahatid ng saya sa puso niya ang katotoohanang kapag natapos niya ang lahat nang dapat nilang tapusin sa lugar na iyon ay may inang naghihintay sa kanya sa bahay nila.

"Pumayag ang mommy mo, Jane, dahil natatakot rin siya para sa 'yo."

Natigilan si Jane, unti-unting dumistansiya sa katawan ni Pierre. Tumingala siya para hanapin ang mga mata nito. "Natatakot si Mommy? Saan? Bakit?"

"Dahil hindi lang kami ni Jay ang maaring nanganganib ang buhay," sabi ni Pierre na titig na titig sa kanya. "Pati ikaw."

"Pati ako?"

"Ang nagbigay ng sumpa sa pamilya namin ay kadugo mo—" napatigil si Pierre nang suminghap siya. Nanlalaki ang mga matang nakatitig sa mga mata nito.

"K-Kadugo ko?"

"Kadugong may galit rin sa sariling pamilya. Ngayong dalawang lalaki ang nabuhay sa pamilya ko, posibleng isa sa amin ni Jay ang mapahamak o ikaw. Hindi pa kasi nangyaring may mag-amang nabuhay sa pamilya namin. Lahat ng ama, namatay bago pa mag-eighteen ang anak na lalaki. Seventeen ako no'ng namatay si Papa—same year na naging pregnant ang ina ni Jay. Magsi-seventeen na si Jay at buhay pa ako pero may kakaibang sakit na dumapo sa kanya. Hindi na sigurado nina Inang Malaya kung sino sa aming dalawa ang titigil na lang ang tibok ng puso sa pagtulog."

Lalo nang naguluhan si Jane.

"At...at posibleng mangyari rin sa akin?"

Tumango si Pierre.

"A-Alam ba ni Mommy ang tungkol...tungkol sa ginawa ng mga kadugo namin sa nakaraan?"

Marahang iling ang tugon ni Pierre. "It took me three years to find you—ang huling kadugo ng pamilyang nag-iwan ng malupit na sumpa sa pamilya namin."

"Me? Bakit ako lang? Si Mommy, Pierre. Dalawa pa kaming kadugo. 'Di ba dapat sa kanya muna ang panganib na nakaabang sa akin—kung meron man?"

"Kami ni Jay at ikaw, tayo na lang ang natitirang kadugo ng mga taong may kinalaman sa sumpa sa pamilya ko, Jane. Tayong tatlo na lang."

Hindi iyon naintindihan ni Jane. "B-Bakit tayo na lang? Si...Si Mommy?"

Matagal na napatitig sa kanya si Pierre. Huminga nang malalim, lumunok bago nagsalita nang mahina. "You should rest first," ang sinabi nito, parang bata lang siyang binuhat para dalhin sa kama. Agad bumangon si Jane matapos siyang ihiga ni Pierre.

"Paano ako magre-rest kung ganito kagulo ang isip ko?" balik ni Jane ay Pierre. "Gusto kong maintindihan lahat, Pierre. Gusto kong marinig ang mga alam mo..." nakatayo na uli siya.

"Hindi ako ang dapat nagsasabi sa 'yo ng..." tumigil si Pierre, napahagod sa batok.

"Ng ano?" susog ni Jane. "Kung hindi mo sasabihin sa akin lahat, hindi ko maiintindihan!"

"Jane..."

"Ano nga?!"

"C'mon," bigla nitong hinawakan ang kamay niya at mukhang igigiya siya sa kung saan. "Tatawagan ko ang mommy mo—"

"What?" bulalas niya, binawi ang kamay mula rito. "Alam mo ang number ni mommy? Lahat ng numbers niya hindi ko na matawagan, cannot be reached lahat 'tapos ikaw..." napatitig siya sa mga mata nito. Nag-iwas ng tingin si Pierre, sa tingin niya ay guilty sa kung ano. Mayamaya ay huminga na naman nang malalim. "Pierre, ano ba talaga ang hindi ko alam? Please..."

Bumalik kay Jane ang titig ni Pierre. Matagal na nanatili sa mga mata ng dalagita ang titig nito, para bang iniisip kung magsasalita o hindi.

"Hindi mo...hindi mo tunay na ina si Pauleen," ang malinaw na sinabi ni Pierre na literal na nagpatigil sa paghinga ni Jane. "Hindi kayo totoong magkadugo kaya kung anuman ang panganib na dala ng sumpa, Jane, sa amin lang ng anak ko—at posibleng sa 'yo rin kaya natakot si Pauleen para sa kaligtasan mo. Hinayaan niya ako sa gusto kong mangyari."

"H-Hindi...hindi ako tunay na anak ni Mommy?" nausal ni Jane, nakaramdam siya ng panghihina na mabilis na kumalat. Hindi napaghandaan ng dalagita ang tila pag-ikot ng paligid hanggang sa naging blurred iyon—at mayamaya pa ay tuluyan nang nagdilim ang lahat...


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now