IKADALAWAMPU'T DALAWA

827 41 4
                                    

IKADALAWAMPU'T DALAWA


Katahimikan at pag-iisa.

"Oh! 'Y-yung girlfriend ni Louie 'to, ha?!"

"Oy, Kai! Kilala mo pala 'yang girlfriend ni Louie?"

Kung may naririnig man ako, ayun ay ang mga boses ng kaibigan ni Louie na naglalaro sa isipan ko.

"Louie Guttierez? Wala."

"Sorry, Shine."

Pati na ang boses ni Khaizer.

Humugot ako ng napakalalim na hininga at saka sinubsob ang ulo sa nakatiklop kong mga tuhod.

Ilang araw na ba akong ganito? Ilang araw na ba akong nagkukulong dito sa kuwarto ko para lang paulit-ulit na balikan ang mga katotohanang nalaman ko?

Sunud-sunuran namang nagbilang ang utak ko. Isa... Dalawa... Tatlo... At napapikit na lang ako dahil sa pagod. Nakakapagod isipin na isang linggo na pala akong nagkaka-ganito, bumabalik sa nakaraan at nagtatanong sa sarili.

Bakit kaya? Bakit kaya kinailangang maglihim at magsinungaling sa akin ni Khaizer tungkol kay Louie? Gusto kong malaman. Gusto kong maintindihan. Pero... natatakot ako. Nakakatakot 'yong posibilidad na hindi totoo ang lahat ng mga pinakita at pinaramdam sa akin ni Khaizer.

"May gusto pa sana akong sabibin kay Louie."

Bigla namang bumalik sa akin 'yung araw na pinasyal ko siya sa libingan ni Louie.

"Sa harapan niya, sasabihin ko ngayon... Minahal, minamahal, at mamahalin kita. Salamat, at pinagkatiwala ka niya sa akin. Gagawin ko ang lahat huwag lang masayang ang pagkakataon na 'to."

Nanikip ang dibdib ko sa alaalang iyon, dahilan para maisapo ko ang isa kong kamay rito. Parang gusto kong dukutin ang puso ko at itapon ito para lang hindi na ako makaramdam ng matinding kirot sa bawat pagpintig nito.

Paano na lang kung ang dahilan ng pagmamahal niya sa akin ay para magpakaresponsable lang sa nangyaring pagkamatay ni Louie?

Paano?

Ngayon, gusto kong lokohin ang sarili ko. Gusto kong sabihin na hindi ko minahal si Khaizer—kung hindi lang no'n pinalalala ang kirot sa puso ko. Kasi, minahal ko talaga siya. Mahal ko pa rin siya. At totoo iyon masyado para malinlang ko ang sarili ko.

"Shine?"

Inangat ko ang aking ulo para tingnan si Mama na tumawag sa akin. Nakasilip siya mula sa maliit niyang pagkakabukas sa pinto ng kuwarto ko.

Kagaya ng mga nagdaang araw, naaaninag ko sa kanyang mga mata ang pag-aalala. Pero mula nung umuwi ako galing sa huling pasyal namin ni Khaizer, isang beses pa lang niya ako tinatanong kung nag-away ba kami nito. Umiling lang ako no'n. Nagbiro naman no'n si Papa na kung gusto ko raw ba managot sa kanya ni Khaizer. Pero hindi ako umimik. Wala akong binanggit sa kanila na kahit isang salita tungkol sa amin ni Khaizer. Ayokong makialam sila, at mukhang naintindihan naman nila iyon dahil hindi na naulit ang pagtatanong at pagbibiro nila tungkol do'n.

"Po?" tugon ko kay Mama.

Matamlay siyang ngumiti. "Sabi ko, kain na tayo ng tanghalian sa baba."

"Ah... Mamaya na lang po ako kakain, Ma. Hindi po maganda ang pakiramdam ko."

Nanatili ang matamlay niyang ngiti bago humakbang papasok ng kuwarto ko. Sinara niya ang pinto at saka lumapit sa akin. Umupo siya patagilid sa kama ko para maharap niya ako, bago siya nagsalita sa malumanay na tono.

"Hinayaan ko na lumipas ang nagdaang mga araw nang hindi nakikialam sa kung anuman ang nangyayari sa inyo ni Khaizer. Kung meron kasi kayong naging hindi pagkakaintindihan, ayos lang. Normal lang naman iyon sa pakikipagrelasyon. Umasa ako na maaayos niyo rin iyon kasi may tiwala ako sa inyong dalawa. Pero... isang linggo na ang lumipas, Sunshine. At hindi na ako nakakita ng pagbabago sa inyo—o sa iyo. Lumala ka pa nga e?"

Tuwing Umuulan... (ULAN Trilogy Book 2)Where stories live. Discover now