"Nay! Tingnan niyo po!
Ang ganda ng saranggola!"
nakaturo sa langit
ng nakangiti,
at naiingit.
Naiinggit kasi ako,
kapag ang mga kaibigan ko
ay naglalaro ng saranggola
sa may malawak na palayan
sa aming baryo.
Ang tataas kasi ng lipad,
tila ba nakahalik sa mga ulap,
habang nagtatawanan sila.
Kaya sabi ko kay inay,
"Nay, makapunta tayo
sa palaengke,
bili mo naman po ako
ng saranggola."
"Anak, mas maganda
kapag pinaghirapan
mong gawin 'yan.
Kahit hindi man maging perpekto,
basta lilipad 'yan anak,
makakamit mo rin
ang rurok ng tagumpay
na inaasam mo sa buhay."
tugon ni inay.
Kaya dali-dali akong kumuha
ng tali, selopeyn,
istik at lata,
nagpaturo ako kay itay,
gagawa na ako ng aking
sariling saranggola.
Kahit hindi man kasingganda
ang gawa ko kaysa sa kanila,
alam ko sa sarili ko,
ang pakiramdam na pinaghihirapan
mong makuha ang isang bagay.
Kasama ko si itay,
magpapalipad na kami
ng gawa kong saranggolang
natapos kagabi,
nakapinta sa aking mukha
ang galak at saya.
Unti-unti kong inaayos ang tali,
paunti-unti lang,
habang tumataas na ang lipad
ng aking saranggola.
Nang kalaunan,
biglang lumakas ang hangin,
halos hindi ko na kayang
hawakan pa,
ngunit hindi ko pa rin binitawan.
"Tay, nasira po ang saranggola ko."
sabay pahid sa luha
ng namumugtong mata.
"Anak, tahan na. Ayos lang yan.
Ganyan talaga ang buhay,
maraming pagsubok ang darating,
mas malakas pa nga
kaysa sa hanging sumira
sa pinaghirapan mo.
Magagawan pa rin 'yan ng paraan,
maaayos pa rin 'yan,
kaya'wag ka nang malungkot.
Anak, ang mahalaga,
hindi mo basta-basta sinusukoan
ang iyong saranggola."
tugon ni itay.

YOU ARE READING
Tuldukuwit
PoetryKoleksyon ng mga tulang nalikha ng tinta ng utak at puso. Para sa mga taong kahit ilang beses mga nadapa, pinili pa ring lumaban at tumingala. All Rights Reserved © 2021