Sixteen Point One

1.7K 58 6
                                    

"ANG parehong kagustuhang tuklasin ang misteryo at tapusin ang sumpa sa pamilya ang naglapit kina Inang Malaya at Nanang Merina," simula ni Pierre. Nakaupo sila sa magkatapat na silya, nakaharap sa isa't isa. "Hindi sila magkaibigan dati. Si Inang Malaya, naging halos kapamilya na namin. Kababata siya ni Grandpa at naging yaya ni Mama noon. Ang parents niya, sa pamilya na nagwo-work mula simula pa kaya mas marami pa siyang alam kaysa sa akin na mismong Montervo," kuwento ni Pierre. Si Jane ay tutok na tutok ang atensiyon sa lalaki. "Si Nanang Merina, connected naman sa naging pangalawang pamilya ni Mariella. Pangalawang pamilya, Jane—ang pamilyang kumupkop sa kanya noong umalis siya sa poder ng mga magulang, ang great grandparents mo. Ang history ng pamilyang 'yon ay madilim. Sinasabi sa mga naririnig naming kuwento sa lugar na 'to na sa ancestors ng pamilyang iyon—ang pamilyang kumupkop kay Mariella—nagmula ang pangalang Binitayan. They were influential cult leaders. Sinasabing Binitayan ang pangalan ng lugar dahil sa grupo ng mga taong sabay-sabay na nagbigti sa impluwensiya ng mag-asawang leader ng kulto. Ganoon kalakas ang kapangyarihan nila."

Nanlaki ang mga mata ni Jane, umawang ang bibig habang nakatitig kay Pierre.

"Nanang Merina was a former cult member," patuloy ni Pierre. "Pero hindi na ang mga dating leaders ang naabutan niya kundi mga kadugo na lang. Pinakabata siyang pinsan ng pamilyang kumupkop kay Mariella. Tumakas siya at sumama kay Tatang Romeng para bumuo ng pamilya at mamuhay nang tahimik. Pinili nila ang liblib na nayon na pinuntahan natin para sa katahimikan. Ang maraming taong pamumuhay kasama ng samahan ang nagpatibay sa paniniwala niyang totoo ang tungkol sa sumpa sa pamilya ko. Na hindi simple co-incidences lang ang pagkamatay ng mga lalaki sa pamilya kapag tumuntong na ng sixteen to seventeen ang mga anak nilang lalaki. At patunay rin daw na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang sumpa ang hindi pagkakaroon ng babaeng anak sa pamilya. Ipinahanap ko ang mga binanggit ni Inang Malaya na mga taong naging konektado sa samahan noon—iilan na lang ang nabubuhay at tanging si Nanang Merina ang pumayag na tumulong."

"Nag-eexist pa rin hanggang ngayon ang cult?"

"Wala na ang samahan pero ang mga miyembro ay patuloy na namumuhay sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas dala ang mga kakayahan—mga bihasa sa orasyon, hipnotismo at kulam. Si Inang Merina ay may parehong kakayahan pero mas piniling manggamot ng mga biktima ng dating mga kasamahan. Nagkasundo sila ni Inang Malaya na magtulungan nang mahukay sa isang bahagi ng bakuran ng pamilyang iniwan niya noon ang old box na kinaroroonan ng mga sulat ni Marissa—ang old box na nasa atin na ngayon. "

"Si Mariella ang naglibing ng box ni Marissa?"

"Iniisip namin na ang mga sulat na nabasa ni Mariella ang dahilan kaya nalaman niya ang affair ni Marissa sa kanyang fiancé. O kung mali kami, baka sa gamit ni Paolo Alvaro niya nakita ang gamit ni Marissa—sa hindi malinaw na dahilan. Kasama ng old box ang isa sa apat na parte ng suicide note ni Mariella. Ang isa pang bahagi ng sulat ay nahanap naman ni Inang Malaya," napamaang si Jane nang ituro ni Pierre ang espasyo sa pagitan ng dalawang matandang puno kung saan ay naroon sa hatinggabi ang duyan. "Sa lugar na 'yan, Jane, nasa loob ng isang clear bottle."

"Aksidente ba ang pagkakahukay sa bottle?"

Umiling si Pierre. "Hindi," sabi nito. "Nakita ni Inang Malaya sa panaginip niya ang bote na kasama ang punit na suicide note at picture."

"Picture?"

"Sa panaginip ni Inang Malaya, ang punit na bahagi ng sulat ay may kasamang nilukot na picture, Jane—picture nina Marissa, Mariella at Paolo Alvaro na katulad na katulad ng mga pictures na nakita natin sa old box."

"'Yong pinunit sa dalawa?"

Tumango si Pierre. "May isa pang picture na buo. Magkakasama silang tatlo at may marka."

"Marka?"

"Patak ng dugo sa dibdib—sa tapat ng mga puso nila."

Wala sa loob na natutop ni Jane ang bibig. Hindi niya alam kung bakit nagkaroon ng reaksiyon ang tibok ng puso niya, pati ang mga balahibo niya. Patak ng dugo? Tama pala ang pagkakaintindi niya sa kuwento nina Inang Malaya at Nanang Merina. Ano ang posibleng ibig sabihin ng mga patak ng dugo na iyon?

"At malaking palaisipan kay Inang Malaya kung bakit wala sa bottle na nahukay sa lugar na 'yan ang picture na nakita niyang kasama ng punit na suicide note."

"Wala sa bottle ang picture pero ang isang part ng suicide note nasa loob?"

"Yes," si Pierre. "Hindi tumigil sa paghahanap sina Inang Malaya at Nanang Merina. Kulang na lang ay ipahukay ang buong paligid dito, at sa lumang bahay ng naging pamilya ni Mariella—pero wala na silang kahit ano'ng nakuha. Wala na rin na naging pangitain si Inang Malaya liban sa isang babaeng nakikita niyang kasama ko."

"Babaeng kasama mo?"

"Babaeng nakikita niyang masaya ang ngiting sinasalubong ako ng yakap. Sa pangitain ni Inang, may pangalan akong ibinubulong habang yakap ko ang babaeng iyon. Nagbayad ako ng mga professionals para makuha nang tama ang deskripsiyon ni Inang sa babae. Hindi naging madali ang paghahanap. Ilang taon ang lumipas bago nagkaroon ng positibong resulta."

"Nahanap n'yo ang girl?"

"Ikaw."


Marked Hearts (COMPLETED.Published)Where stories live. Discover now