EDITORYAL - Bangungot sa Kasaysayan

970 4 0
                                    

          Ang kaawa-awa at walang saysay na pagkamatay ni Kian Loyd delos Santos ay naghuhudyat ng iba't-ibang uri ng pagkakagising sa ating mga mamamayan. Nangunguna rito ang pagkakagising sa mga mamamayan na animo'y nakasanayan na ang araw-araw na balita tungkol sa kaliwa't-kanang pagpatay sa ngalan ng 'di umano'y paglilinis sa ipinagbabawal na droga sa lipunan.

Tila namanhid na ang mga nasabing mamamayan na itinuturing ang naturang kampanya na bahagi na ng kanilang pang araw-araw na buhay at ang bawat pagpatay ay isang ordinaryong pangyayari na lamang na kanila ng nakasanayan. Nang dahil sa pagkamatay ni Kian, unti-unting nabubuksan ang mga mata ng mamamayan, nagigising sa pagkakahimbing, at kahit papaano ay nasisilayan ang katotohanan.

Nawa'y gisingin din ng pagkamatay ni Kian ang mga mamamayan na pilit na ipinipikit ang kanilang mga mata at patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga walang pakundangang pagpaslang na nangyayari sa ating lipunan. Ang mga mamamayang ito, ang mga walang pakialam at nagbubulagbulagan, ang siyang ginigising ng walang awang pagkakapatay kay Kian.

Kahalintulad ng pagkakapaslang kay Ninoy, na sa araw na ito ay ginugunita ng sambayanan, ang walang awang pagpatay kay Kian ay nagdulot ng pagkakabigla...ng hinagpis...ng hindi mapigilang iyak at awa.

Tunay nga na ang tanging paraan lamang para manaig ang kasamaan sa mundo ay kung ang mga mabubuting mamamayan ay patuloy na mananahimik at patuloy na matutulog na walang pakialam.

Makakamtan lamang ang katarungan sa walang saysay na pagkamatay ni Kian kung magkakaroon ng himagsikan sa puso't damdamin ng bawat mamamayan. Ang patuloy na pananahimik at pagbubulag-bulagan ay magdudulot lamang ng bangugot sa ating kasaysayan.

A/N: Don't forget to tap the star ⭐️ Button to Vote. Vote and Comments are highly appreciated 😀.
Enjoy!!!

Editorial - Editoryal Where stories live. Discover now