Pagbutihin ang paghilod ng puso,
padaanan ng pag-asa
ang bawat singit ng pagkatao,
pagkatapos, magkilay ka,
iporma, para maayos tignan,
guhitan mo, kulayan mo
kung kulang pa,
dahil kulang pa ang pag-iyak
mo para sa kanya.
Maglagay ng lipstik
na ayon sa kapal ng kirot
na nararamdaman mo,
at pabanguhin ang hininga,
iwasan ang pagbanggit
sa pangalan niya.
Magpaganda ka,
dahil ikaw ay muling aasa.
Umasa ka sa mga pangakong
hindi man lang niya nagawa,
kasi mahal mo siya,
umasa kang
hindi siya magsasawa.
Bumangon ka, magpaganda ka,
dahil ngayong araw, ikaw ay aasa,
bukas ulit, at sa isang araw pa,
araw-araw, tanggapin mo na.
Mahirap umasa na mahalaga ka,
kung ang lagi lang namang
kausap niya ay iba,
mahirap umasa na
magiging kayo pa ulit,
kung ikaw naman pala
ay isa na lang alaala sa kanya.
Hindi na matatagpuang muli
ang nakaraang matagal
mo pa ring hinahanap,
dahil ang natira na lang
ay ang sakit
na pilit kinakalimutan,
minsan hindi na importante
kung ano ang simula ng pag-iibigan,
kung ang meron na lang naman
ay simula ng katapusan.

ESTÁS LEYENDO
Tuldukuwit
PoesíaKoleksyon ng mga tulang nalikha ng tinta ng utak at puso. Para sa mga taong kahit ilang beses mga nadapa, pinili pa ring lumaban at tumingala. All Rights Reserved © 2021