Twenty Three Point Three

1.7K 50 1
                                    

MAY TUMATAWAG sa pangalan niya. Mga pamilyar na boses. Ilang ulit niyang narinig iyon bago siya unti-unting nagmulat ng mga mata.

"P-Pierre..." sambit ni Jane. Isa sa boses na narinig niya ay boses ni Pierre. Malakas ang pagtawag. Nag-aalala ang boses nito. "Pierre—" napasinghap ang dalagita nang makita ang sarili na nakalugmok sa lupa. Sa tabi niya ay dalawang malalaking bato.

Natigilan siya. Pamilyar ang lugar na iyon. Nakita na niya dati—natutop ng dalagita ang bibig. Naroon siya sa lugar na tagpuan nina Marissa at Paolo Alvaro!

Kumilos si Jane, dahan-dahang itinayo ang sarili pero bago pa man naging tuwid ang tayo niya ay humampas ang malakas na hangin na halos ibalya siya. Salamat sa katawan ng puno kung saan siya napasandal, may napagkublihan si Jane. Patuloy ang paghampas ng hangin na mayamaya ay may kasama nang itim na usok at pinaligiran siya. Napayakap na si Jane sa puno.

"Pierre! PJ!" pagtawag niya. "Pierre! Tulong, please! Nandito ako! Nasaan na kayo? PJ—"

Pumaikot sa kanya ang maitim na usok na halos ma-suffocate siya nang ilang segundo. Naghahabol si Jane nang hininga nang lubayan siya ng usok na mayamaya ay naging hugis tao. Si Mariella na ang nasa harapan niya pagkalipas lang ng segundo.

"Tinatawag mo ang kadugo ni Alvaro?" tanong nito, malapad na malapad ang ngisi. Nilingon nito ang ilog at itinuro. Nakita niyang hindi payapa ang tubig—para bang may komosyon sa ilalim. "Nasa ilalim siya ng ilog, pinipilit tumakas sa kapangyarihan ko." at humalakhak na naman ito.

"Pierre—"

Isang kumpas lang ng kamay ni Mariella ay pumulupot sa buong katawan ni Jane na tila kadena ang itim na usok.

"Tama na! Pakawalan—" pinatahimik siya ng itim na usok na parang makapal na telang tumakip sa bibig niya.

"At ang huling apo ni Alvaro," sabi ni Mariella, hindi nabubura ang ngisi. "Panoorin mo siyang mamatay!" isang nakakapangilabot na halakhak uli. Nawala ito sa paningin niya. Ang naiwan ay isang pabilog na usok na mayamaya ay naging parang salamin. Nakita ni Jane si PJ sa isang silid na puno ng itim na usok. Naghahabol ng hininga, gumagapang at nangangapa—naghahanap ng daan palabas. Biglang sumagi sa isip ni Jane ang silid nito sa lumang bahay. Binanggit ni PJ na ang eksena sa naputol nitong bangungot ay sa mismong silid nito. Nilingon niya ang ilog. Hindi parin payapa ang tubig. Nasa ilalim si Pierre at sa tingin niya ay pinipilit umahon. Kung anuman ang dahilan kung bakit hindi makaahon ang lalaki ay tiyak ni Jane na dahil kay Mariella. Kung tama siya, ang sitwasyon ng dalawa nang sandaling iyon ay pagpapatuloy lang ng mga naputol na bangungot ng mga ito. Tama si Inang Malaya, gaya ng mga kadugo ng dalawa, kukunin rin ni Mariella ang buhay ng mga ito sa pamamagitan ng bangungot.

Bumalik ang tingin ni Jane sa eksena sa harap niya—pabagal nang pabagal ang paggapang ni PJ. Sa hula niya ay nauubusan na ng hangin.

PJ!

Nagpilit siyang umalpas sa 'kadenang-usok' na pumipigil sa kanyang makagalaw. Narinig niya uli ang tawa ni Mariella. Mayamaya lang ay nasa harapan na niya ito. "Hinahangad mo bang iligtas ang isa sa kanila, apo ni Marissa? Sino sa dalawang 'yan ang pipiliin mong sagipin?" tumigil ito sa pagtawa, nakangising humakbang palapit sa kanya. "Huli ka na. Magdurusa sila. At sa huli, pati buhay mo ay kukunin ko, apo ng taksil!" bigla ang paglaya ni Jane sa 'kadenang usok'. Bumagsak siya sa lupa, na hindi rin naman nagtagal dahil humampas uli ang malakas na hangin at tinangay siya. Sobrang lakas na pakiramdam ni Jane ay ipu-ipo iyon na ibabagsak siya nang walang buhay pagkatapos. Ang tanging nagawa niya ay pumikit at tumili.

Hindi na alam ni Jane kung ano ang sumunod na nangyari. Saglit yatang nawala ang malay niya. Nakita na lang niya ang sarili na nakahiga sa lupa at napapaligiran siya mayayabong na puno. Na nang tumingala siya ay nakita niyang may mga taong nakabitin at nakatunghay sa kanya!

Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now