Twenty

1.6K 46 0
                                    

PAKIRAMDAM ni Jane ay para siyang zombie kinabukasan. Wala siyang tulog. Pinilit niya naman pero walang nangyari. Hindi siya inantok. Naghintay siya na bumalik si Pierre sa silid pero hindi nangyari. Inumaga si Jane na nasa kama lang, tagusan ang titig sa dingding at pinakikinggan ang katahimikan. Sa kung anong dahilan, maging ang mga paborito niyang love songs ay walang nagawa para ilayo ang atensiyon niya sa sitwasyon.

Napapitlag pa ang dalagita nang tumunog ang alarm ng smartphone—7:30, oras ng gising niya. Eight o'clock sharp, oras ng pagdadala niya ng almusal kay Pierre Jr—na PJ na ang itatawag niya mula sa araw na iyon.

Pakiramdam ni Jane ay lutang siya nang bumangon. Ang sama ng nararamdaman niya sa ulo. Pero hindi titigil ang mundo dahil lang hindi siya okay. Tuloy ang buhay. Tuloy ang trabaho niya.

Inayos at iniligpit ni Jane ang mga unan at kumot, pagkatapos ay tumuloy na siya sa banyo. Pinilit niyang bilisan ang kilos kahit pinahihirapan siya ng sakit ng ulo. Walang sampung minuto ay tapos na ang dalagita sa kanyang morning routine. Lumabas na agad siya at tumuloy sa kusina para kunin ang pagkain na ihahatid niya sa silid ni PJ—wala siyang inabutang nakahandang pagkain sa mesa.

Hindi nag-prepare ng breakfast si Macoy?

Nakaawang ang bibig na naghanap ang mga mata ni Jane ng tao sa kusina pero wala. Tahimik ang buong lugar. Ano'ng pagkain ang dadalhin niya sa kanyang pasyente? Kailangan ba niyang magluto? Alam naman niyang mag-prito. Lahat ng klase ng prito. Hindi na siguro aangal ni PJ sa pritong itlog, pritong hotdogs, pritong—lahat ng puwede niyang i-prito ay ipi-prito niya.

Lumapit na si Jane sa refrigerator at handa na sanang buksan iyon nang marinig niya ang boses ni Pierre. Agad na hinanap ng mga mata niya ang lalaki.

"Pierre," ngumiti siya nang magtama ang mga mata nila. Hindi mapigilan ni Jane ang ganoong reaksiyon kapag nakikita niya ito. "Walang naka-prepare na breakfast para kay PJ, maghahanda pa lang ako—"

"Dinala ko na sa room niya," putol ni Pierre, humakbang palapit sa kanya—sa refrigerator pala. Agad namang umurong ang dalagita para ibigay rito ang space niya kanina sa harap ng refrigerator. Tahimik na naglabas si Pierre ng bottled water, binuksan iyon at uminom. "Hindi ka mukhang okay, Jane," ang sinabi nito pagkatapos nang ilang segundong nagsalubong ang mga mata nila.

"Hindi ako nakatulog, eh," mababang sagot niya. "Paano ba'ng maging okay sa sitwasyon natin?"

Hindi sumagot si Pierre, tinitigan lang siya habang umiinom ng tubig. Mayamaya ay tinawag nito si Macoy. Pagdating ni Macoy sa kusina ay inutusan ni Pierre na maghanda ng breakfast para sa kanya.

"Hinahanap ka ni Jay," sabi ni Pierre sa pantay na tono. "Puntahan mo muna siya habang naghahanda ng breakfast si Macoy. 'Balik ka sa room pagkatapos kumain, Jane. May pag-uusapan tayo." at tumalikod na ito, deretso ang mga hakbang palayo sa kusina.

Si Macoy naman ay masigla ang kilos sa kusina para sundin ang utos ni Pierre.

"Puwede mag-request, Jane," sabi nito. "Iluluto ko kahit anong gusto mong almusal!" si Macoy kay Jane.

Pinilit niyang nginitian si Macoy kahit hindi na niya feel ngumiti nang sandaling iyon. "Kahit ano na lang," sabi ni Jane. "Pupuntahan ko lang si PJ—si Jay sa room niya. Thanks, Macoy." At umalis na rin si Jane sa kusina.

"Bakit kaya ang lungkot ng mga tao ngayong araw?" narinig niyang sabi ni Macoy, sinasadya yatang iparinig sa kanya. "Ang ganda naman ng umaga, ah? 'Di bale, ako na lang ang magkakalat ng saya!" at narinig niyang bumanat ito ng kanta—Wrecking Ball na parang naiipit ang English na lyrics dahil sa accent nito. Salamat kay Macoy, napangiti si Jane kahit ang bigat ng pakiramdam niya at ang sakit ng ulo niya sa puyat.


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon