CHAPTER 1: The Silver Coin

1K 31 23
                                    

August 11, 1972,

Ika-26 ng Disyembre taong 1965 noong ipinanganak ko si Prency. Alas-otso iyon ng gabi, tahimik na ang kapaligiran, tila napagod ang mga tao sa nagdaang Pasko. Natatandaan kong nakikinig ako sa radyo tungkol sa paghahanda ng panunumpa ng bagong halal sa pagkapresidente na si Ferdinand Marcos nang biglang humilab ang aking tiyan. Agad na tinawag ng Itay ang komadrona. Pinapanalangin ko na sana lalaki ang magiging anak ko. At napuno ng takot ang puso ko ng sabihing babae ang ipinanganak ko..

Sinubukan kong hindi magpakita ng pagmamahal sa kanya dahil alam kong sasapitin niya ang sasapitin ko. Alam kong sabik siya sa pagmamahal ko, at may ilang pagkakataon na gusto ko siyang yakapin, ngunit kailangan kong maging matatag. Kailangang maging matatag si Prency.

Kahapon, tinanong ako ng aking pitong taong gulang na anak kung nasaan ang kanyang ama. Napagalitan ko siya, pero kapag nakikita ko ang mga mata niya, lumalambot ang puso ko. Magkahalong galit at pagmamahal. Galit dahil nakuha niya ang mata ng kanyang ama. Paano ko sasabihin sa anak ko na iniwan kami ng ama niya dahil sa sumpa na nakaakibat sa pamilya ko? Paano ko sasabihin kay Prency ang mga panaginip na nararanasan ko? Na takot ako sa anomang may kinalaman sa tubig dahil palagi kong nakikita ang sarili kong nasa ilalim ng agwa.

At kanina, naranasan ni Prency ang kanyang unang Pagbisita. Doon ako natauhan. Panahon na siguro para isipin ko ang anak ko. Iniisip kong kapag lalayuan ko siya, hindi ako masasaktan kapag nawala siya. Ngayon, nandidiri ako sa aking sarili. Paano ko nagawang isipin ang aking sarili kesa sa kapakanan ng aking anak? Ipapasa ko sa kanya ang baryang pilak para sa kanyang kandili. Kahit sa pamamagitan man lamang noon, makabawi ako.

Talaan ng Pagbisita

Constancia, 32

"MANIWALA KA. Magtiwala ka sa maliliit na pangarap na puwede mong abutin," anang isang tinig.

Tumingala si Donna rito. Inaninag niya ang tinig ngunit malabo ito sa kanyang paningin na parang may ulap ang mga mata. Kumurap-kurap siya para mawala iyon ngunit hindi siya nagtagumpay.

Luminga siya sa paligid. Napakaganda niyon, luntiang mga puno at payapang lawa. Na parang kayang alisan ng tanawin ang pagod at hinanakit ni Donna sa mundo. Nasa isang duyan sila at nakayakap siya sa babaeng hindi niya maaninag ang mukha.

"'Ma, ikaw ba iyan?" tanong niya habang kinakapa ang mukha nito.

Hinaplos nito ang kanyang buhok at isinandal siya sa balikat nito.

"Minsan kapag nabuhay ka ng matagal, masasaksihan mo ang pagkawala ng mga taong importante sa'yo. Doon mabibigyan mo ng halaga ang mga alaala at gunita na meron ka. Kahit gaano kaliit pa iyon. Isang araw magninilaw ka, na ang mga maliliit na bagay na mga ito ang makakapagpabigay ng ngiti sa labi mo."

"Ano ang silbi ng mga alaala kung wala naman ang mga taong mahalaga sa akin?" tanong niya na unti-unting tinatablan ng antok.

"Ang mga alaala ay nagsisilbing alaala sa'yo na may mundo ka pang puwedeng galawan, may buhay ka pang puwedeng lagyan ng kulay. Wala man ang mga taong mahal mo, nagsisilbi ang mga alaalang itong para harapin mo ang mundong meron ka. Para ipaalala sa'yo na hindi ka puwedeng makulong sa isang buhay na idinikta sa'yo," malumanay na sabi ng isang tinig.

"Hindi ko maintindihan," bulong niya habang unti-unti sumasara ang talukap ng kanyang mga mata. Pakiramdam niya galing siya sa mahaba-habang lakaran at naubos ang lakas niya.

"'Wag mong kainggitan ang mga hindi mo na kailangang gawin. Kung isa kang gagamba na nakulong sa isang balon, hindi mo kailangang gamitin ang mga sapot mo para makalabas kung may tulay naman sa tabi mo."

Silver Coin, Wild Dreams, and Us (Published under PHR) Where stories live. Discover now