"Nak, kumustang pag-aaral mo diyan?
'Wag kang magpapagutom ha,
mag-ingat ka anak."
Tugon ng inay sa butihing anak,
na katumbas ay tiwala,
pag-aakala,
na sa dulo ng bahaghari
ay may matatagpuang tagumpay.
"Nak, kumustang pag-aaral mo diyan?
Bukas na lang ako magpapadala ha,
mag-ingat ka anak."
Tugon ng inay sa butihing anak,
na may halong pagkalungkot,
pangangamba,
di nakadelihensya,
mahina ang kita,
baka magutom ang anak niya.
"Nak, kumustang pag-aaral mo diyan?
Kaya pa? Alam ko kaya mo yan,
mag-ingat ka anak."
Tugon ng inay sa butihing anak,
na may halong saya,
pagkakatuwa,
dahil ayon sa kanyang anak,
pasado na naman daw siya.
Pero bakit?
Binalewala mo
ang mga pagsisikap
ng mga magulang mo
para lang sa'yo,
para lang makapag-aral
ang
kanilang
butihin
sanang
anak.
Di mo ba alam
na sa bawat butil ng bigas
na kinakain mo,
katumbas ay bawat patak
ng kanilang pawis,
sa pagbabanat nila ng buto?
Para lang sa'yo!
Mahirap.
Oo, mahirap.
Pero ginagawa nila
ang kanilang tungkulin
bilang mga magulang mo.
Sana mapagtanto mo,
kaya nilang mag-ulam ng asin,
kaya nilang malipasan ng gutom,
'wag lang ikaw!
Ilang putik at lubak sa daan
ang kaya nilang lakarin,
para lang maihatid ka
sa naka-aspaltong kinabukasan.
Pero pinili mo pa ring magbulakbol!
Pinili mo ang pag-oovernight
sa internetan,
sa halip ay pagtuunan ng pansin
ang bagsak-bagsak mong exams?
Ang kapal naman ng mukha mo!
Humihingi ka pa rin ng pera.
Para saan?
Pang-enroll?
Pangrenta?
Pang-allowance?
E, di ka naman pumapasok sa eskwela,
di ka na naman nag-aaral, di ba?
Ilang sem na nga ba?
Ilang taon na ba?
Hanggang kailan mo ba balak lokohin
ang mga magulang mo?
Hanggang kailan mo ba balak lokohin
ang sarili mo?

YOU ARE READING
Tuldukuwit
PoetryKoleksyon ng mga tulang nalikha ng tinta ng utak at puso. Para sa mga taong kahit ilang beses mga nadapa, pinili pa ring lumaban at tumingala. All Rights Reserved © 2021