✎ Mga Lantang Dahong Nakabilad Sa Kalsada

62 3 0
                                        

Nakikita mo ba sila,

mga lantang dahon

sa kalsada?

Nakikita mo ba,

mga dahong nakabilad

sa araw?


Napapariwara,

napapabayaan,

nangungulila,

naliligaw ng landas,

lumalaban

kahit hindi batid ang wakas.


Nakikita mo ba sila?

Nakikita mo ba talaga sila?


Kalsada,

kalsada ang kanilang palaruan.

Kalsada,

kalsada ang kanilang tahanan.

Lumang karton ng sigarilyo

ang nagsisilbing bubong

sa silid-libingan

upang may matulogan,

palipasin ang gabi.

Nakabaluktot ang mga paa,

kumot ang sariling katawan.


Kalsada,

kalsada ang kanilang paaralan.

Bawat sulok,

bawat usok,

bawat pagsubok,

bawat karanasan,

may leksyong natutunan.

Ingay ng bosena

ng mga nagkokompolang sasakyan

ang gumigising

sa hikab at sinok

ng hungkag na isipan.


Tugon:

Sino ba ang may kasalanan?


Ang mga magulang?

Nagpabayang magulang,

na sana ay nagsilbing puno.

Mag-aalaga,

mag-aaruga,

magpaparamdam ng halaga

sa kanilang mga anak.

Sa mga musmos

na hindi inakalang

isisilang sila sa mundong

mapanghusga.

Maraya.

Malupit.


Oo, malupit ang mundo.

Napakalupit.

Pagtapos ng unang iyak,

ay paglimot

sa pangarap.


Tugon:

Sino ba ang may kasalanan?


Ang gobyerno?

Gobyerno na naman?

Na habang putak ng putak

sa Senado,

pinagdedebatehan

kung ano ang tama at mali.

Nakalimot.

Nakalimot na sa pagtama sa mali.


Nasasayang ang oras,

nauubos ang lakas,

sa paghahanap sana ng lunas

sa sakit dito sa bayan ng baliw,

perlas ng kasinungalingan,

nag-aalab ang tuso,

nagugutom ang mga tao,

patay-malisya.

Takip-bibig.

Takig-mata.

Takig-tenga.

Takip-silim,

unti-unting pinapatay.


Tugon:

Sino ba ang may kasalanan?


Baka tayo?

Mga taong nagbubulag-bulagan,

na hindi man lang

makadukot sa bulsa

ng biskwit na dala

o ni kahit isang limos na barya.

Pandilig lang sana

sa natutuyong sikmura.


Baka tayo?

Tayo na nagkukunwaring

nagsisimba,

nakakabinging inaawit ang awit

hanggang sa mangawit,

dahil magkakaiba-iba

ang tono ng Ama Namin.


Baka tayo?

Tayo na nagkukunwaring

nakaluhod,

na kailangan munang ihipan

ang alikabok,

upang hindi madumihan

ang bagong biling pantalon.


Magsisimba lang ba talaga tayo

tuwing may bagong nabili?

O kung may milagrong

sa Kanya hinihingi?


Tugon:

Sino ba ang may kasalanan?


Nakikita mo ba sila,

mga lantang dahon

sa kalsada?

Nakikita mo ba,

mga dahong nakabilad

sa araw?


Sana maisip ng mapalad

na sa bawat butil ng bigas

na nasasayang,

may mga nagugutom,

wala pang maisubo

ang mga daliring

nakaloblob sa putik,

wala pang makain

kung wala pang basurang itinapon.

Palaboy-laboy sa lansangan,

nag-aabang ng laya,

dahil maituturing nilang kalayaan

ang pagpantay

ng kanilang mga paa.

TuldukuwitWhere stories live. Discover now