Itagay ang pusong pinapatay,
pinapatay pero pilit binubuhay
sa pag-aasam
na may pag-asa pa
na merong tayo.
Sana, tayo,
ikaw, ako,
pero kung kailan
malapit na ang may tayo,
bigla kang nagmahal ng iba
at ako'y iniwan mo.
Napunta ka sa kanyang piling,
natira ang mga tanong
na hindi ko kayang sagutin,
dahil mahirap sambitin
ang pangalan mo,
sa mga alaalang
aalalahanin ko
at bibitawan,
ibabaon na sa limot.
Mahirap kasing
humingi ng closure,
kung hindi naman
naging tayo.
Isuka bago isuko
ang lungkot ng pusong-lito,
magpapatuloy pa ba
o hihinto na lang sa kanto.
Bakit pa kasi nakilala ka?
Bakit pa kasi nagustuhan ka?
Bakit pa kasi hindi mo agad sinabi,
na yang puso mo pala,
iba na ang nagmamay-ari?
Akala ko pa naman
mamahalin na sana kita.
Nalilito pa sa gagawin,
pero kusa na akong lalayo
kasi walang magiging tayo,
hanggang asa lang ako,
kaya ako ang lulugar sa inyo.
Isusuko kita,
pero hindi ibig sabihin
na wala na
akong nararamdaman.
Dahil hindi agad
magagamot ang sakit
ng pagsuko sa'yo
sa isang pagsuka lang.

BINABASA MO ANG
Tuldukuwit
PoetryKoleksyon ng mga tulang nalikha ng tinta ng utak at puso. Para sa mga taong kahit ilang beses mga nadapa, pinili pa ring lumaban at tumingala. All Rights Reserved © 2021