CHAPTER TEN

10.6K 437 82
                                    

A/N: Dedicated to the first commenter.

**********

Buti na lang naabutan ko ang tren papuntang Umeda Station. Nakahinga ako nang maluwag. Okay na kahit siksikan at hindi ako halos makagalaw. Ang importante ay hindi ako ma-late sa pagkikita namin ni Amane o mas angkop na tawagin kong Miss Amane. Nakakahiya naman kung ang boss ko pa ang maghihintay sa akin. Pero gano'n na nga ang nangyari. I came just in time for our meeting, pero nandoon na siya sa Starbucks na nasa seventh floor ng Hep Five at prenteng sumisipsip ng kanyang matcha frappuccino. Kasama niya ang babaeng minsa'y bumisita sa kanya sa eskwelahan habang tinuturuan ko siya ng English---si Mitsuko-san.

"Pasensya na po kung nahuli po ako ng dating," sabi ko sa kanila sabay yuko nang bahagya.

Tinaas ni Amane-san ang kanang kamay niya at paulit-ulit itong winagayway na parang nagtataboy ng insekto sa mukha. Ang ibig sabihin no'n, walang anumang nauna sila ng dating. Ngumiti pa siya sa akin, gano'n din ang kasama niya.

"Maupo ka," sabi pa ni Miss Amane at hinugot ang isang bakanteng upuan sa tabi niya at minuwestrang doon daw ako maupo.

"O siya, iiwan na kita rito. I-text mo na lang ako kung tapos na kayo't babalikan kita," paalam sa kanya ni Mitsuko-san. Kumaway naman ito sa akin bago tinungo ang pababa na escalator na halos sa bandang likuran lang namin.

"Ano ang gusto mong inumin?" ang tanong niya sa akin sa malumanay na tinig. Medyo naalangan ako dahil palagay ko hindi iyon bagay. Sino ba naman ako?

"Ah, sige po. Mag-oorder po muna ako ng maiinom ko." Tatayo na sana ako para tumungo sa counter nang pinaupo niya ako ulit. Hindi na raw kailangan na doon pa ako umorder. Tinawag niya ang isa sa mga crew ng Starbucks at kaagad naman itong lumapit sa amin. Inorder niya ako ng matcha frappuccino. Namangha ako sa kakayahan niyang magmando sa tao nang hindi naman lumalabas na parang feeling self-entitled siya. Dapat kasi'y self-service doon at sa counter lang pupwedeng umorder ng inumin o kakainin.

"Marahil ay nagtataka ka kung bakit gusto kong makipagkita sa iyo."

Iyon na nga ang kanina ko pa iniisip. Subalit hindi ko isinatinig iyon. Nanatili akong tahimik.

"Nakarating sa akin ang mga naging reklamo ng mga nanay sa iyo. Pasensya na talaga sa kanila, ha?" At hinuli pa niya ang isa kong palad para pisilin. "Sana'y huwag mong isipin na ganoon kaming mga Haponesa ka walang pakundangan sa kapwa," patuloy pa niya. Nakangiti na. "Dahil doon, ako na mismo ang humihingi sa iyo ng tawad." At yumuko siya sa harapan ko.

"Oh, no! Hindi n'yo na ho kailangang gawin pa iyan sa akin, Miss Amane!"

Ngumiti uli siya. This time may lungkot na sa kanyang mga mata.

"Nais ko ring ihingi ng paumanhin ang naging desisyon ni Mr. Anders patungkol sa reklamo ng mga nanay." At yumuko na naman siya. Nagprotesta sana ako. Hindi na ako komportable sa sitwasyon. Hindi niya dapat ginagawa sa akin ang mga ginagawa niya ngayon.

"Sana'y huwag mong isipin na hindi ka namin pinapahalagahan, Fereru-san. Mahalaga ka rin sa aming paaralan kahit na hindi ka nagmula sa mga bansang nagsasalita talaga ng Ingles."

"Huwag po kayong mag-alala, Miss Amane. Naipaliwanag na po sa akin ni Akemi-san ang lahat. Naiintindihan ko po. Wala na po kayong dapat ipangamba."

Bahagya siyang natigilan nang marinig ang pangalan ni Akemi. Sinipat niya ang mukha ko. Ngumiti naman ako sa kanya para patunayan na wala na sa akin ang lahat.

"Magaling kung gano'n. Alam mo na marahil na pinatanggal ko ang lahat ng mga bagong guro para hindi sila pagmulan ng kung anu-ano pang isyu sa eskwelahan. Ang nakarating kasi sa aking balita'y isa sa kanila ang dahilan kung bakit nagkalakas-loob ang mga nanay na magreklamo laban sa iyo."

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon