Isusulat kita.
Sa huling araw na masisilayan ko
ang tamis ng 'yong mga ngiti
at ang mapang-akit
mong mga labi.
Isusulat kita.
Habang nakikita ko pa
ang aking sarili
sa kislap ng 'yong mga mata,
bago ka lumisan,
dahil matagal pa
ang 'yong pagpihit
mula sa ibang daigdig.
Isusulat kita.
Sa mga titik at letrang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ko hahayaang
malusaw na lamang
sa pagtakbo ng oras,
mabaon sa limot,
patungo sa karimlan.
Isusulat kita.
Habang tanaw pa natin
ang mapula-pulang sunset
na kakulay ng puso nating dalawa
at kayakap kita.
Yayakapin pa kita.
Sana.
Isusulat kita.
Sa kailaliman ng gabi,
sa dilim,
sa nagsisidhing damdamin,
kung saan sinag
lang ng buwan
ang tanging namamasdan,
at ang kayakap ko na lang
ay ang mga unan.
Isusulat kita.
Kasabay ng pagpigil
sa pagpatak ng luha
habang nakikita
ang 'yong mga hakbang
paakyat sa bus,
dahil aalis ka na.
Habang ang sinasakyan
ko namang dyip
ay papalayo
ng palayo mula sa'yo,
ihahatid na
kung saan
iisipin na lang kita.
Isusulat kita.
Ikaw ang ipapaloob
nitong aking akda,
bawat berso, bawat tugma,
ikaw ang nasa isip,
ang iisipin paulit-ulit
hanggang sa tumunog bukas
ang naka-set kong alarm
at magigising na lang
na nasa malayo ka na.

YOU ARE READING
Tuldukuwit
PoetryKoleksyon ng mga tulang nalikha ng tinta ng utak at puso. Para sa mga taong kahit ilang beses mga nadapa, pinili pa ring lumaban at tumingala. All Rights Reserved © 2021