Part 23

9.2K 291 13
                                        

MAKALIPAS lamang ang dalawampung minuto sakay na ng limousine si Alaina at ang kaniyang ama paalis sa Jumeirah Islands. Mabuti na lamang at hindi na niya nakita pa si Diana nang magpaalam sila ng papa niya sa mga helper at kay Ma'am Yolly. Hindi na lang niya pinansin ang makahulugang tingin na ipinukol sa kaniya ng lahat. Mabuti na lang nang makasalubong niya ang tingin ni Rosy ay bahagya siyang nginitian ng babae. Gumaan ang pakiramdam niya. Bago sila tuluyang makalabas ng mansiyon ay bigla pa siyang niyakap ni Randall sa harap ng lahat at hinalikan siya sa noo. Pagkatapos ay hinatid pa sila ng lalaki sa sasakyan.

Nang mapadaan ang sasakyan sa Leisure Area ay may nakapang munting kurot sa puso niya si Alaina. Habang palayo kasi sila ay lalong tumitimo sa isip niya na talagang magkakahiwalay na sila ni Randall. At nang nasa labas na sila ng Jumeirah Islands ay lumingon pa siya. Nakaramdam siya ng lungkot dahil pakiramdam niya para siyang unti-unting nagigising sa isang mahabang panaginip. Noong una siyang dumating doon pakiramdam niya tumalon siya sa isang fairytale. Ngayon ay palabas na siya roon, palayo kay Randall. Kahit pa nangako sila sa isa't isa na magkikita uli ay hindi niya maiwasang makaramdam ng hindi magandang kutob sa dibdib niya. As if something bad is about to happen in the near future.

"Alaina, alam mo ba talaga kung ano ang pinapasok mo? Hindi magiging madali sa iyo ang makipagmabutihan sa kaniya. Ayokong magsisi ka sa huli," usal ng kaniyang ama.

Inalis niya ang tingin sa pinanggalingan nila at bumaling sa papa niya. Bakas ang pag-aalala at alinlangan sa mukha nito. Bahagya siyang ngumiti. "Papa, hindi ako magsisisi na nakilala at minahal ko si Randall. Bata pa lamang ako, pangarap ko na maranasan ang pagmamahal na katulad ng sa inyo ni mama. At sa tingin ko si Randall na iyon. Alam ko bata pa ako, pero sana maniwala ka na totoo ang nararamdaman ko."

Napabuntong hininga ang papa niya. "Alam ko. I don't take your feelings lightly. Kahit kami ng mama mo, unang nagkamabutihan noong ka-edad mo pa lang siya. Pero ang naging relasyon namin ng mama mo ay iba sa inyo ni Master Randall. Iyong sa amin, simple at normal. Our relationship was uneventful but very comfortable hanggang magdesisyon kami magpakasal at bumuo ng pamilya. Iyong sa inyo ay iba. Marami kayong mapagdadaanan na alam kong mahihirapan at masasaktan ka."

Humilig si Alaina sa balikat ng kaniyang ama. "Alam ko, papa. But I think this love will be worth all the things that we have to face. Kaya huwag ka na masyadong mag-alala okay?"

Inakbayan siya ng papa niya at hinigit palapit. "Sige na nga."

Napangiti na siya at pumikit. "Thank you, papa."

"Ah, pero hindi ko alam na marunong pala siya magtagalog. Nagulat ako doon."

Bahagyang natawa si Alaina. "Marunong daw siya mula pa noong bata pa siya. Hindi lang niya basta ginagamit. Ang sabi niya kapag daw kinakausap niya ang isang tao sa sarili niyang lengguwahe ibig sabihin ibinibigay niya ang buong tiwala niya sa taong iyon."

"So, he's putting his trust on me?" tanong ng papa niya. Tumango siya. "Fine. Susubukan ko rin ibigay ang tiwala ko sa kaniya," pasukong sabi pa nito.

Lumawak ang ngiti niya at niyakap ang ama bilang pasasalamat. "Huwag ka mag-alala papa, trustworthy si Randall. Alam ko na kapag nangako siya, tinutupad niya iyon." Kaya sigurado si Alaina na tutuparin ng lalaki ang pangako nitong tatawagan siya nito araw-araw. And that he will come to her as soon as he can.

Ang mga pangakong iyon ang panghahawakan niya hanggang sa susunod nilang pagkikita ng lalaking mahal niya.

REMEMBER YESTERDAYWhere stories live. Discover now